Mga Bagong Teaching Skills Para sa Bagong Taon
Sa pagpasok ng bagong taon, may mga panibagong skills din na kailangang matutunan ang bawat online teacher upang mas maging akma sa mga mag-aaral. Sa lahat ng bagay, kailangan nating sikapin na umunlad tayo, at kahit ngayon, sa panahon ng pandemya, maaari pa ring patuloy na umunlad sa ating mga sari-sariling karera. At sa online teaching, lalong mayroong malaking espasyo upang mag-improve, dahil sa mga bagay na ating natutunan, salamat sa mga karanasan sa nakaraang taon.
Kung nais mong mag teach online, ang mga skills na ibabahagi sa artikulo na ito ay lubos na makakatulong upang maging mas relevant ang iyong pag-atake sa teaching strategies sa panahon ngayon, kung kailan malaking bagay ang teknolohiya at remote learning. Maraming mga skills ang hindi kailangang malaman ng mga teachers noon na napakahalaga na ngayon upang maging epektibong guro.
Narito ang ilan sa mga pinakamahalagang skills na iyong kailangan matutunan kung nais mong magpatuloy na magturo online.
Paggawa ng edukasyonal na video presentations
Kung dati, sapat na ang mga nakasulat na salita sa blackboard upang ipaabot ang maabot ang iyong layunin sa iyong mga klase, ngayon, kinakailangan nang maging mas malikhain sa paggawa ng mga teaching materials at mga presentasyon. Ito ay dahil sa panibagong nature ng pagtuturo gamit ang Internet, isang malaking hadlang ang kawalan ng pisikal na presensya upang masiguro ang iyong koneksyon sa bawat mag-aaral.
Ang mga edukasyonal na videos ay malaking tulong upang mapanatiling nakaka-engganyo ang iyong mga leksyon kahit na ang iyong mga estudyante ay nakaharap lamang sa kanilang mga kompyuter. Hindi lamang iyan, ang mga video presentations ay nakakatulong upang makapagbigay pa rin ng leksyon at updates kahit na hindi kayo pare-pareho ng time zone o hindi magtugma ang inyong mga schedule.
Maraming mga online courses ngayon ang maaari mong gamitin upang mapagbuti ang iyong skills sa paggawa ng mga video presentations. Maaari din itong aralin gamit ang mga libreng software.
Virtual social etiquette
Isa sa mga bagay na makakatulong upang masiguro ang mabuting asal at kilos ng mga mag-aaral kahit na online nalang ninyo ginagawa ang inyong mga klase ay ang pagtatalaga ng panibagong mga social etiquette o class rules. Dito maaaring italaga kung ano ang mga kilos o gawain na katanggap-tanggap at hindi katanggap-tanggap upang ma-promote ang maayos na performance sa harap ng mga challenges ng remote learning.
Ilan sa social etiquette na makakatulong ay ang pag-require na naka-on ang camera ng bawat estudyante na a-attend sa klase, dapat nakasuot ng disenteng damit ang bawat isa, at ang pag-join sa mga online meetings sa tamang oras. Maaaring kailanganin ng unique na etiquette para sa iyong klase, depende sa inyong learning culture o culture bilang isang grupo, at kung ano sa palagay mo ang magiging epektibo upang panatilihin na makabuluhan ang inyong oras,
Ang paggawa ng angkop na social etiquette ay nakasalalay sa iyong pagkakaintindi sa inyong unique na kultura at learning needs.
Photo at video editing
Kaugnay ito ng pinaka-unang skill. Malaking parte ng pagiging epektibo ng iyong pagtuturo ang paggamit ng mga teaching materials na nakaka-wiling pagmasdan. Kung gusto mong gumawa ng mga teaching materials at mga presentasyon na makakapukaw ng atensyon, kakailanganin mong matuto kung paano mag-edit ng mga larawan at mga video.
Lalo na kung ang iyong mga estudyante ay mga bata, mas nakaka-engganyo para sa kanila ang mga materials na mas marami ang larawan kaysa text, at mas malaki ang tyansa na hindi sila mababagot.
May mga photo editing software na maaaring gamitin ng mga guro na mayroon nang karanasan dito gaya ng Photoshop o Lightroom. At lubhang mas mainam ang mga ito dahil magkakaroon ka ng mas malaking kakayahan upang manipulahin ang mga larawan ayon sa iyong pangangailangan. Ngunit kung walang karanasan dito o baguhan pa lamang sa photo editing, maaaring gamitin ang simpleng photo editing options na built-in sa mga kompyuter bilang praktis. Maaari na din ito para sa mga minor edits o mga basic na pagbabago sa mga larawan.
Basic na graphic design
Huwag makontento sa mga monotonous na teaching materials, at lalong pagbutihin ang mga ito gamit ang graphic design. Mayroong mga graphic design websites na maaari mong gamitin ng libre kung saan ka makakakuha ng mga templates para sa PowerPoiint presentations o maging sa mga educational videos.
Ang mahalaga ay huwag huminto o makontento sa mga skills na mayroon ka na ngayon, ang laging maghanap ng mga oportunidad upang lumago at bumuti, lalo na ngayon kung kailan napakabilis ng mga pagbabago.