Limang Patok na Estratehiya sa Pagtuturo Gamit ang Online Tools
Isa ka ba sa mga nahihirapan pagdating sa pagkuha ng motibasyon ng iyong mag-aaral? Hindi ka nag-iisa. Halos lahat ng guro ay sang-ayon sa ideya na hindi madaling kunin ang atensyon ng mga mag-aaral. Ang malaking tanong ngayon ay, bilang isang guro, ano ang dapat mong gawin upang mapanatili ang dekalidad na pagtuturo, lalo na sa online class? Ang mga sumusunod na estratehiya ang sagot. Alamin natin ang mga ito, isa-isa:
Alamin ang kalikasan ng ginagamit mong teknolohiya
Sabi nga nila, hindi mo maaaring ibigay ang wala sa ‘yo. Kung kaya’s bilang isang guro, responsibilidad mong malaman ang gamit ng materyal para sa online class.
Sabihin nating komplikado ang teknolohiya. At maaaring may pagkakataon na kailangan ng talas ng isip sakaling hindi ito tutugma sa iyong kagustuhan habang ikaw ay nagkaklase. Kaya’t kailangan mong aralin kung paano gamitin ang online tools na ito.
Hindi madamot ang internet pagdating sa ganitong aspeto, sa katunayan ay maaari mong matutunan ang paggamit ng teknolohiya sa pamamagitan ng panonood ng mga tutorial videos na nasa Youtube o Google.
Bukod pa dito, ang kakayahang gamitin ang teknolohiya sa iyong online class ay makakatulong sa maayos at matiwasay na diskusyon sa klase. Isipin mo na bilang guro, walang magsasalba sayo sakaling hindi gumana ang teknolohiyang ginagamit mo kundi ang kaalaman mo sa paggamit nito.
Maging alerto sa mga sitwasyong hindi inaasahan
Sabi nga sa wikang Ingles, “Expect the unexpected.” Sa aspetong edukasyon, naranasan mo na bang mawalan ng internet connection? O biglaan ba ang brownout sa inyong lugar?
Sa mga sitwasyong nabanggit sa itaas, masasabi natin na may mga bagay talagang hindi natin na inaasahang mangyari habang tayo ay nasa online class. Sakali mang mawalan ka ng internet connection o anupaman, maari kang maglatag ng pangalawang plano. Maaari kang mag record ng video lecture na pwede mong ipanood sa mga mag-aaral. Asynchronous teaching ang tawag dito. Gamit ang video record, maari mo na itong iupload , at maari ring iaccess ito ng iyong mga mag-aaral kahit saan at kahit kailan.
Gumamit ng mga Game-Based Activities
Upang masiguro na nasa diskusyon pa rin ang atensyon ng mga mag-aaral, mainam na gumamit ka ng isang game-based activities. Maari kang gumamit ng spin a wheel game. Pwede mo itong gamitin bilang paraan ng pagtatanong sa mga bata. Para itong isang roleta na iikot at kung mang pangalan matapat ang arrow, siya ang maatasang sumagot sa tanong.
Kung nais mo namang hasain ang kakayahan ng iyong mag-aaral sa komunikasyon, maari mo din namang gamitin ang debate bilang plataporma. Gamit ang online interaction, pwede nang magkaroon ng malusog na diskusyon ang iyong mga mag-aaral.
Iwasang maging masyadong strikto sa iyong mga estudyante.
Wala namang masama kung maging strikto ka sa iyong mga mag-aaral. Ngunit tandaan na hindi lahat ay may pantay pantay na lebel ng kagamitan. Kaya’t bilang isang guro, aralin mo din ang pangangailangan teknolohikal ng iyong mga mag-aaral.
Maari kang magsagawa ng survey kung ano at paano ang sistema ng iyong mga estudyante habang nasa online class. Sa ganitong paraan ay malalaman mo ang tamang paraan upang walang maiwan na estudyante, dahil ang edukasyon ay para sa lahat.
Gumawa ng aktibidad na may kasamang repleksyon
Mainam na sa online class set up, kailangan magkaroon ng imahe ang mag-aaral sa kaniyang naging performance. Ito ay maaaring gawin ng guro gamit ang mga “reflective activities.”
Pwede kang maglagay ng mga tanong tulad ng kung ano ang natutunan nila sa buong sesyon. Mabisa itong paraan upang malaman ng mag-aaral kung saan pa siya dapat umarangkada.
Tunay ngang walang imposible sa paggamit ng teknolohiya. Bilang isang guro, marami kang pwedeng gawin gamit ang pwersa nito. Kaya bago ka sumabak sa obligasyong turuan ang iyong mag-aaral, unahin mo muna ang responsibildad na magpakadalubhasa sa apestong ito, nang sa gayon ay hindi ka mawala sa paggamit nito.