Bakit Tinatangkilik ng Nakararami ang Birtwal na Paraan ng Pagtuturo?
Hindi maitatago ang katotohanan na ang ating henerasyon ay patuloy na umuusbong. Kung ating ikukumpara ang mukha ng buhay noon at ngayon, malaki ang kaibahan nito, lalo na sa aspeto ng teknolohiya. Gamit lamang ang selfon o laptop ay may kapangyarihan tayong alamin kung ano ang sagot sa isang tanong.
Sa larangan ng edukasyon, napakalaki ng ambag ng teknolohiya sa paghubog ng bagong pamamaraan ng pagtuturo. Dalawang taon na halos ang lumipas noong ang mga paaralan ay pansamantalang tumigil sa operasyon. Ngunit dahil na rin sa likas nating talino ay naitawid natin ang edukasyon ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng online learning.
Bakit nga ba marami ang tumatangkilik sa online na pagtuturo? At ano nga ba ang kaya nitong gawin upang mabigyan ng de-kalidad na pagkatuto ang isang mag-aaral? Ating alamin sa pamamagitan ng mga bagay na ito:
Mas natututo ang mag-aaral sa online learning kumpara sa tradisyunal na paraan.
Malaki ang pinagbago ng sistema ng edukasyon simula noong yakapin natin ang online learning. Una ay mas nabigyan ng pagkakataon ang guro at mag-aaral na lakbayin ang hiwaga ng teknolohiya.
At dahil na rin sa ganitong sistema ay lumawak pa ang access ng mga mag-aaral sa impormasyong kailangan nila sa pagkatuto. Gamit lamang ang kanilang selfon, maari na silang magsaliksik ng mga aralin na kadalasan ay hindi natutunan sa isang oras na diskusyon lamang.
Ang panonood ng mga tutorial videos at pagbabasa ng mga blogs o mga nalimbag na mga pag-aaral sa internet ay mga epektibong paraan upang mahasa ang mga mag-aaral. Sa panahon ngayon, ang mga ganitong gawain ay nakakadagdag sa pagkatuto ng mga estudyante.
Mas mataas ang “retention rate” ng mga estudyante sa online learning kumpara sa tradisyunal na pamamaraan.
Ayon sa pag-aaral ng Research Institute of America, nagkaroon ng pagtaas ng sa retention rate ng mga mag-aaral gamit ang online platforms. Mula sa 25% ay umakyat ito sa 60%.
Isa mga itinuturong dahilan ay ang kalayaan nilang gamitin ang maraming online tools upang maghanap ng supplemental na mga impormasyon.
Hindi limitado ang galaw ng mga estudyante sa online class at ang kalayaan nilang gamitin ang mga online tools ay isang mainam na paraan upang lalo pa nilang dagdagan ang kanilang kaalaman sa kanilang mga asignatura.
Kaunting oras lamang ang kailangan na paghahanda sa online learning.
Balikan natin ang dati mong gawi. Noon, kailangan mong gumising ng maaga upang habulin ang biyahe papuntang paaralan. Makikipagsiksikan ka sa sasakyan at tila ba lagi ka na lamang naghahabol, dahil nga ayaw mong mahuli sa iyong klase.
Ngunit hindi ito ang senaryo mo ngayon, pagbukas lamang ng iyong gadget ay pwede ka nang dumalo sa iyong klase na hindi mo kailangang bumiyahe pa ng malayo.
Kung iisiping mabuti, maraming oras ang maisasalba gamit ang online learning. Sa platapormang ito, hindi kailangang maging metikoloso sa pisikal na set up ng klasrum dahil gamit ang mga online tools, maaring gawing interaktibo ng guro ang kanyang online classroom.
Maiiwasan ang mga balakid sa pagbibigay ng pang-araw araw na pagsusulit.
Kung ikaw ay isang guro, ano sa tingin mo ang mas mainam, ang pagtatanong na may kasamang pagsaway sa hindi kaaya-ayang asal ng iyong mag-aaral o ang pagbibigay diskusyon na tuluy tuloy at walang balakid?
Marahil ay sa utak mo ngayon, pipiliin mo ang pangalawa kaysa sa nauna. Sino nga ba naman ang gustong maistorbo sa kanyang pagtuturo? Ito ang isa sa mga benepisyo ng paggamit ng online learning.
Malaking bagay ito na maaaring makatulong sa pagbibigay ng dekalidad na pagsusulit. Sa online learning, may kalayaan ang mga mag-aaral na piliin ang lugar kung saan nila nais matuto. Bagamat hindi ito kontrol ng guro, siguro nga naman ay pipiliin ng mag-aaral na manatili sa lugar kung saan walang sagabal .