5 Tips Upang Mapabuti ang Online Learning Experience Para sa Iyong Mga Estudyante
Dahil sa kawalan ng pisikal na interaksyon ng mga guro at estudyante, maaaring maging hadlang ito upang maging maganda ang karanasan ng mga estudyante sa pag-aaral online. Katunayan, maraming mga mag-aaral ngayon ang hindi na nagpatuloy sa pag-aaral dahil sa hindi nila makayanan ang transition mula sa pisikal na klasrum patungo sa online classroom.
Ngunit hindi ito kailangang mangyari. At napakalaki ng parte ng mga online teacher upang matulungan ang mga mag-aaral na magkaroon ng kanais-nais na online learning experience.
Narito ang limang tips para sa pagtuturo online upang masigurong positibo ang learning experience ng bawat estudyante.
Maging personal sa iyong mga interaksyon at huwag lamang mag-focus sa leksyon
Mas lalo nating napansin ang kahalagahan ng personal na koneksyon sa bawat mag-aaral ngayon na naging virtual na halos lahat ng ating mga ginagawa. Mas madaling maramdaman ng wala nang personal touch kumbaga ang ating mga meetings at klase, dahil hindi natin pisikal na nakakasama ang isa’t isa.
Dahil dito, kailangang gawin ng bawat online teacher na paigtingin ang kanilang koneksyon sa kanilang mga estudyante, upang masiguro na hindi nawawala ang koneksyon sa kanila at maging madali para sa mga estudyante na iparating ang kanilang mga saloobin tungkol sa klase o humingi ng tulong kapag nagkaroon sila ng problema.
Praktikal itong magagawa sa pamamagitan ng paglalaan ng panahon sa pagkumusta sa mga mag-aaral, hindi lamang sa leksyon na kailangang talakayin.
Gumamit ng online classroom kung saan komportable ang mga estudyante
Mahalaga din upang maging kanais-nais ang karanasan ng mga mag-aaral na gumamit ng isang online platform kung saan magiging komportable ang mga estudyante. Malalaman mo na tama ang iyong napiling platform kung madaling nakakapag-transition ang mga mag-aaral sa paggamit nito, at mayroon itong mga features na nakakatulong upang mas maging madali at produktibo ang inyong mga klase.
Napakahirap mag-adjust kung ang iyong online classroom ay maraming technical glitches, hindi ka sigurado sa security features, at sobrang limitado ng maaari mong magawa, hindi ba? Magiging nakakabigo din para sa mga estudyante ang ganitong learning experience, kaya mas mainam nang iwasan ang mga ito sa pamamagitan ng paggamit ng platform na mapagkakatiwalaan at subok ng maraming online teachers.
Magbigay ng malinaw na mga layunin para sa bawat learning session
Upang matulungan ang mga estudyante na mag-set ng kanilang personal na learning goals, mainam na magbigay ng malinaw at tiyak na maaabot na mga layunin para sa bawat klase o activity.
Kapag walang malinaw na layunin ang mga ginagawa sa klase, mas madaling isawalang-bahala ito ng mga mag-aaral, dahil hindi nila mararamdaman na mahalaga ang ginagawa nila. Bilang resulta, mas madali din para sa kanila ang sumuko o hindi na magsikap sa pakikilahok sa mga gawain at pag-aaral nang personal.
Kapag nangyari ito, mas mahirap nang hikayatin ang mga mag-aaral na magsikap sa kanilang pag-aaral, kaya huwag nang pabayaan na humantong pa dito ang sitwasyon, lalo na kung ang iyong mga estudyante ay mura pa ang edad at mas malaking motibasyon ang kailangan nilang maramdaman.
Gumamit ng study tools at materials na nakakapukaw ng isipan
Upang matiyak na magiging makabuluhan ang mga klase, gumamit ng mga study tools, materials, at presentations na makakapukaw sa isipan ng mga estudyante at makakahikayat sa kanila na mag-isip at i-apply ang kanilang natutunan.
Sa pamamagitan nito, makikita nila ang halaga ng kanilang mga natutunan at ang praktikal na aplikasyon ng mga ito. Bukod dito, makakatulong din ito na mas tumatak sa kanilang isipan ang inyong mga leksyon.
Maging bukas sa feedback mula sa mga estudyante
Huli sa lahat, kailangang maging bukas ang bawat guro sa feedback ng mga estudyante. Kailangang maging handang makinig sa kanilang mga hinaing o mga papuri, upang malaman kung saan pa maaaring pagbutihin ang pagtuturo at kung aling mga stratehiya ang talagang mabisa para sa iyong mga estudyante.
Iwasan na maging negatibo sa pagtanggap ng kritisismo, dahil ito ay napakabisang paraan upang maging isang mas magaling na guro. Kapag isinara mo na ang iyong isipan sa feedback mula sa iba, mawawala din sa iyo ang pagkakataon na mapagbuti mo ang iyong sarili.
Ang online teaching ay isang aspeto ng edukasyon na mabilis na nagbabago at nade-develop. Dahil dito, ito ay challenging ngunit malaking pagkakataon upang ang bawat online teacher ay patuloy na bumuti at makapagbigay ng magandang learning experience.