Marso noong taong 2020, nasa loob ka ng silid aralan. Naalarma ka sa balitang papasok na diumano ang COVID sa ating teritoryo. Dali dali kang umuwi sa inyo at kinabukasan, nabalitaan mong suspendido ang mga klase sa buong bansa. Hanggang sa humaba ang iyong bakasyon at tuluyan na ngang nagsara ang silid aralan. Ang huling araw mo sa klase ay ang unang araw ng pag-usbong ng online learning bilang alternatibo sa traditional teaching.
Isang dahilan kung bakit nagkaroon ng agarang transisyon ang edukasyon sa bansa ay ang takot ng mga awtoridad na magkaroon ng hawaan sa loob ng klase. Kung kaya’t ang ating mga tahanan ay nagsilbing ating silid aralan sa mahabang panahon.
Naging madali sa atin ang takbo ng online learning dahil hindi na rin ito bago sa atin. Ilan sa mga mag-aaral sa bansa ay nakaranas na ng ganitong pamamaraan kung kaya’t hindi nahirapan ang ilan sa atin na yakapin ang bagong sistema. Pero syempre, hindi din natin maikakailang sanay tayo sa traditional teaching. Ito ang naging kasangkapan natin na matuto sa loob ng maraming taon. Kaya’t sa sulating ito, ating pag-uusapan kung ano nga ba ang pagkakaiba ng dalawang nabanggit na pamamaraan sa pagtuturo.
Traditional Teaching
Ito ay mas kilala sa tawag na pisikal na interaksyon ng pagtuturo. Sa pamamaraang ito, nakikita at naririnig ng mag-aaral ang aktwal na elaborasyon ng guro sa konsepto ng itinuturo. Idagdag pa natin ang pisikal na interaksyon ng mga mag-aaral na siyang nakapagbibigay ng saya at motibasyon sa kanilang pagkatuto.
Madalas ginagamit ng mga guro ang realia o mga bagay na hawig sa tunay na buhay. Kunwari na lamang ang paggamit ng mga tunay na halaman bilang mga kagamitan sa eksperimento lalo na sa asignaturang siyensya. Sa traditional teaching din nauso ang collaborative learning o yaong pagpapangkat sa mga mag-aaral upang marating ang isang learning competency. Marahil ay isa ito sa mga nais mong maranasan sa oras na magbukas muli ang mga silid aralan.
Lecture method ang isa sa pinakapopular na mukha ng traditional teaching. Sa pamamaraang ito, madalas ay isang-daan lamang ang leksyon dahil ang elaborasyon ay halos ginagawa ng guro sa loob ng isang oras. Ilan naman sa mga guro ay gumagamit ng experiential learning o yaong pagbibigay ng mga gawain kung saan ang mga mag-aaral ay nabibigyan ng pangunang karanasan tungkol sa konteksto at sitwasyon ng kanilang pinag aaralan.
Online Learning
Ang online learning ang pinakamabisang alternatibo na ating ginagamit upang ipagpatuloy pa rin ang edukasyon sa kabila ng banta ng COVID 19 virus. Dahil na rin sa husay natin sa paggamit ng teknolohiya, hindi naging mahirap sa atin na gamitin ang ganitong paraan ng pagkatuto at pagtuturo.
Isa din sa mga mabubuting dulot ng online class ay kahit sinong mag-aaral ay may kakayahang matuto kahit saan at kahit kailan. Maari kang makinig ng leksyon sa iyong kwarto, sa may park o kahit saang lugar kung saan accessible ang internet. Na ihahatid ang adhikain ng learning competency kahit saan at kahit kailan.
Isa din sa mga mabuting dulot ng online class ay ang lawak ng access ng mga mag-aaral sa mga impormasyon. Sa isang click lamang ay makakakuha na sila ng mga detalye na maisasagot nila sa diskusyon. At dahil nga tinatawag na millineal ang ating mga mag-aaral, mainam ang paggamit ng online learning sa pagpapaunlad ng kanilang karunungan.
Online learning man yan o traditional teaching, ang pinakaimportanteng bagay na dapat matamasa ng bawat isa ay ang karunungan mula sa kanilang pagkatuto. Samahan din dapat ito ng interes na matuto pa lalo, dahil hindi magiging epektibo ang isang materyal sa pagtuturo kung hindi ito sasamahan ng sipag at tiyaga.