Mga Katangian ng Mga Matagumpay na Guro
Ang mga magagaling at matagumpay na guro ay hindi nakakatungtong sa posisyon nila dahil lamang sa talagang magaling na sila sa simula pa lamang. Ang pagtuturo ay isang bokasyon kung saan nagiging mas magaling ang isang tao kapag patuloy itong pinagbubuti, gaya ng lahat ng bagay.
Kaya kung ikaw ay mayroong pagnanais na mag teach online ngunit hindi ka sigurado sa iyong sarili, huwag mag-alala, dahil maaari mong linangin ang mga katangian ng isang magaling na guro kahit na magsisimula ka pa lang. Maging ang mga guro na matagal nang nagtuturo ay maaari pa ring matuto sa mga ito at sukatin kung sila ba ay talagang nagiging epektibo sa kanilang bokasyon.
Ano nga ba ang mga katangian ng isang magaling na guro? Subukan mong tingnan kung mayroon sa mga ito ang maaaring nakikita sa iyo.
Madaling maka-adjust sa pangangailangan ng panahon
Ang isang matagumpay na guro ay may kakayahan na mag-adjust sa pag-ikot ng mundo–sa mga pagbabago na nangyayari sa paligid, sa mga panibagong karanasan at kaalaman, at maging sa mga pagbabago sa kultura at pag-iisip. Nasubukan at nakita natin ito sa ating mga guro simula nang maranasan natin ang pandemya. Nakita natin na hindi sapat na maging magaling lamang ang mga guro sa pagtuturo klasrum sa kanilang mga pinapasukang eskwelahan, kundi pati na sa pag-adjust nang mabilisan sa mga kakaibang dagok at hadlang.
Nang magsimula ang COVID, nawala ang pagkakataon upang magtipon-tipon sa mga klasrum. Kinailangang maghanap ng paraan upang makapagbigay pa rin ng de kalidad na edukasyon kahit malayo tayo sa isa’t isa. At dito nasubukan ang pagkamalikhain ng ating magagaling na mga guro sa paggawa ng mga lecture videos at bagong online teaching techniques, pagtuklas ng mga learning platforms, at pagsagawa ng mga learning sessions sa vrtual na mga klasrum.
Kinailangang mangyari ang mga ito nang mabilisan, upang hindi maputol ang edukasyon ng mga mag-aaral. At maraming mga guro ang nasubukan dito.
May tunay na pagmamahal para sa mga mag-aaral
Hindi lang flexible ang isang matagumpay na guro, kundi may tunay at malalim din na pagmamahal sa kanyang mga mag-aaral. Kapag ang guro ay tunay na minamahal ang kanyang mga estudyante, hindi magiging transaksyonal lamang ang mga komunikasyon at mga gawain, kundi mga paraan at gawain para sa ikabubuti ng bawat mag-aaral. Hindi lahat ng mga guro ay talagang may pakialam sa kanilang estudyante, at lalong makikita ito kapag nagdesisyon silang magturo online. Dahil dito, nagiging mas malaki ang hadlang sa gitna ng guro at estudyante, at kung naisin ng guro na hindi magbigay ng atensyon ay mas madali na itong gawin.
Ang mga guro na may tunay na pagmamahal sa kanilang estudyante ay may pakialam din hindi lamang sa performance ng kanilang mga estudyante sa klase, kundi pati na sa kanilang kalusugan at pag-iisip.
Hindi tumitigil sa pag-aaral at paglikom ng kaalaman
Mas marami kang maibibigay kung marami ang mayroon ka. Ganoon din sa online teaching. Ang mga matagumpay na guro ay hindi nakokontento sa kung ano ang estado ng kanilang kaalaman ngayon at patuloy na tumutuklas ng mga panibagong kaalaman. Kapag mayroong pagkakataon upang patuloy na mag-aral ay ginagawa din nila ito, para sa kanilang sariling paglago at para sa kapakanan ng mga taong kanilang tinuturuan.
Ang pagtuturo ay patuloy na nagbabago, at maraming mga bagay ang natututunan sa paglipas ng panahon, kaya kung nais mong maging isang magaling na guro, dapat na ikaw din mismo ay patuloy na nagpapalago ng kaalaman.
May kuryusidad tungkol sa mga makabuluhang bagay
Sabi nga nila, sa kuryusidad nagsisimula ang kaalaman. Ang magaling na guro ay gumagawa ng paraan upang matuto hindi lamang upang makalikom ng kaalaman at impormasyon, kundi dahil mayroon siyang tunay na kagustuhang makatuklas ng mga bagay na bago sa kanya o na hindi pa niya lubusang maintindihan. At hindi lamang basta-bastang kuryusidad ang tinutukoy dito, kundi kuryusidad para sa mga bagay na mahalaga at may kabuluhan.
Bukas sa pamumuna
Ang magaling na guro ay bukas din sa pagpuna at nakikinig sa feedback dahil may pagnanais siyang pagbutihin ang kanyang pagtuturo. Kailangan may kakayahan na tumanggap maging ng mga masasakit na kritisismo, lalo na kung galing sa mga taong hinahangaan sa larangan, upang baguhin ang mga kailangang baguhin.
Lahat ng guro ay maaaring maging mahusay matagumpay. Kailangan lamang na patatagin ang mga katangiang ito sa bawat isa.