Mga Dapat Gawin Ng Mga Mag-Aaral Bago Ang Online Class

Isa ka din ba sa mga walang eksaktong ideya kung paano magsisimula sa iyong online class? Minsan ka na bang hindi makasabay sa diskusyon dahil hindi mo ito napaghandaan? Hindi ka nag-iisa. Gaya ng isang tipikal na mag-aaral, normal lamang na ikaw ay magkamali lalo na padating sa preparasyon sa iyong online class.

Ngunit, hindi ito ang pwedeng maging dahilan upang masira ang kagustuhan mong matuto at makasunod sa klase. Kung kaya’t sa sulating ito, aming ibabahagi sa inyo ang mga dapat na gawing paghahanda bago sumabak ang isang estudyante sa kanyang online class.

Ayusin ang iyong learning environment.

Malaking salik ang iyong learning environment sa iyong pagkatuto, lalo na sa online class. Kung maayos at maaliwalas ang iyong paligid ay makakaramdam ka ng ginhawa habang ikaw ay nakikinig sa lecture ng iyong guro.

Ang iyong learning environment ang siyang dapat mong unahin, lalo na kung sa tingin mo ay nakakadagdag ito sa’yo ng stress. Ligpitin mo muna ang iyong working table at ayusin ang mga kalat na maaaring makairita sa iyong mata.

Kung madilim naman ang iyong silid ay maaari kang gumamit ng mga ilaw o di kaya ay buksan mo ang iyong bintana para maaliwalas ang iyong paligid.

Gumamit ng planner para sa mga gawaing pang akademiko.

Marahil ay marami kang mga tambak na mga gawain, at sa dami nila ay hindi mo alam kung ano ang uunahin. Makakabuti sa’yo ang paggamit ng planner kung saan ay naisusulat mo ang pagkakasunod-sunod ng mga gawain ayon sa iyong schedule.

Ang pagkakaroon ng planner ay makakatulong sayo para hindi ka mawalan ng direksyon sa iyong mga ginagawa. Bukod pa dito, hindi mo mararamdaman ang bigat ng iyong mga gawain kung ito’y iyong pinaplano.

Magtanong sa iyong mga kaklase

Isa ang komunikasyon sa mga dapat na hindi mo isa-alang kahit pa nagbago na ang paraan ng pagtuturo. Maging alerto ka sa mga maaring ipasa ng guro sa inyong mga group chats. Sakali mang may nakaligtaan ka ay maaari kang magtanong sa pinagkakatiwalaan mong kaklase.

Dahil nga magkakalayo kayo ng iyong mga kamag-aral ay tanging messenger, snapchat, instagram at iba pa ang maari mong gamitin upang sila ay makausap. Madali na lamang silang kausapin dahil sa isang pindutan lamang ay makakatanggap ka na ng sagot sakali mang may mga tanong ka sa leksyon.

Taasan mo pa ang lebel ng iyong motibasyon

Sa dami ng maaaring makaistorbo sa iyong paligid, marahil ay may pagkakataong ikaw ay nawawalan ng interes sa pag-aaral. Ngunit bago mo ito pakawalan ay isipin mo ang maaring epekto nito sa iyong hinaharap.

Natural lang ang mapagod sa mga gawain sa eskwela ngunit ito ay hindi dapat gawing dahilan para ikaw ay sumuko. Malayo na ang iyong narating at sa puntong ito, kailangan mong magpatuloy dahil ikaw ay may pangarap na umangat.

Gamitin mong inspirasyon ang iyong pangarap upang hindi ka mawalan ng interes sa iyong online class. Normal lang ang mapagod, at ang tanging magagawa mo lamang ay ang magpahinga. Maari mong aliwin ang iyong sarili sa panonood ng mga makabuluhang videos o ang pakikipag-usap sa iyong mga kaibigan. Ngunit, walang dahilan upang ikaw ay sumuko.

Alagaan mo ang iyong sarili

Bilang isang mag-aaral, kailangan ikaw ay may sapat na pahinga o tulog bago ka pumasok sa iyong klase. Ang pagpupuyat ay maaaring makaapekto sa iyong performance kung kaya’t kailangan mong matulog ng pito hanggang walong oras.

Huwag mo ring kakalimutang uminom ng walong basong tubig sa isang araw at mag ehersisyo kung kinakailangan. Hindi mainam sa katawan ang nakaupo buong araw, idagdag mo pa ang pagkain ng mga junk food na hindi nakakatulong sa katawan.

Ang pag-aalaga sa sarili ay isang libreng gawain, at hindi mo kailangan gumastos para maisagawa ito. Importanteng maging bahagi ng iyong buhay ang mga gawaing may magandang dulot sa iyong kalusugan, dahil kakailanganin mo ang mga ito habang ikaw ay nag-aaral.