Guide Para sa Mga Baguhan sa Online Teaching
Walang sinuman ang makapag-sasabi na madali lamang ang pagsisimula ng isang panibagong bagay. Lagi itong may kaakibat na mga dagok at challenges. Ngunit, gaya nga ng sabi ng karamihan, lahat ng mga bagay na makabuluhan ay mahirap makamtan. Ganoon din ang pagsisimula sa online teaching.
Kung nais mong mag teach online ngunit hindi mo alam kung saan o paano ka magsisimula, sana ay makatulong ang mga susunod na tips sa iyo.
Alamin ang iyong area of expertise
Una sa lahat, kailangan mo munang malaman kung ano ang iyong field o area of expertise. Ito ay anumang paksa na mayroon kang sapat o, mas mainam, malawak na kaalaman. Oo, mahalaga ang pagnanais na magturo, ngunit hindi ito sapat kung hindi ka kampante na mayroon kang dunong at alam sa paksa na iyong ituturo.
Kung hindi mo pa alam kung ano ito, maaari mong balikan ng tanaw ang panahon na ikaw ay mag-aaral pa lamang, at alalahanin kung aling mga subject ang lubos mong nakagiliwan. Ito pa rin ba ang iyong interes sa ngayon? May sapat ka na bang kaalaman ukol dito, ay kampante ka bang kaya mo itong ituro nang maayos?
Kung nasagot mo ang mga tanong na ito ng oo, marahil ay mainam nga na ito ang iyong ituro sa iyong online classes.
Mag-praktis nang mag-praktis
Mainam kung mayroon kang karanasan sa pagtuturo sa pisikal na klasrum. Magagamit mo ang karanasang ito at ang mga konsepto sa pagtuturo maging kung ang mga estudyante mo ay nais mag-aral online.
Ngunit, dahil malaki ang kailbahan sa learning environment kapag ikaw ay nagturo sa isang virtual na klasrum, malaki ang maitutulong ng sapat na praktis sa online teaching, lalo na upang iyong makabisado ang paggamit ng online platform at ma-maximize ito upang makamit ang pinaka-mataas na antas ng pagkatuto ng iyong mga estudyante.
Dahil malaking bagay ang paggamit ng teknolohiya sa pagtuturo online, kailangang paghandaan ang anumang mga teknikal na isyu na maaaring mangyari sa aktwal na klase, gaya ng kawalan ng Internet connection, mga teknikal na glitch, at iba pa.
Maghanap ng teaching platform
Kaugnay sa pangalawang tip, kailangan mong mahanap ang teaching platform na angkop para sa iyo. Malalaman mong angkop sa iyo ang platform na iyong nahanap kung nagagawa mo dito ang mga teaching methods na nais mong gawin, mayroon itong mga features na flexible at maaaring i-customize ayon sa mga pangangailan sa bawat lesson, at madaling gamitin at i-navigate maging ng mga mag-aaral.
Bukod sa mga features na ito, mahalaga din na ang online platform ay reasonable ang halaga at maaaring gamitin sa mahabang panahon, upang maiwasan ang papalit-palit ng platform dahil sa hindi na kayang i-maintain ang cost.
Maging consistent sa iyong schedule ng pagtuturo
Kapag mayroon ka nang teaching platform, at handa ka nang simulan ang iyong online teaching career, sikapin na mag-commit sa isang consistent na teaching schedule. Napaka-hirap para sa mga mag-aaral sundan at mag-commit sa schedule ng klase na paiba-iba at mahirap matantya.
Ngunit hindi lang ito magiging advantage para sa iyong mga mag-aaral, kundi para din sa iyo. Mas magiging Madali na planuhin ang iyong sariling schedule kung consistent at regular ang iyong teaching schedule. Liban pa dito, dahil mayroon ka nang nakatakdang schedule, mas madaling mag-commit sa pagtuturo sa mas mahabang panahon. Makakatulong din ito upang maiwasan ang burnout, dahil mas madali ding planuhin ang iyong mga araw o oras ng pahinga at break.
Mag-enjoy
Handa ka na bang simulan ang iyong online classes? Excited ka na bang magsimula? Kung handa na ang lahat, huwag kakalimutan ang dahilan kung bakit mo ito napagpasyahang simulan: Dahil guto mo itong gawin, at ito ang makapagpapasaya sa iyo. Kaya huwag kaligtaan na mag-enjoy sa bawat klase at bawat panahon na kasama mo ang iyong mga estudyante at nakakadagdag ka sa kanilang kaalaman.
Ang mga bagay na makabuluhan ay kadalasang mahirap, lalo na sa simula. Ngunit sa pamamagitan ng tamang stratehiya, maaari itong gawin nang hindi lang tama kundi epektibo. Bukod pa dito, magiging mas masaya ang iyong online classes kung ikaw ay lubos na handa.