3 Katangian na Dapat Linangin sa Bawat Mag-aaral
Malaki ang gampanin ng mga guro sa paghubog ng mga kabataan. Sa laki ng oras na ginugugol ng mga estudyante sa pag-aaral at pakikinig sa mga leksyon, napakalaki ng impluwensya na naibibigay ng mga guro sa kanila.
Sa kabila nito, madalas ay nalilimita tayo sa paghubog ng talino at galing lamang sa performance sa paaralan. Hindi masama na sila ay maging magagaling na estudyante at makakuha ng mataas na antas sa klasrum. Ngunit hindi dapat mahinto dito ang layunin ng mga guro.
Bukod sa talino at galing, narito ang limang pinaka-importanteng katangian ng bawat mag-aaral na dapat linangin ng mga guro, maging sa pisikal man na klasrum o sa online learning:
Kuryosidad at Pagnanais na Matuto
Malaki ang kaibahan ng isang batang mataas ang grado sa mga pagsusulit ngunit dahil memoryado ang mga sagot mula sa klase, sa isang batang mataas ang grado sa mga pagsusulit dahil may likas na sigla sa pag-aaral at tunay na pagnanais na matuto tungkol sa maraming bagay.
Ang mga batang nasanay lamang na sumagot nang ayon sa mga study materials na ibinigay sa kanila ay hindi magkakaroon ng kuryosidad tungkol sa kanilang mundo, mga kapwa nila, o sa kultura at karanasan ng ibang tao.
Hindi din sila magkakaroon ng matalas na pag-iisip, dahil hindi sila sanay na mag-isip para sa kanilang sarili o bumuo ng kanilang sariling mga opinyon.
Ngunit hindi madaling linangin ang ganitong katangian. At madalas, ito ay likas sa isang tao at hindi maaaring ipilit. Ngunit mayroon kang magagawa bilang isang guro upang hikayatin ang isang mag-aaral na magkaroon ng kuryosidad.
Isang paraan upang magawa ito ay ang paghihikayat sa mga mag-aaral na tuklasin muna ang ilang aspeto ng inyong paksa bago ito ituro. Bigyan ng pagkakataon ang mga bata na bumuo na sarili nilang perspektibo at opinyon, at ibahagi ang mga ito nang may laya at nang walang pangungutya kung mangyaring mali man ang kanilang pananaw o sagot.
Maaari ding magbigay ng incentive para sa mga pang-unang research ukol sa mga parating na leksyon, upang ganahan ang mga mag-aaral na magbasa, tumuklas, o magtanong. Kung ikaw ay nagtuturo online, maglaan ng panahon sa inyong online class upang magsagawa ng mga diskusyon.
Paggalang sa Kapwa
Sa tunay na buhay, sa labas ng online classroom o ng pisikal na klasrum, anumang talino o galing ng isang tao, kung siya naman ay may hindi kanais-nais na ugali at masama ang pakikitungo sa iba ay balewala din ang kanyang galing.
At bilang mga guro, malaki ang responsibilidad na linangin ang magandang asal sa kabataan at ipakita na ang kagandahang-loob at mabuting asal ay higit na mahalaga kaysa anumang galing.
Sa loob ng klasrum, maaari itong linangin sa mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga panuntunan at alituntunin na kailangang sundin habang ginagawa ang klase. Ang mga alituntunin na ito ang magiging gabay sa kanilang kilos at pakikitungo sa isa’t isa at sa kanilang guro.
Maaari din magbigay ng incentive sa magandang asal, gaya ng pagdating sa klasrum (kahit na online) nang maaga o sa tamang oras, bilang paggalang sa panahon ng guro at ng mga kaklase.
Sa pamamagitan nito, maaaring maituro sa kanila kung paano ang tamang pakikisalamuha sa ibang tao, at maiintindihan nila na ang kabutihang-asal at paggalang sa iba ay mas karapat-dapat bigyan ng gantimpala.
Sipag at Tiyaga
Mayroong mga mag-aaral na hindi ganoon ka talino ngunit ubod ng sipag mag-aral. At madalas, dahil sa kanilang sipag, nagiging sing-galing sila ng mga mag-aaral na mas matalino kaysa sa kanila, kung hindi man higit pa.
Mahalaga ang pagiging masipag at matiyaga sa kung ano ang ating sitwasyon at anuman ang mayroon tayo sa tunay na buhay sa labas ng klasrum. Kaya mahalaga na bilang guro ay malinang ito sa mga mag-aaral upang maging handa silang makipagsapalaran.
Maaari itong linangin sa mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga gawain na hindi nasa talino dami ng alam ang pokus, kung hindi sa kung gaano ka-dami ang nagawa o laki ng output. Maaari itong maging dami ng mga pahina na nabasa sa textbook o study material, sa agang pumasok sa klase, o sa pagiging consistent sa pagpasok.
Sa mga praktikal na bagay na ito masusukat kung gaano ka-tiyaga at sipag ang isang bata sa kanyang pag-aaral.