Kung nais mong matutunan ng iyong mga estudyante na mahalin ang pag-aaral ng panitikan, narito ang apat sa bagay na dapat mong isaalang-alang.
Bigyang Pansin ang Mga Bokabularyo na Ginamit sa Teksto
Ang lalim ng mga kahulugan at salita ay ilan sa mga dahilan kung bakit naiilang ang mga mga estudyante na aralin ang mensahe ng isang seleksyon. Ang iba nama’y tila nauumay sa paghinuha ng kahulugan ng salita, lalo na kung ito ay isinulat sa wikang banyaga.
Bilang solusyon, ang guro ay may obligasyong humanap ng gawaing magbubukas sa kahulugan ng mga mahihirap at malalim na mga salita. Pwede siyang gumawa ng vocabulary games kung saan hahanapin ng mag-aaral ang mga salitang hindi nila mauunawaan.
Gamit ang konsepto ng context clues, iisa-isahin ng mga mag-aaral ang mga bakas na maaaring magbigay ng kahulugan ng mga napiling salita, kahit hindi na gumamit ng diksyunaryo. Ngunit bago matutunan ang kasanayang ito, kailangang ituro muna ng guro ang mga teknik sa paggamit ng context clues.
Isa pang pwedeng gawin ng guro ay ang paggamit ng jumbled letters. Sa pamamagitan ng mga flashcards, bubuuin ng mga estudyante ang mga ginulong letra upang maibigay ang hinahanap na salita. Upang hindi gaanong mahirapan ay kailangang magbigay ang guro ng clue kung ano ang ibig sabihin ng salitang hinahanap.
Gumamit ng teknik gaya ng chain reading, reader’s theatre at iba pa.
Magiging boring ang pagbabasa ng panitikan kung dadaanin ito sa tradisyunal na paraan. Tradisyunal dahil babasahin ng isang kinatawan ang seleksyon na siya namang papakinggan ng buong klase. Paano na lamang kung ito ay gagawin sa oras na nakakaantok?
Upang maiwasan ito, kailangan ang lahat ay may parte sa pagbabasa. Gamit ang chain reading, bawat estudyante sa loob ng klase ay may tig-iisang pangungusap na siya nilang babasahin. Mas magiging aktibo ang lahat dahil hihintayin nilang sila’y matawag para basahin ang teksto na nakatalaga sa kanila.
Isa pang paraan ay ang reader’s theatre kung saan hindi lamang babasahin ng mga mag-aaral ang panitikan, kanila pa itong isasadula sa klase. Mas magiging kapanapanabik ito dahil bibigyan nila ng buhay ang mga karakter sa kwento.
Maging mapili sa pagbibigay ng mga katanungan
Pagkatapos basahin ang kwento, susunod ay ang pagtatanong. Maaaring ang tanong ay manggaling sa libro o sa guro mismo. Kailangang suriin ng guro ang antas ng mga tanong, dahil baka hindi ito akma sa lebel ng pang-unawa ng mga mag-aaral.
Siguraduhin na ang mga tanong ay nakalapat sa prinsipyo ng higher order thinking skills. Ito ay ang pagkakasunod sunod ng mga tanong na may sinusunod na degree. Mula sa pinakamadali hanggang sa pinakamahirap.
Hindi nabibigyang ideya ang guro sa saklaw ng pang-unawa ng mga mag-aaral kung hindi niya pipiliing mabuti ang mga tanong na kanyang ibabato sa klase. Para mas interaktib ang diskusyon ay maaari siyang gumamit ng mga tanong na nakakapukaw sa atensyon ng lahat. Maari ring gumamit ng mga tanong na bubuhay sa lohikal at kritikal na kaisipan ng mga estudyante.
Laging ikonekta sa totoong buhay ang mga pangyayari sa kwento
Upang mas maunawaan ng bata ang paksang kanyang inaaral, mainam na gumamit ang guro ng mga halimbawa sa pang-araw araw na buhay tulad ng mga hindi nila makakalimutang mga pangyayari o mga kasalukuyang nangyayari sa estado.
Ang panitikan ay larawan ng reyalidad kaya hindi malayong ito ay maihahalintulad sa mga nangyayari sa ating paligid. Magagamit ito ng guro bilang bentahe at upang mabigyan ng mas malinaw na paglalarawan ang mga estudyante tungkol sa mga senaryo na nakapaloob sa seleksyon.
Hindi magiging boring ang pag-aaral ng panitikan kung ito ay lalapatan ng mga makabuluhang gawain sa klase. At ito ay nakasalalay sa kakayahan ng guro kasama na rin ang motibasyon ng estudyante.