Mga Dapat Mong Malaman Tungkol sa Pag-aaral Sa Pamamagitan ng Paggawa
Bilang isang guro, ano ang madalas mong isinasaisip sa tuwing ikaw ay gagawa ng iyong plano para sa klase? Madalas ka bang nakapokus lamang sa pagpapaliwanag ng mga teorya, at pagkatapos ay hanggang doon na lamang ang hangganan ng iyong gawain sa klase? Sa iyong palagay, sa anong paraan ng pagtuturo mas natututo ang iyong mga estudyante?
Ilan lamang ito sa mga katanungan na nangangailangan ng agarang sagot. Mahalaga ang papel ng bawat guro sa paghubog ng karunungan ng mga bata. Ngunit, paano nga ba ito isinasagawa nang tama at buong husay? Isa ang estratehiyang pag-aaral sa pamamagitan ng paggawa sa mga napatunayan nang mabisa pagdating sa paghubog ng kompetensi ng mga mag-aaral.
Ang pag-aaral sa pamamagitan ng paggawa o learning by doing sa wikang Ingles ay nabuo ni John Dewey, isang sikat na social critic. Aniya, ang estratehiyang ito ay nakasentro sa pagbibigay ng mga angkop na karanasan sa mga mag-aaral, kabaligtaran ito ng tradisyunal na paraan kung saan ang mga estudyante ay nakalimita lamang sa kung ano ang laman ng kanilang textbook. Sa madaling salita, ang pag-aaral sa pamamagitan ng paggawa ay naglalayong bigyan ang mag-aaral ng mismong karanasan bilang aplikasyon ng kanilang natutunan.
Paano ito isinasagawa sa klase?
Kung nais mong matuto sa paggamit ng mga instrumento sa musika, sa anong paraan ka mas natututo? Sa iyong pananaw mas natututo ka ba kung ito ay iyong pakikinggan o pinapanood lamang? Marahil ay may ideya kana sa pwedeng maging sagot.
Bilang isang guro, kung nais mong matuto ang iyong mga estudyante, isa sa mga dapat mong bigyang pansin ay ang halaga ng mismong karanasan na sumasalamin sa kakayahan na nais mong makita sa iyong mga mag-aaral. Halimbawa nang nabanggit sa unang talata, kung ang bata ay nais matutong tumugtog ng gitara, bigyan mo siya ng gitara mismo at hayaan mong isagawa niya ang mga teoryang natutunan niya mula sa leksyon.
Ang pag-aaral sa pamamagitan ng paggawa ay nangyayari lamang kung tama ang prosesong sinusunod ng guro. Pakatandaan na hindi agad na natutunan ng mga estudyante ang isang kakayahan, maaring umabot ito ng ilang araw, oras o panahon, bago nila matutunan ang isang kompetensi. Kung kaya’t mahalaga na ipresenta ang hakbang ng bawat proseso upang hindi mabigla ang mga mag-aaral.
Ilagay mo ang iyong sarili sa posisyon ng iyong mga estudyante, gugustuhin mo bang gawin ang isang proseso na may mataas na level ng kahirapan? Kaya nga mahalaga na dapat maging gradwal ang proseso ng pagkatuto kung ang gagamitin na estratehiya ng guro ay nakaangkla sa konsepto ng pag-aaral sa pamamagitan ng paggawa.
Bukod pa rito, kailangang alalahanin na ang pagkatuto ay isang proseso, hindi ito natatapos sa isang lecture lamang. Kailangang maging mahaba ang pasensya ng guro na turuan ang mga estudyante na matutunan ang isang kakayahan. Maaari itong daanin sa masinsinang pagsasanay.
Halimbawa nito ay ang pagbibigay ng pang-araw araw na gawain upang matuto ang mga mag-aaral na magtiwala sa kanilang sarili lalo na sa mga gawaing may kinalaman sa public speaking. Maaaring magbigay ang guro ng gawain gaya ng speech prompt, debate, extemporaneous speaking, impromptu speech at iba pa. Kung mga ganitong gawain ay binibigyan ng oras sa loob ng klase, unti-unting yayakapin ng mga mag-aaral ang kakayahan sa pagsasalita hanggang sa wala na silang maipapakita na bakas nang anumang takot o pangamba sa twuing sila ay sasabak sa isang aktibidad na may kinalaman sa public speaking.
Sa mundo kung saan prominente ang paggamit ng papel at lapis sa pagsukat ng lalim ng kakayahan ng isang estudyante, nawawala ang pinakamahalagang ambag ng edukasyon sa tao, at yun ay ang maging maparaan sa kahit saang pagkakataon. Ang paggamit ng konsepto ng pag-aaral sa pamamagitan ng paggawa ang siyang magiging simpleng hakbang upang maturuan ang mga bata na mailabas ang kanilang tunay na potensyal, dahil kung reyalidad ang pag-uusapan, ang ating kakayahan ang siyang ating tunay na kayamanan.