Ang pagtataya o assessment ay isang makabuluhang gawain sa loob ng klase kung saan natutulungan nito ang guro na alamin ang estado ng kanyang mga mag-aaral. Magagamit ng guro ang datos mula sa assessment upang sukatin ang lalim ng natutunan ng kanyang mga estudyante sa mga nakalipas na aralin.
Ginagamit din ang assessment upang malaman kung may background knowledge ang mga mag-aaral sa paksang kanilang pag-aaralan. Magagamit ng guro ang datos na ito sa pagpili ng estratehiya na naaangkop sa lebel ng mga estudyante.
Malawak ang sakop ng pagtataya. Pagsusulit ang kadalasang persepsyon ng mga mag-aaral kapag kanilang naririnig ang salitang assessment. Ngunit, ito ay porsyento lamang ng buong kahulugan ng pagtataya dahil marami pa itong ibig sabihin.
Sa sulating ito, ating bigyang diin ang ilan sa mga uri ng pagtataya. Ating din alamin ang gamit ng mga ito, lalong lalo na sa aspeto ng pag analisa ng lalim ng natutunan at matutunan ng mga mag-aaral sa paksang ibabahagi o ibinahagi sa klase.
Diagnostic Assessment (Pre-Assessment)
Ang diagnostic assessment ay isinasagawa sa unang araw ng klase, o sa unang oras ng pagbibigay ng lecture sa klase. Isa itong uring ng pre-assessment, o yaong mga uri ng pagtataya na ginagawa upang masukat ang kasalukuyang kakayahan ng mag-aaral sa paksang ibabahagi sa klase.
Magagamit ng guro ang datos mula sa diagnostic assessment upang pag-aralan ang kalakasan at kahinaan ng mga estudyante. Magagamit rin niya ang impormasyong ito para alamin kung angkop ba ang estratehiyang gagamitin niya sa klase.
Ang diagnostic assessment ay maaaring isagawa sa pamamagitan ng pagbibigay ng multiple choice na uri ng gawain.
Formative Assessment
Ang formative assessment ay isang uri ng pagtataya na sumusukat sa kakayahan ng mga estudyante sa paksang kasalukuyang ibinabahagi sa klase. Ang formative assessment ay maaaring maisagawa sa pamamagitan ng pagbabato ng katanungan sa kalagitnaan ng lecture, o pagbibigay ng gawain bilang panukat sa lalim ng pang-unawa ng mga mag-aaral sa paksa.
Ang formative assessment ay hindi nabibigyan ng grado, ngunit ito ay isang mahalagang uri ng pagtataya kung saan nabibigyan ng ideya ang mga mag-aaral sa konteksto ng kanilang pinag-aaralan.
Kumbaga ang formative assessment ay parang isang hakbang sa bawat hagdan. Hindi mararating ng mga mag-aaral ang pinakamataas na hakbang kung hindi sila dadaan sa bawat hakbang na mayroon ang hagdanan.
Summative Assessment
Ang summative assessment naman ay kadalasang ginagawa sa huling parte ng yunit, klase o ng kwarter. Ito ay ginagawa upang sukatin ang lalim ng pang-unawa ng mag-aaral sa mga nakalipas na paksa.
Madalas ginagamit sa summative assessment ay ang tradisyunal na pen and paper exam kung saan ang estudyante ay sasagot ng mga katanungan na isinulat sa estruktura ng multiple choice na uri ng eksam, fill in the blanks, true or false at marami pang iba.
Malaki ang parteng ginagampanan ng summative assessment dahil binibigyan nito ang guro ng datos tungkol sa progreso ng kanyang mga estudyante. Magagamit ng guro ang datos na ito upang alamin ang mga kahinaan ng kanyang estudyante. At makakatulong din ito sa paghasa ng istilo sa pagtuturo.
Norm Referenced Assessment
Ang norm referenced assessment ay isinasagawa upang ikumpara ang performans ng populasyon ng mag-aaral sa iba pang mga estudyante. Layunin ng assessment na ito na alamin ang kabuuang performans ng mag-aaral sa isang partikular na demograpiya.
Halimbawa nito ay ang pagsasagawa ng National Achievement Test kung saan aalamin ng Kagawaran ng Edukasyon ang kabuuang estado ng isang paaralan, at kung ano ang kasalukuyang estado nito sa paghahatid ng edukasyon sa mga estudyante.
Mahalagang ang isang guro ay may malawak na kaalaman sa mga uri ng assessment, dahil mapapakinabangan niya ito sa aspeto ng pagpili ng tamang materyal na gagamitin niyang panukat sa kakayahan ng kanyang mga mag-aaral.