Teachmint X
Interactive Flat Panel powered by EduAI
Teachmint Connected Classroom
Powered by EduAI
EduAI
AI-Powered Smart and Intelligent Personal Teaching Assistant
Teachpay
One stop fee management & digital payments for education institutes

Kailangan Pa Rin Bang I-Modelo ng Mga Guro ang Kagandahang Asal?

Sa panahon ng social media at ng malawak na impluwensya ng mga tinaguriang “influencers” sa kung paano manamit, magsalita, at maging mamuhay ang kabataan, mayroon pa bang papel na dapat gampanan ang mga guro bilang mga modelo ng kagandahang-asal? O ito ba ay hindi na responsibilidad ng mga guro sa modernong panahon?

Dahil sa higit na paglawak ng online learning o online teaching, nagkaroon ng hadlang sa pagitan ng mga mag-aaral at mga guro, lalo na para sa mga taong hindi ito nakasanayan. Ngunit sapat bang dahilan ang kawalan ng pisikal na presensya ng mga guro upang maging hiwalay na din sa kanila ang responsibilidad ng paghubog ng magandang asal sa kanilang mga mag-aaral?

Narito ang mga dahilan kung bakit naniniwala kanmi na maging sa online classroom man o sa pisikal na paaralan, kailangan pa ring maging epektibong modelo ang mga guro ng kagandahang-asal sa kabataan.

Ang Mga Guro ay Tinitingala Bilang Mga Modelo Hindi Lang ng Galing sa Pag-aaral

Sa ayaw man natin o gusto, simula’t sapul, ang mga guro ay modelo ng kagandahang-asal at galing sa academics. Tinitingala sila ng mga kabataan bilang mga ehemplo sa paggalang, galing, at kaalaman. Iyan mismo ang pundasyon kung bakit sila pinapakinggan ng mga mag-aaral at kung bakit binibigyang-halaga ang sektor ng edukasyon sa bawat bansa.

Dahil sila ay may responsibilidad na humubog ng isipan ng kabataan, malaki ang panahon na igugugol ng mga kabataan na kasama sa kanila. Dahil dito, kahit hindi pa nila gustuhin o sabihin, titingalain sila ng mga mag-aaral. At kug anuman ang kanilang i-presenta bilang maganda o magaling ay tatatak sa isipan ng kabataan at gagayahin.

Ang isang magaling na guro ay batid ang responsibilidad na ito, kaya’t binibigyan niya ng halaga ang pagpapanatili ng maayos na pananamit, pananalita, at pakikitungo sa iba, lalo na sa kanyang mga estudyante.

Ang Paaralan ay Karugtong ng Tahanan

Marami ang pagkakataon kung saan ang paaralan ay karugtong ng tahanan, lalo na sa mga batang mag-aaral. Ang mga guro ay kasabay at kasama ng mga magulang sa paghubog ng pag-iisip at asal ng mga kabataan, dahil sa paaralan (online man o pisikal) ginugugol ng mga mag-aaral ang karamihan sa kanilang oras.

Dahil dito, hindi maaaring isawalang-bahala ng mga guro ang kanilang papel bilang hindi simpleng taga-sabay sa daloy ng modernong kultura at impluwensya ng social media, kundi mga katulong ng mga kabataan na magkaroon ng matalas na isip, kakayahan na bumuo ng sariling opinyon ukol sa mga bagay na may halaga, at mabuting pakikitungo sa lipunan.

Kailangan ng Kabataan ng Filter sa Impluwensya ng Social Media at Iba Pang Hindi Kanais-Nais na Bagay

Sa isang lipunan kung saan walang nagsasabi na ang kahalayan at kabastusan sa kapwa ay hindi katanggap-tanggap, o na ang pagwawalang-bahala sa pagsisikap upang makamit ang layunin ay isinasantabi (dahil sa panahon ngayon, mabilis nang nakukuha halos lahat ng bagay), ano nga kaya ang maaasahan natin na kalalabasan ng susunod na henerasyon?

Kailangan ng kabataan ng awtoridad na magsasabi sa kanila na ang hindi maganda ay hindi maganda, at hindi dapat ay hindi dapat, dahil malaki ang negatibong impluwensya ng social media at Internet na kung hindi babantayan ay maaaring maka-apekto sa kung ano ang kanilang magiging kontribusyon sa lipunan.

Kung wala silang mabuting ehemplo na nakikita mula sa kanilang mga guro, madali para sa kanilang isipan na tama ang lahat ng kanilang naririnig o nakikita, lalo na kung walang matibay na pundasyon sa pagbuo ng sariling opinyon o walang maayos na moral compass.

Ang Galing ay Hindi Lamang Nasusukat sa Performance

Huli sa lahat, ang pagsasawalang-bahala sa kagandahang-asal ng mga online teacher ay nagbibigay ng mensahe na pawang taas ng grado lamang o galing sa mga proyekto at pagsusulit lamang ang batayan ng galing ng isang mag-aaral at na ang mga ito lamang ang tunay na mahalaga.

Kapag hinayaan ang ganitong kultura sa loob na klasrum, mawawala din ang halaga ng mga mabuting katangian gaya ng paggalang, pagiging mapagpakumbaba, pagiging mapagbigay, o pagiging matulungin. Kung sa tahanan ay hindi din ganoon katibay ang pagpapahalaga sa mga ito, madali para sa kabataan na isipin na hindi ito kailangang linangin at wala itong benepisyo.

Kahit sa makabagong panahon, malaki pa rin ang papel ng mga guro bilang mga ehemplo hindi lamang ng galing, kundi pati na ng kagandahang-asal ang pagiging mabuting miyembro ng lipunan.