Mga Maling Paniniwala tungkol sa Online Learning
Ang pagsibol ng online learning ay isa sa mga natatanging kontribusyon ng teknolohiya sa ating sibilisasyon. Ngunit gaya ng karaniwang bagay, ang online learning ay hindi ligtas sa maling paniniwala, lalo na ng mga taong hindi pamilyar sa benepisyong kaya nitong ibigay.
Sa sulating ito ay ating bigyang pansin ang mga maling haka-haka tungkol sa online learning. Ang kaalamang ibabahagi ng blog na ito ay makakatulong sa pagtuklas ng mga bagay na kayang ibigay ng online learning. Ano nga ba ang mga maling paniniwala ng lahat tungkol sa online learning? Narito ang ilan sa mga ito:
Ang online learning ay purong self-pace lamang.
Ayon sa ilan, hindi raw mainam na gamitin ang online learning lalo na sa mga estudyante na hindi kayang makipagsabayan sa kanyang mga kaklase. Ito ay isang pawang haka haka lamang dahil hindi kailanman magiging purong self-pace ang online learning.
Hindi ibig sabihin na dahil wala ang guro sa iyong tabi ay hindi ka na mabibigyan ng pagkakataong maturuan sa diskusyon. Dahil kahit pa distance learning ay mayroon pa ring malaking partisipasyon ang guro sa klase.
Ang iyong guro ang siyang moderator habang isinasagawa ang online class. Maihahalintulad pa rin ito sa physical classroom, ang pagkakaiba lamang ay isinasagawa ang lecture gamit ang mga birtwal na paraan.
Wala diumanong interaksyon ang isang estudyante sa kanyang kaklase kapag online learning ang gamit.
Hindi tooong walang interaksyon ang mag-aaral kapag online learning ang plataporma na gamit ng guro. Kung susuriin ay mas epektibo ang interaksyon sa klase dahil kahit anong oras at pagkakataon ay maaari silang makipag usap sa isa’t isa.
Halimbawa na lamang ay kung mayroon silang diskusyon para sa kanilang asignatura. Kahit anong pagkakataon ay maaari na lamang nilang gawin ang kanilang obligasyon, na hindi kinakailangang pumunta sa partikular na lugar.
Sa aspeto naman ng pagtuturo, hindi pa din mawawala ang interaksyon sa pagitan ng guro at mag-aaral gamit ang online tools. Halimbawa na lamang ay magtatanong ang guro sa leksyon, maari siyang magtawag ng kahit na sino sa mga mag-aaral upang sumagot sa mga tanong.
Madali na diumano ang mandaya sa online learning
Lingid sa kaalaman ng lahat na mayaman ang teknolohiya sa mga tools na magbeberika sa awtput ng mga mag-aaral. Nariyan halimbawa ang grammarly kung saan makikita nito kung ang isinulat na artikulo ng mag aaral ay hango sa website o hindi. Kaya nitong alamin kung ang ibinigay na materyal ay kinopya lamang o hindi.
Kung ang gamit naman ng guro ay google forms, maari niyang palitan ang opsyon sa setting kung saan hindi maaring magbukas ng bagong tab ang mag-aaral habang isinasagawa ang quiz. Maari ring magbigay ang guro ng nakatakdang oras para sa pagsusulit. Pagkatapos nito ay maaari nang isara ng guro ang access ng mga mag-aaral sa naturang aktibidad.
Boring at hindi raw interaktibo ang online learning
Isa ito sa pinaka maling haka haka ng tao tungkol sa online learning. Ito ay dahil salungat ito sa kung ano ang kayang ibigay ng online learning sa pagpapaunlad ng kaalaman ng bawat mag-aaral. Mayaman ang mundo ng online sa pagpapanatili ng “retention” ng mga mag-aaral.
Ilan sa mga tools na maaring gamitin ng guro ay google classroom, zoom, teachmint at iba pa. Ang mga online platforms na ito ay may mga features na mainam na pamalit sa mga pisikal na aktibidad na ginagawa sa face to face learning. Maaring gumamit din ang guro ng mga youtube videos na may kaugnayan sa leksyon. Isa itong mabisang paraan upang makuha ang atensyon ng mga mag-aaral, lalo na at sila ay nasa henerasyon na may malawak na karanasan sa paggamit ng teknolohiya.
Kailangan daw na ang lahat ng estudyante ay magaling sa paggamit ng teknolohiya.
Pamilyar man o hindi, ang lahat ng mag-aaral ay may kakayahang yakapin ang teknolohiya bilang gamit sa kanilang pagkatuto. Isa sa mga tanong ay paano naman ang mga mag-aaral na hindi gaano kalawak ang karanasan sa paggamit ng mga online tools? Isa lang ang sagot dito, nariyan ang mga guro upang gumabay sa kanilang mga mag-aaral.
Ayon din sa isang pag-aaral, mas malaki ang porsyento na yakapin ng mga mag-aaral na may limitadong karanasan sa paggamit ng teknolohiya ang benepisyong kanilang makukuha sa dahan dahan nilang pagkatuto sa paggamit nito. Patunay lamang ito na hindi tayo takot sa mga bagong bagay na nasa ating paligid. Hanggat-’t tayo ay determinadong matuto, walang imposible.