Ang Mukha ng Online Learning Sa Pilipinas
Mahirap, pero kinaya. Ganito ang eksaktong larawan ng pandemya na dulot ng COVID 19 sa ating bansa. Bagamat hindi natin inaasahan ang pagdating nito, ipinamalas naman ng lahat na kaya nating tumayo kahit tayo’y paralisado. Naipamamalas din ng sektor ng edukasyon ang katatagan nito sa gitna ng sakuna. Dalawang taon na ring sarado ang mga klasrum at napilitan ang mga-aaral, maging ang mga guro, na gawing pansamantalang silid-aralan ang kani-kanilang mga tahanan. Ang dating “face-to-face” na klase ay naging online class. Ito ang naging bagong mukha ng edukasyon sa Pilipinas.
Naging malaking hamon sa sektor ng edukasyon ang pagbabago ng nabanggit na hakbang. Ngunit sa ngalan ng proteksyon ay naging sandigan ng lahat ang online class upang ipagpatuloy ng mga mag-aaral ang kanilang edukasyon. Bagamat hindi ito inaasahan ng lahat, ang Pilipinas ay isa sa mga bansa na naging matagumpay sa paggamit ng online class bilang alternatibong paraan ng pagtuturo.
“Mananatiling imposible ang isang bagay, hanggat hindi ito natatapos.” Kamangha-mangha ang ipinamalas ng sektor ng edukasyon sa pagpapakita na kaya ng PIlipinas makipagsabayan sa larangan ng teknolohiya. Ang online class ay isa sa mga patunay na umuusad ang ating karunungan sa paggamit ng makabagong paraan ng pagtuturo.
Isa bang mabisang paraan ang online class sa pagkatuto ng mga mag-aaral?
Nabanggit sa nakaraang pangungusap na tagumpay ang pagsasagawa ng online learning sa ating bansa. Sa anong paraan? Ating himay himayin ang detalye sa ibaba upang patunayan na isang mabisang paraan ang online class bilang alternatibong pamalit sa ating tradisyunal na klasrum habang tayo ay nasa gitna ng pandemya.
1. Nagpatuloy ang edukasyon kahit pa may pandemya.
Kung ating iisipin, sayang ang dalawang taon kung hindi natin ipagpapatuloy ang edukasyon ng ating mga mag-aaral. Ang online class ang isa sa mabisang paraan para ihatid ang edukasyon sa loob ng bawat tahanan. Hindi na rin kinakailangan ng mga mag-aaral na pumasok pa sa kanilang klasrum at mainam ang ganitong paraan sa aspetong pinansyal dahil hindi na kailangan humingi pa ng araw araw na baong pera ang mga mag-aaral. Bagamat kinakailangan ng kaunting gastos para sa “load allowance”, magaan lamang ito kumpara sa gastos noong wala pang pandemya. Hindi rin naman araw-araw ang sesyon ng bawat guro sa kanilang mag-aaral kaya’t medyo naging magaan ang takbo ng online learning sa ating bansa.
2. Nagkaroon ng pansariling motibasyon ang mga mag-aaral.
Hindi man naging madali ang online learning sa mga mag-aaral, naitawid naman ito sa pamamagitan ng pagpupursigi at determinasyon ng bawat isa na matapos ang pagsubok na dala ng bagong mukha ng edukasyon. Marami ang muntik nang sumuko dahil sa hirap na makasabay sa takbo ng online class, pero dahil walang ibang pwedeng gawin kung hindi tanggapin ang mandato ng nasa itaas, ang mga mag-aaral ay napilitang yakapin ang bagong hamon.Mahirap sa umpisa, ngunit kinaya ng lahat na sumabay sa usad ng online learning.
3. Mas nagkaroon ng oras ang mga magulang na bantayan ang progreso ng kanilang mga anak.
Kung ating titingnan, may maganda din namang dulot ang “distance learning” sa ating mga mag-aaral. Nabigyan ng pagkakataong maging solido ang relasyon ng mga mag-aaral sa kanilang magulang. Halimbawa na lamang nito ay ang pagsali ng magulang sa aktibidad na pinapagawa ng guro gaya ng interbyu o anumang makabuluhang diskusyon na may kaugnayan sa paksa sa online class.
Mainam na sa mga ganitong pagkakataon, dapat ay mabigyang suporta ang bawat mag-aaral na umusad sa kanilang pag-aaral kahit pa ang materyal sa edukasyon ay may bagong mukha. Kaya isa ring mabuting hakbang ang ginawa ng mga lokal na lider na maglagay ng mga wifi connections sa mga pampublikong lugar para naman may magamit ang mga mag-aaral. Nawa’y lahat ng nasa awtoridad ay gawing pangunahing hakbang ang pagbibigay ng solidong suporta sa ating mga kabataan, dahil sila ang tunay na pag-asa ng ating bayan.
Sinasabi ang lahat ng bagay ay mahirap sa umpisa. Marahil ay may katotohanan ang kasabihang ito. Gaya ng naging pagbabago sa takbo ng edukasyon, hindi naging madali sa lahat ng mag-aaral dito sa Pilipinas ang bagong mukha ng edukasyon, ngunit dahil likas sa atin ang pagiging matapang sa lahat ng dagok, walang kahit anong pandemya ang makakapigil sa pagkatuto ng bawat lahat.