Bakit Mahalaga ang Edukasyon sa Gitna ng Pandemya
Marami ngayon ang mga balakid sa pagpapatuloy ng pag-aaral, at isa na dito ang pandemya. Nang magsimula ang pamiminsala ng COVID, maraming mga mag-aaral ang nawalan ng pag-asa na magpatuloy sa kanilang pag-aaral.
At madaling maintindihan kung bakit ito nangyayari: maraming tao ang nahihirapan na magpatuloy sa pag-aaral nang malayo sa kanilang mga guro at nang walang pisikal na klasrum. Bukod dito, marami din ang gumagastos nang malaki para sa pagpapagaling sa ospital o na nawalan ng mga mahal sa buhay.
Sa kabila nito, bakit nga ba mahalaga pa rin na ipagpatuloy ang pag-aaral? Mahalaga pa rin ba ang edukasyon sa panahon gaya ngayon? Ano nga ba ang pakinabang ng online learning ngayon?
Matatapos din ang pandemya
Dahil sa tagal ng panahon na nananatili ang pandemya, marami sa atin ang nawawalan na ng pag-asa na matatapos pa ito. Dahil dito, ang mga layunin ng maraming tao ay nagiging pang maiksing panahon na lamang, at hindi na nagnanais na gumawa ng mga plano para sa malayong hinaharap.
Marami nga naman sa ating mga plano ang naantala at natigil dahil sa COVID, kaya madaling maintindihan kung bakit ganito na ang pananaw ng mga tao ngayon. Ngunit sa kabila nito, dapat pa rin nating alalahanin na gaya ng lahat ng bagay, may katapusan din ang pandemya, at mababalik din sa dati ang lahat.
Kapag sinayang mo ang panahon na ito at wala kang produktibong ginawa sa panahon na mayroon ka, pagsisisihan mo ito kapag tapos na ang krisis.
Maaari mong ipagpatuloy ang iyong pag-aaral sa pamamagitan ng online learning, kung saan hindi mo kailangangang mag-alala para sa iyong kaligtasan, at maipagpapatuloy mo ang iyong mga life goals.
Paghandaan ang kinabukasan
Kaugnay ng unang punto, karapat-dapat na ipagpatuloy ang pag-aaral kahit na mayroong pa ring pandemya, dahil isa ito sa mga pinaka mabisang paraan upang mapaghandaan ang kinabukasan at masiguro na magkakaroon ng malinaw na direksyon.
Sa pamamagitan ng pag-aaral, maaari mong pagbutihin ang iyong sarili at palaguin ang iyong kaalaman ukol sa mga bagay na makakatulong para sa iyong karera at sa iyong hinaharap. Dahil dito, mas mainam na ipagpatuloy ang pagdalo sa mga online class kung saan maaari mong ihanda ang iyong sarili para maging mas maliwanag ang iyong kinabukasan.
Di hamak na napakalaki ng lamang ng mga taong mataas ang antas ng kaalaman at karanasan. Kaya huwag mong sayangin ang pagkakataon na maaaring makamit mo ito.
Magkaroon ng maraming oportunidad
Sa pamamagitan ng pagpapatuloy ng pag-aaral, maaari ka din magkaroon ng mas maraming oportunidad, hindi lamang kaugnay sa kurso na iyong kinuha sa paaralan.
Kung nais mong mag-aral online, maaari kang matuto ng mga skills at mga kaalaman na maaaring hindi mo matututunan sa regular na klasrum. Mas lalago ang iyong mga oportunidad, at mas marami kang direksyon na maaaring tahakin. Sa halip na malimitahan ka sa mga bagay na maaring mong gawin, magiging mas flexible ka at lalawak ang iyong skill set.
Magkaroon ng self-development
Marami ngayon ang naging stagnant nalang simula nang magkaroon ng mga lockdown at quarantine. Ngunit hindi dahil mayroon ang mga ito, dapat ay matigil din ang pag-develop natin sa ating mga sarili. Maaari tayong pwedeng gawin kahit nasa bahay lang, at isa na doon ay ang pag-aaral online.
Bukod sa maraming maaaring lumago ang iyong kaalaman, mas mabilis nang palawakin ang mga koneksyon at network ngayon na online na ginagawa ang mga klase. Mas marami ang pagkakataon na makasalamuha mo ang mga tao mula sa iba’t-ibang background at lugar. Minsan, magkakaiba pa ng time zones ang mga magkaklase. Posible ang lahat ng iyan dahil virtual ginagawa ang mga pagkikita.
Dala ng mas malawak na network ay ang mas malaking mapagkukunan ng kasanayan at advice ukol sa napakaraming bagay.
Ipagpatuloy ang personal na layunin
Hindi dapat tumigil ang iyong pagkamit ng mga personal na layunin dahil sa nagkaroon ng pandemya. Dapat ay gamitin mo ang panahon na ito upang siguruhin na pagdating ng panahon na bumalik na sa dati ang lahat ay handa kang humarap sa mundo at abot-kamay mo na ang iyong mga pangarap.
Sa kabila ng napakalaking balakid ng pandemya, hindi dapat tumigil ang ating pagsisikap sa pag-aaral, dahil isa ito sa mga susi para sa mas masagana at mas maliwanag na kinabukasan.