4 na Mga Aktibidad Para sa Paggamit ng Positibong Reinforcement sa Silid-aralan

Ang corporal punishment o yaong paggamit ng takot upang turuan ang mga bata na matutunan ang isang kakayahan, ang unang naging mukha ng edukasyon sa mga nakalipas na panahon. Naniniwala ang ilan na ang takot ay may kapangyarihang ikintal sa damdamin ng mag-aaral ang importansya ng paksang kanilang natutunan.

Ngunit sa paglipas ng maraming panahon, napansin sa mga pag-aaral na ang paggamit ng negative reinforcement ay may hindi magandang epekto sa emosyonal na estado ng mga mag-aaral. Dahil nga sila ay nasa transisyong  biyolohikal, kailangang maingat ang guro na huwag maging matigas sa kaniyang pamamaraan dahil maaring magkaroon ito ng long-term effect sa mental at emosyonal na estado ng bata.

Bilang tugon sa posibleng epekto ng negative reinforcement, isa sa mga nakitang epektibong paraan ay ang paggamit ng positibong reinforcement.

Ito ay isang aspeto ng operant conditioning na binuo ni B.F. Skinner. Tanyag ito sa paggamit ng mga daga bilang bahagi ng eksperimento. Ang mga daga ay binigyan ng gantimpala gaya ng pagkain sa tuwing napipindot nila ang bar. Napansin ni Skinner na mas naengganyo ang mga daga na pindutin ang bar dahil alam nilang kapag ito’y kanilang gagawin, mayroon silang gantimpalang makukuha.

Tulad ng isang daga, ang tao ay maeengangyong ulitin at ipakita ang isang katangian kung alam nilang may kaakibat itong gantimpala. Ngayon, paano nga ba ito ginagawa sa loob ng klasrum? Narito ang limang mga aktibidad sa paggamit ng positibong reinforcement sa silid-aralan.

Direct Reinforcement

Ito ay tumutukoy sa isang uri ng reinforcement, na ayon sa mismong pangalan, ay direktang nagreresulta mula sa angkop na katangian. Ayon kay Smith (2017) , kung ang isang bata ay nakikipag-ugnayan nang naaangkop sa lebel ng grupo, malamang na hahantong ito sa higit pang mga imbitasyon na sumali sa mga naturang aktibidad sa hinaharap.

Social Reinforcers

Sa aspeto namang ito pumapasok ang obligasyon ng guro, magulang at mga stakeholders. Ang paggamit ng mga salitang nagpapakita ng pagpapahalaga sa naging tugon ng mag-aaral sa gawain ay isang halimbawa ng social reinforcement. Tandaan na sa mata ng isang bata, bawat salitang manggagaling sa bibig ng kanyang guro ay sagrado. Kung kaya’t maging mapagbigay tayo sa mga salitang nagpapakita ng ating malalim na pagpapahalaga sa naging pagsisikap ng bata.

Activity Reinforcers

Gamit ang reinforcement na ito, ang mag-aaral ay may kalayaang piliin ang aktibidad kung saan sila mag-eenjoy sa kondisyon na sila ay magiging  disiplinado at kooperatib sa klase.  Maari ring bigyan sila ng tyansang piliin ang nais nilang makasama habang ginagawa ang aktibidad. Ito rin ay mainam na estratehiya na may kaakibat na social reinforcement.

Token Reinforcement

Halimbawa ng ganitong positibong reinforcement ay ang pagbibigay ng kahit anong materyal na bagay bilang gantimpala ng bata sa kanyang ipinamalas na disiplina at pagpapakita ng naaangkop na katangian. Maaaring magbigay ang guro ng materyal na naaayon sa lebel ng mga estudyante gaya ng mga pagkain, laruan, tatak gamit ang hugis ng bituin at marami pang iba. Ingatan lamang na huwag makapagbigay ng gantimpala na nakasasama sa kalusugan ng mga bata.

Ang mga nabanggit na paraan ay ilan lamang sa mga mahahalagang bagay na dapat bigyang diin ng guro upang matulungan ang mga mag-aaral. Ang pagiging bukas sa mga estratehiyang ito ay susi upang maging mas interaktibo ang klase, idagdag pa rito ang mataas na motibasyon ng mga estudyante na mag-aral nang mabuti.

Anumang klase ng positibong reinforcement ang nais gawin ng guro, mahalaga na ang pagkatuto ng mga bata ang siyang dapat sentro ng lahat ng mga ito. Dapat isaalang alang ang mga mahahalagang bagay na makakatulong sa pag-unlad ng karunungan ng bawat bata. Dahil sabi nga nila “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan.”  Sa madaling salita, karapatan nilang mabigyan ng dekalidad na edukasyon, at ang guro ang susi sa kanilang kaunlaran.