Bentahe ng Collaborative Learning
Kung ikaw ay isang batikan sa larangan ng edukasyon, alam mong isa ang collaborative learning sa mga mabisang gawain upang mabuo ang bertud ng teamwork sa mga estudyante. Bukod sa binibigyan nito ng pagkakataong mahulma ang kakayahan ng bata na makisalamuha sa kanyang kapwa mag-aaral, ang collaborative learning din ay nakagagaan sa bigat ng gawain na ibibigay ng guro sa kaniyang klase.
Dahil teawork ang sentro ng estratehiyang ito, nililinang nito ang kakayahan ng mga mag-aaral na makitungo sa mga taong nakapaligid sa kanila. Idagdag pa rito ang pagkakaroon ng bukas na komunikasyon na siya namang magpapanday sa kakayahan ng mga mag-aaral na maunawaan at intindihin ang opinyon ng bawat isa.
Ang estratehiyang ito ay nagpapatunay sa kasabihan na “Mas magaling ang dalawang utak kaysa sa isa.”
Sa blog na ito, ating tatalakayin ang ilan sa maaring bentahe ng collaborative learning sa klase.
Bakit kailangan ang Collaborative Learning?
Ayon sa mga pag-aaral, malaki ang epekto ng collaborative learning sa paghulma ng karunungan ng mga bata gaya ng pagiging aktibo sa klase at ang pagkakaroon ng mas mataas na kumpyansa sa sarili. Hinuhulma rin ng paraang ito ang kakayahan ng mag-aaral sa leadership.
Narito ang ilan pa sa mga positibong benepisyo ng collaborative learning sa mga mag-aaral:
- Pag-unlad ng mas mataas na antas ng pag-iisip, oral na komunikasyon, pamamahala sa sarili, at mga kasanayan sa pamumuno.
- Pagkakaroon ng mas solidong interaksyon sa pagitan ng guro at mga estudyante.
- Pagtaas sa retention ng mag-aaral, pagpapahalaga sa sarili, at pagkakaroon ng pananagutan sa kanilang aksyon at sa sarili.
- Paglawak ng kanilang pang-unawa sa mga magkakaibang opinyon.
- Paghahanda para sa totoong buhay panlipunan at mga sitwasyon sa trabaho.
Ano ang mga dapat na konsiderasyon sa paggamit ng collaborative learning?
- Ipakilala ang pangkat o gawaing kasama sa unang bahagi ng semestre upang magtakda ng malinaw na mga inaasahan ng mag-aaral.
- Maging partikular sa pagbibigay ng mga pangunahing patakaran para sa pakikilahok ng mga estudyante. Ibigay ang mga kondisyon ng kanilang pakikilahok para magabayan sila sa kanilang mga desisyon.
- Magplano para sa bawat yugto ng pangkatang gawain. Gumamit ng mga gawaing pupukaw sa kanilang isipan at damdamin.
- Maingat na ipaliwanag sa iyong mga estudyante kung paano gagana ang mga grupo o peer discussion at kung paano mamarkahan ang mga mag-aaral.
- Huwag ring kakalimutang paalalahanan ang mga ito sa kanilang responsibilidad sa isa’t isa.
- Tulungan ang mga mag-aaral na bumuo ng mga kasanayan na kailangan nila upang magtagumpay, tulad ng paggamit ng mga pagsasanay sa pagbuo ng pangkat o pagpapakilala ng mga diskarte sa pagmumuni-muni sa sarili.
- Gumamit ng mga nakasulat na kontrata upang hindi mawala sa kanilang gawain ang mga mag-aaral.
- Isama ang self-assessment at peer assessment para sa mga miyembro ng grupo upang suriin ang kanilang sarili at mga kontribusyon ng iba.
Anu-ano ang mga hakbang bago magsimula gamit ang estratehiyang ito?
Mayroong tatlong proseso na dapat isaalang-alang ang guro bago ito magsimula sa klase. Bawat prosesong ito ay hindi dapat makaligtaan dahil nakakaimpluwensya ang mga ito sa tagumpay ng guro upang mailahad ng mahusay ang direksyon ng kolaboratib na gawain.
Narito ang tatlong prosesong ating tinutukoy:
- Linawin ang mga aktibidad na gagawin ng iyong mga estudyante. Magagawa mo ito sa pamamagitan ng paggawa ng mga direksyon na siyang gagabay sa mga mag-aaral. Maari mo itong isulat o gawing verbal.
- Bigyan ang mga mag-aaral ng sapat na oras upang makasali sa gawain. Maging bukas sa mga katanungan at sagutin ang anumang mga ito kung kinakailangan.
- Tumawag ng ilang mag-aaral upang magbahagi ng buod ng kanilang mga konklusyon. Tugunan ang anumang maling kuru-kuro o linawin ang anumang nakalilitong punto. Magbigay rin ng oras para sa mga katanungan.