Mga Katangian na Kailangan Para Maging Epektibo ang Online Learning
Paano nga ba gagawing mas interaktibo at mas masaya ang online classes, lalo na kung araw-araw na itong ginagawa? Minsan, kapag paulit-ulit nang ginagawa ang isang bagay, maaari nating makalimutan na may mga bagay parin tayong kailangang pagbutihin at matutunan, mga ugali na kailangan pang maisapuso o mabago.
Lalo na sa onlineteaching, maraming pagkakataon na maaari tayong matuto, kahit pa nasa parehong paksa tayo naka-pokus. Naka-depende ang ating paglago sa mga taglay nating katangian o perspektibo. Ngunit ano nga ba ang mga ito, at paano nga ba natin mapapanatili na mayroon tayong positibong attitude at pananaw? Narito ang mga tips para sa iyo.
Mga Positibong Katangian na Kailangang Linangin:
Malalim na kagustuhang matuto
Dito nagsisimula ang lahat ng pag-unlad sa larangan ng edukasyon o pagtuturo. Kinakailangan na bawat estudyante man o guro ay mayroong malalim na kagustuhang madagdagan ang kaalaman.
Kapag mayroon tayo nito, hindi magiging nakababagot ang anumang onlineclass, dahil may totoong pananabik na magkaroon ng bagong kaalaman o skill. Kahit gaano pa kaganda o kagaling ang teaching platform o format, kung walang tunay na kagustuhang maka-alam ay hindi din makakamtan ang pinakamataas ng potensyal nito.
Pagpapakumbaba at kakayahang tumanggap ng koreksyon
Lahat tayo ay mayroon pang espasyo upang matuto ng bagong bagay. At hindi natin alam ang lahat. Kung gusto mong magkaroon ng epektibo at makabuluhan na online learning session, kinakailangang magsimula ito hindi sa pag-iisip na alam na natin ang lahat, kundi sa pananaw na mayroon pa tayong kailangang matutunan.
Mahirap matuto ang taong pakiramdam ay alam na ang lahat, hindi ba? Kaya kailangang linangin natin sa ating sarili ang pagpapakumbaba at pagiging bukas sa koreksyon. Sa koreksyon ng iba natin nakikita na mayroon pala tayong pagkukulang, kaya mahalaga ito at hindi dapat iwasan.
Tandaan na mas lumalago ang isang taong handang tumanggap ng kritisismo or koreksyon.
Pagiging bukas sa mga bagong kaalaman
Kaugnay ng pagpapakumbaba, kailangan din ng pagiging bukas sa mga bagay na bago sa atin. Mas madaling matuto ang mga taong bukas sa mga bagay na maaaring salungat sa nakasanayan, o talagang kaiba sa ating inaakala.
Sadyang napakahirap magturo sa o matuto ng isang taong hindi bukas ang isip.
Pagsisikap ng i-apply o i-praktis ang natutunan
At syempre, kapag nagkaroon ng bagong kaalaman, mahalaga na i-apply ang mga ito. Isang magandang halimbawa ay ang pag-aaral ng bagong lenggwahe. Kahit gaano pa kalawak ang iyong kaalaman sa wikang ito, kung hindi mo ito gagamitin ay hindi mo pa rin ito mahahasa. At kapag hindi nahasa, madaling makalimutan at mawala ang bagong kaalaman.
Kung bagong skill naman ang iyong natutunan, sikaping gamitin ito sa mga praktikal na sitwasyon o sa anumang larangan na angkop ito. Kung mas maaga itong gagawin ay mas maigi. Sabi nga nila, mahirap nang turuan nang bagong tricks ang matandang aso. Huwag nang hintayin na mahirapan ka bago mo pa gagamitin ang bago mong natutunan.
Pagiging maparaan tungkol sa mga learning materials
Dahil sa Internet lamang ginaganap ang online classes, mainam na gumamit parin ng karagdagang educational materials, lumahok sa mga grupo na kaugnay sa gusto mong matutunan, o i-customize ang materials na mayroon ka na upang mas maging akma sa iyong personal na mga layunin, antas, o bilis ng pagkatuto.
Maging malikhain at maparaan sa paghahanap ng oportunidad para mas maging makabuluhan ang iyong learning experience.
Sipag pag-aaral
Ito ang pinakahuli ngunit isa sa mga pinakamahalagang katangian upang magkaroon ng makabuluhang karanasan sa pag-aaral. Walang puwang ang katamaran sa isang epektibong learning experience.
Ang lahat ng mga naunang katangian ay mas magiging mabunga kung mayroong sipag sa pag-aaral, dahil ito ang makakapagpanatili at makakapagpatuloy sa pag-aaral lalo na kapag naging mahirap na ito.
Para maging epektibo ang online learning, kailangang isapuso ang mga katangiang ito. Hindi sapat na isaalang-alang sa online platform lamang ang paglago ng kaalaman, at dapat mayroong aktibong partisipasyon.