Ang paglago ng teknolohiya ay tila baga hindi na natin mapipigilan. Sa isang pindutan lamang, naibibigay nito agad ang ating pangangailangan. Ang sektor ng edukasyon sa mga saksi kung paano binabago ng teknolohiya ang takbo ng buhay ng lahat. Mula sa dating pagtuturo sa klasrum, maaari nang magkaroon ng pagkatuto ang isang mag-aaral, kahit pa siya ay wala sa loob ng silid-aralan. At ito ay sa pamamagitan ng Hybrid Learning.
Ano nga ba ang Hybrid Learning? At anu-ano ang mga benepisyong maaari nitong maibahagi sa konteksto ng edukasyon?
Ang Hybrid Learning ay isang modelong pang edukasyon kung saan nahahati sa dalawa ang paraan ng pagtuturo, una ay mga mag-aaral na papasok sa silid upang mag-aral, pangalawa naman ay mga estudyanteng nasa kanilang tahanan kung saan sila ay birtwal na nakikinig sa sesyon ng guro.
Maaaring maaccess ng mag-aaral ang sesyon sa pamamagitan ng video conferencing hardware o software. Ang pagtuturo, personal man o birtwal, ay ginagawa nang sabay. Ito ang konsepto ng Hybrid Learning.
Halimbawa ng Implementasyon ng Hybrid Learning
Differentiated Model
Gamit ang modelong ito, ang mga estudyante na nasa mismong loob ng silid aralan at yaong mga nasa kanilang tahanan ay sabay na nakikibahagi sa klase o sa madaling salita, gumagamit ito ng synchronous na paraan.
Ang mga mag-aaral na nasa kanilang tahanan ay direktang nakakaaccess ng sesyon sa klase sa pamamagitan ng flipped video. Sakali mang sila ay may aktibidad, ito ay kanilang isasagawa sa isang breakout room. Samantala, ang mga mag-aaral nasa loob ng silid ay gagamitin ang parehong materyal na ginagamit ng mga nasa birtwal na klase, at kadalasan, ang mga gawain ay tinatapos sa mismong loob ng silid aralan.
Multi-Track Model
Sa multi-track model, hindi gaanong nagkakaroon ng interaksyon ang grupo ng mga estudyante na nasa loob ng silid aralan at mga yung mga nasa britwal na klase. Kadalasan, natatapos ng dalawang grupo ang kanilang gawain dahil ang mga estudyante na nasa distance learning set up ay gagamitan ng asynchronous na sesyon.
Samantala, ang mga estudyante na nasa in-person na grupo ay aatasang iobserba ang social distancing habang ginagawa ang kanilang mga aktibidad. Ilan sa mga gawaing ito ay kadalasan sa maliit lamang grupo ginagawa o mga independent activity, ito ay upang mabigyan ng pagkakataon ang guro na pagtuunan ng pansin ang mga estudyanteng nasa birtwal na set up.
Independent Project Model
Kapag ang isang harapang aralin ay hindi gumana nang offline, at 1-4 na mag-aaral ang kailangang maging bahagi ng birtwal na klase, ang Independent Project Model ang pinakamainam na gamitin.
Ang mga estudyanteng nasa birtwal na klase ay bibigyan laya na gawin ang kanilang paraan upang matuto, at lahat ng mga proseso ay nasa personal na lebel. Samantalang ang mga nasa silid-aralan naman ay magpapatuloy sa kanilang face-to-face na set-up.
Ano naman ang Benepisyo ng hybrid Learning?
- Ito ay mas epektibo kumpara sa tradisyunal na paraan
Masakit isipin na sa dumadaming populasyon ng mga mag-aaral, hindi na kakayanin ng mga silid- aralan paunlakan ang pangangailangan ng mga dumaraming estudyante. Sa kabutihang palad, ang paggamit ng hybrid learning ang siyang sagot sa suliraning ito.
Ito ay epektibo dahil kaya nitong paunlakan kahit pa may malaking populasyon ng estudyante sa loob ng klase. Hindi rin kailangan makipag siksikan ng mga estudyante sa klase, dahil kaya na nilang matuto kahit sila ay nasa loob lamang ng kanilang mga tahanan.
- Mas Matipid Ito
Isipin na lamang kung ang guro ay kailangang gumawa ng halos kwarentang mga learning material, ano sa tingin mo ang epekto nito sa kanyang bulsa? Hindi ganito ang senaryo kung hybrid learning ang gagamitin. Dito ay maaari na lamang gawin ng guro na online ang mga gawain para sa mga nasa birtwal na set-up. Mas makakatipid pa ang guro ng oras dahil hindi niya kailangang sumailalim sa puyatan para lamang matapos ang paggupit niya ng mga flashcards at iba pa.
- May pagkakaiba-iba ng aktibidad
Hindi maboboryong ang mga estudyante sa hybrid learning. Sa katunayan, ito ay gumagamit ng iba’t-ibang mga gawain na talaga namang mang eengganyo sa mga mag-aaral na makilahok sa klase.
- Mas Flexible at Solido ang interaksyon
Sa Hybrid learning, ang mga estudyante ay may kakayahang makisalamuha sa isa’t isa kahit na sila ay nasa magkakaibang lugar. Ang mga katanungan, suhestyon o anu pa man ay nabibigyan ng sagot na hindi nila kailangan ng personal na interaksyon sa isa’t isa.