Mga Estratehiya Kung Paano Unawain Ang Binabasa
Ang pagbabasa ay isang kasanayan na dapat matutunan ng kahit na sino. Kahit saan tayo magpunta, kakailanganin natin ang kasanayang ito upang malaman ang ating mga hakbang. Halimbawa na lamang ay pupunta tayo sa isang lugar na hindi pamilyar sa atin. Magagamit mo ang iyong kasanayan sa pagbabasa upang marating ang iyong destinasyon.
Maraming rason kung bakit kailangan nating matutong bumasa. Hindi tayo uusad kung hindi natin bibigyang atensyon ang kasanayang ito. Isang malinaw na halimbawa na lamang ay ang katotohanang hindi makakapasa sa isang pagsusulit ang mag-aaral kung hindi siya marunong bumasa at umunawa sa kaniyang binabasa.
Sa madaling salita, ang pagbabasa ay hindi lamang nakatuon sa pagbigkas ng tamang tunog. Ito rin ay dapat na sinasamahan ng pang-unawa. Mawawalan nang saysay ang binabasang materyal kung hindi naman ito mauunawaan ng nagbabasa.
Dahil dito, ating bigyang pansin ang ilan sa mga estratehiya na siyang makakatulong sa mga mag-aaral na unawain ang kanilang binabasa. Magagamit din nila ito upang maging matagumpay hindi lamang sa akademiks, kundi pati na rin sa totoong buhay.
Paggamit ng Story Maps
Ang pagbabasa ng isang panitakan, halimbawa, ay may dalang kaunting pagsubok lalo na sa mga mambabasa. Komplikado ang kadalasang tema ng isang kwento kung kaya’t magandang gumawa ng story map upang madaling unawain ang laman ng panitikan.
Sa paggawa ng story map, hahanapin mo ang mga karakter, setting, plot,climax at ilang mga mahahalagang bagay sa loob ng kwento. Ilalagay mo sila sa isang diagram upang mabigyang larawan ang kabuuan ng kwento.
Ang paggamit ng diagram ay isang mabisang paraan upang makita mo ng mas malinaw ang nais iparating ng iyong binabasa, kumpara sa aktong babasahin mo lamang ang teksto. Mas mapapadali ang register ng isang impormasyon kung ito ay iyong sasamahan ng diagram sa pamamagitan ng story map.
Retelling
Ang proseso sa retelling ay ginagawa sa pamamagitan ng pagbabasa muna ng teksto. Pagkatapos nito ay aatasan naman ang mag-aaral na ikwento ang laman ng teksto ayon sa kanilang sariling pananaw o paraan.
Mabisa ang retelling sa pag aanalisa ng lalim ng naintindihan ng estudyante sa kanyang binasa. Dito rin mahihinuha ng guro kung paano inuunawa ng estudyante ang kaniyang binabasa.
Pagsagot ng mga Comprehension Questions
Pagkatapos basahin ang teksto, maaaring dumeretso sa pagsagot ng mga comprehensive questions. Ang mga tanong na ito ay kadalasang nasa pababa hanggang sa mataas na lebel. Importanteng maipaliwanang ito ng guro upang malaman kung mayroong mga estudyante ang hindi nakakaunawa sa konteksto ng tanong.
Bukod pa rito, maaring gamitin ng guro ang mga tanong na ito upang gawing mas malalim pa ang diskusyon. Pwede niyang gamitin ang magiging sagot ng mga estudyante upang gawing mas interaktibo ang kaniyang klase.
Paggawa ng prediksyon
Maaaring sa kalagitnaan ng pagbabasa ay magtatanong ang guro kung ano sa tingin ng estudyante ang maaring mangyari habang umuusad ang kwento. Sakali mang magbigay ng sagot ang mga mag-aaral, maaari namang isulat nito ng guro sa pisara at kung sino man ang makukuha sa mga susunod na pangyayari ay mabibigyan ng gantimpala.
Ang paggawa ng prediksyon ay isang kasanayan na magbibigay lalim sa diskusyon sa klase. Binibigyan nito ng kakayahan ang mag-aaral na yakapin lalo ang paksang kanilang pinag-aaralan.
Paggawa ng KWL chart
Ang KWL chart ay ginagamit upang malaman kung ano ang nalalaman ng mga mag-aaral sa paksa, ano ang kanilang natutunan at ano ang nais pa nilang matutunan. Ang chart na ito ay naglalayong bigyang diin ang “prior knowledge” ng mga mag-aaral.
Bukod dito, mabibigyan ng bagong kaalaman ang mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagsagot ng tanong kung ano ang kanilang natutunan mula sa paksang tinalakay. Susunod naman dito ang pagtatanong kung ano ang nais nilang matutunan. Sa pamamagitan nito, lalo silang maeengganyong alamin kung ano pa ang maari nilang harapin na bagong karunungan sa hinaharap.