Limang Nakakatulong na Tips Upang Mag-Improve sa Online Teaching
Sa lahat ng bagay ay dapat tayo nag-iimprove kung nais nating maging mas makabuluhan ang ating trabaho at serbisyo para sa iba. At hindi kaiba ang online teacher. Dahil sa Internet, napakaraming mga pagbabago sa mga paraan kung paano tayo nakikisalamuha sa ibang tao, pati na ang paraan kung paano ginagawa ang pagtuturo online.
Kaya kung nais mong maging relevant sa gitna ng napakabilis na takbo ng mundo ngayon at sa paraan ng pagbibigay ng edukasyon, kailangan maging proactive sa paghahanap ng paraan kung paano mas magiging mabuti sa pagtuturo. Hindi na maaari na dumepende na lamang sa kung ano ang nakagawian o kung ano ang alam na nating gawin. Kailangang maging bukas sa mga pagbabago, upang masabayan oa kahit mauna sa mga improvements na hinahanap ng panibagong henerasyon ng mga mag-aaral.
Paano nga ba mas mapagbubuti ang pagiging online teacher? Narito ang limang tips na makakatulong upang makamit mo ito.
Magbasa ukol sa mga bagong learning techniques
Ang online teaching ay isang paraan ng pagtuturo na napakabilis mag-evolve dahil sa paraan kung paano ito ginagawa at sa lugar kung saan ito ginagawa. Dahil diyan, ang mga taong nais magturo online nang epektibo at nakaka-engganyo sa bagong henerasyon ay kailangang maging ma-alam sa mga bagong stratehiya, teknik, at impormasyon ukol dito.
Sa lawak ng impormasyon na available sa Internet, malaki ang pagkakataon upang matuto mula sa mga eksperto. Huwag itigil ang pagtuklas ng mga ito at ang pagbabasa upang madagdagan ang iyong kaalaman at hindi maging stagnant sa kung nasaan ka ngayon.
Sa oras na iyo nang ihinto ang iyong sariling pag-aaral, mahihinto na din ang iyong paglago at mawawalan ka nang pagkakataon upang bumuti. Tandaan din na lahat tayo ay may puwang upang mag-improve, at hindi natin alam ang lahat ng bagay. Dapat ay maging bukas sa kaalaman ng iba.
Um-attend ng mga online teaching trainings o seminars
Dahil sa laganap ngayon ang pagtuturo at pag-aaral online, marami na din ang mga taong nagbabahagi ng kanilang kaalaman upang magawa ito nang maayos at epektibo. Maghanap ng mga trainings o seminars na maaari mong salihan upang madagdagan ang iyong kaalaman.
Sa mga trainings na ito ay maaari mong matutunan ang mga konsepto na maaaring makatulong sa online teaching na hindi kailangang gamitin sa tradisyonal na pagtuturo. Bukod dito, maaari mo ding malaman kung ano ang mga platforms, websites, at tools na magagamit upang mas maging makabuluhan at produktibo ang bawat learning session para sa mga mag-aaral.
Mabigat sa teknolohiya ang online teaching, kaya sikapin din na matuto ukol dito at maging bihasa sa paggamit nito.
Makinig sa feedback ng iyong mga estudyante
Ang feedback ang isa sa mga pinakamahalagang bagay para sa iyong ikabubuti. Magbigay ng pagkakataon upang makapagbigay ang iyong mga estudyante ng kanilang feedback tungkol sa istilo ng iyong pagtuturo, sa kalidad ng iyong teaching materials, sa iyong kilos at asal, at iba pang mga bahagi ng iyong pagtuturo upang malaman kung alin ang iyong mga kalakasan at kahinaan.
Madalas, hindi masarap pakinggan ang kritisismo mula sa ibang tao, ngunit kung hindi tayo magiging bukas dito ay para na din nating sinara ang ating pagkakataon upang makatuklas tungkol sa ating mga sarili at mapagbuti kung ano ang kailangang pagbutihin. Isipin lagi na ang constructive crititcism ay iyong kaibigan.
Pagbutihin ang mga area kung saan ka mahina
Kapag nalaman mo na kung saan ka mahina at kailangang mag-improve, tiyakin na iyong gagawin kung anuman ang kailangan upang magkaroon ka ng progress sa mga area na ito. Ngunit huwag mong i-expect na mababago mo ito ng tuluyan sa isang araw lamang. Lalo na kung isang malaking aspeto ito ng pagtuturo, bigyan ng panahon ang iyong sarili na mag-adjust, at huwag madismaya kung hindi ka agad makakakita ng improvement sa iyong sarili.
Magkaroon ng mga teaching coach
Kung maaari, humingi ng tulong sa mga taong may malawak na kaalaman at karanasan sa pagtuturo. Hindi kailangan na maging strikto ang structure ng inyong coaching. Kung ano ang mabisa para sa inyo ay iyon at gawin. Ang mahalaga ay mayroon kang guide at mentor na makapagsasabi kung may kailangan kang baguhin.
Tiyakin na maging bukas sa feedback at direksyon ng iyong mentor upang maging mabisa ang iyong pagkonsulta sa kanya at makitaan ka ng tunay na improvement.
Sa pamamagitan ng patuloy na improvement sa pagtuturo online, magiging mas epektibo ka sa iyong karera at magiging makabuluhan ang bawat oras na iyong ibabahagi sa mga mag-aaral.