Paano Binago ng Teknolohiya ang Imahe ng Edukasyon?

Kung ating bibigyang pansin ang takbo ng sektor ng edukasyon sa larangan ng kaunlaran, malayo na ang narating nito kumpara sa dati nitong imahe. Sa modernong panahon, ang mga guro ay may kakayahan nang gawing mas interaktibo ang klase. Marami na’ng mga naglipanang mga kagamitan online na siyang nagagamit ng mga guro sa kanilang pagtuturo. Ilan sa mga ito ay ang mga tinatawag na “interactive activities” na matatagpuan sa iba’t ibang website.

Ang pagpasok ng teknolohiya sa larangan ng pagtuturo ay nagbigay daan upang matuto ang mga mag-aaral, kahit pa sila ay wala sa loob ng silid-aralan. Nagkaroon ng kaunting paglaya ang mga guro sa tinatawag na “traditional assessment” o yaong paggamit ng papel at lapis sa pagsagot ng tanong sa exam. Gamit ang computer, ang mga mag-aaral ay kaya nang sagutan ang kanilang mga “quiz” mula sa inihandang interactive activities ng kanilang guro.

Ano ang iba’t ibang halimbawa ng “online platforms” na maaring gamitin ng mga guro?

Sa lawak ng dimensyon na meron ang mundo ng online, maraming pwedeng pagkunan ang mga guro ng mga kagamitan para maisagawa ang kanilang interactive activities. Pinakapopular sa lahat ay ang gamit ng google classroom, lalo na ngayon hindi pa nagbubukas ang mga paaralan dulot na rin ng COVID 19.

Isa ang google classroom sa mga online platforms na ginagamit ng mga guro sa pagbibigay ng instruksyon sa kanilang mga mag-aaral. Gamit ang platform na ito, maaari nang mai-upload ng guro ang quiz ng kanyang estudyante at maari din naman silang maglagay ng mga interactive activities na siyang gagawin ng mag-aaral sa oras na itinakda ng guro.

Halimbawa din ng online platform na pwedeng gamitin sa mga interactive activities ay ang Zoom. Isa ito sa mga tanyag na online tools na ginagamit sa new normal. Pwede itong gamitin sa online lectures ng mga guro o mga inihandang interactive activities. Marami rin itong kayang gawin tulad na lamang ng realtime lecture ng guro sa kanyang mga estudyante.

Kung usapang quiz naman, isa ang Kahoot sa mga pinakapopular na platform. Ito ay isang kagamitan online na nakasentro sa paggamit ng interactive activities. Gamit ang Kahoot, ang mga mag-aaral ay may kakayahang sagutan ang mga tanong sa quizzes sa realtime na paraan. Nakakaengganyo din ang plataporma na ito dahil sa musika na kasama habang sumasagot ang mga estudyante. Kailangan din ng bilis sa pagsagot kung Kahoot ang gagamitin na materyal.

Bukod sa mga naunang nabanggit, popular din ang gamit ng google forms sa paggawa ng mga quizzes at iba pang interactive activities. Gamit ang online tool na ito, maari nang magsagawa ng quiz ang guro na hindi gumagamit ng traditional assessment o yaong paggamit ng papel sa pagsulat ng mga aktibidades. Nakakatipid pa ito ng oras sa guro dahil hindi niya na kailangang isa-isahin pa ang mga sagot ng kanyang estudyante. Automatiko nang tinitingnan ng form na ito ang mali at tamang sagot ng mga mag-aaral. Hindi katulad ng traditional assessment na kailangang mano-mano ang pagkilatis sa mali at tamang sagot ng mga estudyante.

Ilan din sa mga kilalang online platforms ay quizzis, quipper school, socrative at kung anu ano pa na masasabi nating malaking tulong para mas madali ang takbo ng pagkatuto ng bawat mag-aaral.

Ang lahat ng mga nabanggit ang siyang nagbigay daan upang tuluyang mabago  ang imahe ng edukasyon. Malaking tulong ang teknolohiya sa pagkatuto ng mga mag-aaral lalo na ngayon na hindi pa sigurado kung kailan muling magbubukas ang mga paaralan dahil sa patuloy na banta ng COVID 19. Kailangan lamang nating tingnan kung ano nga ba ang mga kapakipakinabang na online platforms dahil hindi madamot ang teknolohiya sa pagbibigay kaunlaran. Gamitin lamang natin ito sa paraang lahat ay matuto at maging masigasig sa pagtuklas ng mga bagong karunungan.