Apat na Uri ng Feedback na Magpapalakas sa Pakikipag-Ugnayan ng Mag-aaral
Ang feedback o puna ay isang paraan upang mabigyan ng ideya ang mag-aaral tungkol sa kaniyang naging performans sa klase. Ito ang ginagamit ng guro upang maiparating ang estado ng mag-aaral sa klase. Ginagamit din itong batayan para malaman ang mga aspetong kailangan ng karagdagang ensayo.
Mahalagang magbigay ng puna ang guro sa performans ng kanyang estudyante upang mabigyang linaw kung tama ba o mali ang tugon ng mag-aaral sa partikular na paksa. Sa perspektibo naman ng mag-aaral, ang feedback ay malaking bagay upang malaman nila ang mga kompetensi na kailangan pa nilang aralin. Dito, mas nabibigyan sila ng kamalayan tungkol sa kanilang kakayahan.
Sa sulating ito ay ating pag-uusapan ang apat sa mga natatanging paraan ng pagbibigay ng feedback sa performance ng mga estudyante. Ang mga paraan ding ito ay magagamit ng guro upang maitaas pa ang participation rate ng mga mag-aaral sa klase.
Pagpapahalaga sa mga maliliit na bagay
Ang pagpapahalaga sa ipinamalas na katangian ng mag-aaral sa klase ay isang paraan upang maramdaman niyang siya ay may halaga at nirerespeto. Ang simpleng pagsabi ng “salamat” ay may positibong dating sa estudyante. Ibig sabihin lamang nito ay nabibigyang halaga ang kanyang pagsisikap.
Iisa lamang ang hangarin ng bawat estudyante, at yun ay ang mapansin sila ng kanilang guro. Ang mga salitang gaya ng salamat at mahusay ay ilan sa mga positibong bagay na mang eegangganyo sa mag-aaral na pagsikapan pa ang kanyang pag-aaral. Sa bandang huli, lahat tayo ay naghahangad ng pagpapahalaga, at mas makapangyarihan ito kung manggagaling mismo sa mga guro.
Pagtatanong na may sinusunod na lebel
Isang malaking hamon sa mga guro ay ang pagpapanatili ng participation rate ng mga mag-aaral sa klase. Minsan ay natatakot sumagot ang mag-aaral sa tanong ng guro dahil iniisip nilang baka sila’y magkamali o mapahiya.
May iba’t ibang rason kung bakit nagtatanong ang guro. Una ay upang malaman kung hanggang saan ang lalim ng karunungan mayroon ang mag-aaral hinggil sa partikular na paksa. Maari ring nagtatanong ang guro upang malaman kung ano ang mga naging problema ng mag-aaral habang isinasagawa ang performance task.
Sa pamamagitan ng pagbibigay feedback gamit ang pagtatanong ng simple hanggang sa pinaka komplikado, nabibigyang tyansa ang mag-aaral na sagutin ang mga ibabatong tanong sa kaniya. Kung sakali mang hindi masagot ng mag-aaral ang tanong, ang guro ay kailangang gumamit ng tanong na naaayon sa lebel ng pang-unawa ng kanyang estudyante.
Pagbibigay ng maagap na Feedback
Ano madalas ang ginagawa mo sa mga pagkakataong naririnig o nakikita mong may mali sa sagot at performance ng iyong estudyante? Pinapalampas mo ba ang pagkakataong ito ay mapuna? Kung ang sagot mo ay oo, kailangan mong malaman ang bagay na ito. Importanteng maibigay ng maagap ang iyong feedback sa performance ng isang estudyante.
Ito ay dahil sa hindi dapat pinapatagal ang maling konsepto sa isip at maging sa gawa ng iyong estudyante. Ayon sa pag-aaral, malaki ang tyansang maulit ang naturang pagkakamali kung hindi ito agad mabibigyan ng maagap na feedback mula sa guro.
Pagiging Maingat sa Pagbibigay ng Feedback.
Tandaan na ang iyong mga estudyante ay nasa murang edad pa lamang. Ibig sabihin ay malaki ang magiging dating ng iyong salita sa kanilang pagkatao. Kung kaya’t kailangan mong maging maingat sa lahat ng iyong sasabihin.
Ingatan mong huwag silang masasaktan sa mga bagay na maaari mong sabihin. Hindi mo rin kailangan na sila ay sigawan dahil hindi makabubuti kung gumagamit ka ng negative reinforcement sa klase. Kung dadalhin mo ang iyong pananaw sa perspektibo ng mga estudyante, alam mong mas nakaakengganyo ang pumasok sa klase na may positibong ambiance. At bilang guro, obligasyon mong habaan ang iyong pasensya.