Sa kagustuhan natin na matuto ang ating mga estudyante nang maraming bagay, minsan mayroong tendency na magbigay tayo ng napakaraming impormasyon na hindi na nila kayang iproseso. Kapag nangyari ito, hindi magiging epektibo ang iyong pagtuturo. Ngunit dahil marami sa mga guro ngayon ay kailangang magturo online, mas malaki ang challenge sa panatilihin na sakto lamang ang dami at bigat ng kaalaman na ibinabahagi sa bawat mag-aaral
Paano nga ba maiiwasan ang information overload sa online teaching? Sa artikulo na ito iyong matutuklasan kung paano mo mapapanatili na madaling ma-absorb ang iyong bawat lesson. Sundin ang mga tips na ito.
Gawin ang lesson plan ayon sa learning pace ng mag-aaral
Hindi lahat ng mag-aaral ay pareho ng learning curve. May iba na mabilis ang pag-proseso ng bagong kaalaman, at may iba naman na kailangan ng mas mahabang panahon. Hindi ito ibig sabihin na mahina na ang mga mag-aaral na kailangan ng malaking oras upang ma-absorb ang lesson. Ibig lamang nitong sabihin na iba ang area ng kanilang strengths, at kailangan nila ng dagdag na support sa paksa na iyong itinuturo.
Upang masiguro na angkop ang pace ng iyong pagtuturo at ang dami ang hirap ng iyong mga leksyon, obserbahan ang performance ng iyong mga estudyante. Kung mababa ang performance ng karamihan sa kanila, hudyak ito na kailangan mong baguhin ang iyong pace upang mabigyan sila ng angkop na pagkakataon na maintindihan ito.
Kahit pa gaano ka ka-handa sa iyong lesson plan, kung hindi naman ito angkop, hindi pa rin ito magiging epektibo.
Sundin ang logical na pagkasunod-sunod ng mga paksa
Kung nais mong maging epektibo na mag teach online, kailangan mo ding pag planuhan ang iyong lesson plan upang magkaroon ito ng logical na pagkaka-sunod sunod. Sikapin na ang bawat paksa ay may koneksyon sa nauna dito at sa susunod dito, upang mas madali itong matandaan at maintindihan.
Isang halimbawa ng paggawa nito ay ang hindi pagsali ng mga tanong o impormasyon na wala pang pundasyon sa mga nakaraang leksyon o na hindi pa mabibigyang pansin sa kasalukuyang leksyon. Kung may mga klaripikasyon ukol sa mga bagay na hindi pa maaaring talakayin ay magbigay-abiso sa mga mag-aaral na tatalakayin ang mga bagay na ito sa susunod na panahon. Ngunit gawin lamang ito kung sa palagay mo na ang pagtatalakay ng mga bagay na ito sa ngayon ay makakabawa lamang sa linaw ng kasalukuyang lesson.
Huwag paghaluin ang mga advanced na paksa sa mga madali
Kaugnay ng pangalawang punto, tiyakin na ang lebel ng mga bagay na iyong tinatalakay ay pare-pareho at walang naiiba.
Ibig sabihin dito ay huwag talakayin nang sabay ang mga bagay na advanced at ang mga bagay na madali lamang. Mas magiging madali ang pag transition ng mga mag-aaral sa mga mas advanced na paksa kapag matatag na ang kanilang kaalaman sa mga basic na impormasyon, at may sapat na silang pag-intindi dito.
Maaaring maging challenge ang pagtiyak na simple at malinaw ang bawat leksyon, ngunit walang ibang paraan upang maging epektibo ang mga ito, maliban na lamang kung ang iyong mga estudyante ay advanced na din ang kaalaman. Sa ganitong kaso ay kailangan din I-adjust ang mga paksa upang hindi maging nakakabagot para sa kanila.
Ibigay ang mga leksyon sa mga maliliit na parte
Sa pagbigay ng kaalaman, mas mainam na ibigay ito sa maliliit na bahagi, upang masiguro na maaari itong maproseso at maintindihan nang maayos at walang hirap. May mga paksa na lubos na kailangan ng pag-iingat dahil sa bigat ng impormasyon na nauugnay dito, kaya tiyakin na sa mga ganitong kaso ay sapat lamang ang iyong ibabahagi.
Kapag naman sobrang kaunti ng iyong ibabahagi ay hindi din mainam, kaya tantyahin ang oras na maaaring ilaan, at kung sapat ito sa haba ng iyong paksa.
Paunti-unting magbigay ng quiz
Upang masukat ang kaalaman ng iyong mga estudyante, ay paunti-unting magbigay ng mgs eksaminasyon. Mas mainam ang palagihang pagbibigay ng mga ganitong exercise upang ma-apply ng iyong mga estudyante ang kanilang mga nalalaman, at mabigyan sila ng pagkakataon na sukatin ang kanilang sariling progress.
Sa pagsunod sa mga tips na ito, masisiguro mo na sapat ang dami at lebel ng iyong bawat lesson.