5 Tips Para sa Mabisang Pagtuturo ng Magandang Asal sa Virtual na Klase

5 Tips Para sa Mabisang Pagtuturo ng Magandang Asal sa Virtual na Klase

Mahalaga ang magandang asal para sa mabuting pakikitungo natin sa bawat isa. Simula nang naging laganap ang paggamit ng social media, mas higit nating nakita at naramdaman ang kahalagahan ng pagtuturo nito sa kabataan.

Dahil sa Internet at social media, dumami ang mga taong gumagamit nito upang mag-post ng masasakit na komento sa iba, mang-bash, o mang-bully. Tila until-unting nawawala ang halaga ng paggalang ng mga kabataan ngayon sa kapwa nila. At dahil dito, lubos nang dapat paigtingin ang pagtuturo ng magandang asal sa kanila.

Ngunit ang isang malaking balakid dito ay ang online teaching. Maaaring maituring na hadlang ang hindi natin pagkikita nang personal sa mga klase ngayon.

Paano nga ba ito maituturo nang maayos sa mga estudyante online? Posible nga ba ito sa panahon ngayon?

Magtalaga ng class etiquette at rules

Kayang-kayang gawin na mag teach online habang nagtuturo din ng magandang asal sa mga kabataan. At ang pinaka-unang hakbang para makamit ito ay ang pagtatalaga ng class rules at etiquette bilang gabay para sa pakikitungo ng mga mag-aaral sa kanilang guro at sa bawat isa.

Ang klasrum ay isang maliit na pasilip para sa tunay na buhay at sa buong mundo. Mahalaga na kahit na online lamang ang inyong klasrum ay naituturo pa rin ang maganda at maayos na pakikitungo ng mga kabataan sa ibang tao. Kapag matagumpay itong nagawa, magiging mas madali para sa kanila na tandaan kung paano dapat nila tingnan at pakitunguhan ang mga tao na makakasalamuha nila sa labas ng klasrum.

Kapag nagtalaga ng mga rules, mahalaga na gawing malinaw, angkop, at may tunay na halaga ang mga ito. Bukod dito, kailangan din ipa-intindi sa mga estudyante kung bakit kailangang magkaroon ng ganitong rules. Kapag hindi nila naintindihan ang halaga nito, may malaking tyansa na mahirapan silang sundin ito.

Magbigay ng angkop na parusa para sa hindi magandang asal sa klase

Kalakip dapat ng malinaw na class rules at etiquette ang pagpapataw ng angkop na parusa kapag ang mga rules na ito ay hindi nasunod.

Kapag walang ibinigay na parusa sa mga pagkakataon na hindi sinunod ang mga alituntunin sa klasrum, mawawala ang halaga ng mga rules na ito, at kalaunan ay kaunti na lang o wala nang susunod sa mga ito.

Ngunit bago pa magbigay o magpataw ng parusa, tandaan na kailangang naipaintindi ang mga ito sa mga estudyante kasabay ng pagbibigay sa kanila ng class rules. Tiyakin na naintindihan ng mga mag-aaral ang mga parusang ito at na patas ang mga ito sa lahat. Mahalaga din na hindi labis ang mga parusa kundi sapat at angkop lamang upang mabigyang halaga ang pagsunod sa mga alituntunin ng klase.

Bukod dito, magbigay din ng sapat na warning kapag may estudyante na lumabag bago magpataw ng parusa. Mahalaga ito upang mabigyan ng sapat na pagkakataon ang estudyante na sundin ang rules at hindi na ulitin ang paglabag.

Magbigay ng positive reinforcement para sa magandang asal

Bukod sa parusa o negative reinforcement, syempre mahalaga din ang pagbibigay ng positive reinforcement sa mga estudyante tuwing sila ay nagpapakita ng mabuting asal o ng maayos na performance.

Kung nais mong magturo online, mahalaga ito lalo na upang patatagin ang iyong koneksyon o bond sa iyong mga estudyante. Mainam ang pagkakaroon ng balanse ng positibo at negotibo na reinforcement. Kung puro nalang rules at parusa, hindi magiging maganda ang learning environment. Kung puro naman papuri ang kanilang natatanggap, walang oportunidad upang sila ay mag-improve sa mga aspeto na kailangan nilang magbago.

Magbigay ng naaayon na feedback

Sa pagbibigay ng feedback, lalo na ng constructive criticism, tiyakin na ito ay naaayon sa iyong estudyante, sa inyong kultura, sa paksa na pinag-aaralan, at maging sa antas ng kanyang kaalaman.

Kapag hindi ito naging angkop, mas malaki ang tyansa na hindi ito matanggap nang maayos, at imbes na makabuti ay makasama pa ito sa inyong relasyon at makasira ng motibasyon.

Bukod dito, magbigay din ng feedback sa tamang panahon. Tantyahin kung ang iyong estudyante ay handa ba dito at ang panahon ba ang naaayon sa feedback an iyong ibibigay.

Konklusyon

Mahalaga na hindi lamang matalino ang ating mga mag-aaral ngunit mayroon ding magandang asal na maaari nilang ipakita maging sa online classroom at sa pisikal nilang pakikisalamuha.