Edukasyon Bilang Materyal sa Pagbabago

Halos lahat ng Pilipino ay kilala ang pangalang Jose Rizal. Isa siya sa mga maimpluwensyang tao sa ating kasaysayan. Nagawa niyang gamitin ang karunungan upang buksan ang kamalayan ng mga Pilipino sa pagmamahal sa bayan. Gamit ang kanyang papel at pluma, binuhay niya ang diwa ng ating mga ninuno sa kanilang responsibilidad na ipaglaban ang kalayaan laban sa mga dayuhan.  Hindi dahas ang ginamit ni Rizal sa pagbubukas ng kamalayan ng ating mga ninuno, bagkus, naging sandigan niya ang kapangyarihan ng edukasyon upang makamit ng ating mga ninuno ang kalayaang kanilang inaasam.

Ang kwento ni Rizal ay isa lamang patunay na may kapangyarihan ang edukasyon na baguhin ang ating estado. Samakatuwid, hindi kailangang gumamit ng dahas upang maiparating ang ating mga hinaing. Sa pamamagitan ng ating matalinong desisyon, kaya nating buksan ang mata ng mga bulag sa ating karapatan, nang hindi gumamagit ng anumang karahasan.

Kung ating pagtutuuanan ng pansin ang kasaysayan ng tao, ang edukasyon ang isa sa mga salik kung bakit umuusad ang ating sibilisasyon. Sa bawat henerasyong nagdaan, saksi ang kasaysayan sa kung paano hinubog ng edukasyon ang kamalayan ng sanlibutan. Kung kaya’t sa usaping ito, ating talakayin kung paano naging instrumento ang edukasyon sa pagbabago.

Edukasyon At Ang kakayahan Nitong Baguhin ang Ating Estadong Pang-Ekonomiya

Ayon sa ating namayapang Senator na si Miriam Santiago, ang kalaban diumano ng isang tiwaling opisyal ay ang mga mamamayang edukado. Ito ay sa kadahilanang may kakayahang umusig ng tama at mali ang taong maraming alam. Nakikita ng isang edukado ang mga malalalim na bagay na hindi nakikita ng ordinaryong mata tulad ng pagtapak sa karapatang pantao, karapatang mamuhay ng tahimik at sagana at iba pa.

Samakatuwid, ang edukasyon ay maihahalintulad sa isang gasolina. Isa itong sangkap upang ang isang sasakyan ay tumakbo at makarating ng malayo. Isa din sa madalas na sinasabi ng ating mga kababayan lalo na sa kanilang mga anak ay ang pag-aaral ng mabuti. Naniniwala silang edukasyon ang susi sa paglago at pagtupad ng kanilang mga pangarap.

Totoo nga namang kung ang pamilya ay namulat sa kahirapan, tanging edukasyon lamang ang susi upang sila ay umahon mula sa hirap ng kanilang pinagdadaanan. Nakikita ng mga taong ito na ang edukasyon ay isang portal patungo sa masaganang buhay.

Mataas ika nga ang kwalipikasyon sa paghahanap ng trabaho. Hindi ka makakakuha  ng isang disenteng pamumuhay kung hindi mo gagamitin ang edukasyon bilang isang pangunahing pananggalang. Hindi na rin mahirap sa panahon ngayon ang pag-aaral dahil maraming nang mga scholarship na inilalatag ang gobyerno para sa mga kapos at gustong makatapos ng pag-aaral.

EDUKASYON BILANG MATERYAL SA PAGHAHASA NG KARUNUNGAN NG TAO

Marahil ay pamilyar tayo sa mga pangalang Plato, Aristotle o Socrates. Ang mga pamosong taong ito ay iilan lamang sa mga patunay na habang nadadagdagan ang ating kamalayan bilang tao, mas nagiging malalim ang persepsyon natin sa mundo.

Ilan sa mga halimbawa nito ay ang pagkakatuklas ng mga medisina na lunas sa iba’t ibang karamdaman. Dagdag pa rito ang pagbabago ng ating buhay sa tulong na rin ng siyensya. Gaya na lamang sa larangan ng pag-aaral na maaari nang gawin sa pamamagitan ng online classes.

Malayo na ang narating ng sanlibutan kung ating ikukumpara ito sa dati nitong itsura. Ang dating silid aralan na gumagamit ng pisara at chalk ay unti-unting binabago ng online learning. Isa ito sa mga pagbabago na ating nasaksihan nito lamang pandemya.  Hindi natin sukat akalain na ilagay natin sa maliit na screen ang ating klasrum. At sa kabutihang palad, naging mabisa ito bilang pamalit sa face-to-face na paraan ng pagtuturo ngayong pandemya.

Bilang panghuli, malaki ang biyayang ipinagkaloob sa atin ng edukasyon. Ang dating manwal na kagamitan, ngayon ay ginagamit na lang sa isang pindutan. Ang dating mahirap na paglalakbay sa isang lugar, ginagawa na lamang natin ito ng hindi nahihirapan. Maraming mga pagbabago ang ihinatid sa atin ng edukasyon kaya’t kahit anu man ang takbo ng panahon, makasisiguro tayong edukasyon pa rin ang ating pinakamatibay na sandigan sa lahat ng pagkakataon.