Paano Gawin ang Epektibong Pag-Transition sa Online Teaching
Sa mga nais mag-transition mula sa pagtuturo sa mga pisikal na klasrum sa online teaching, maaaring alam na ninyo na hindi madali ang pagsabak sa pagbabagong ito. Maaaring nasimulan mo na ito, at nararamdaman mong hindi ito ganoon ka-epektibo gaya ng inakala mo sa umpisa. Natural lang ito, dahil malaking pagbabago naman talaga ang pag-transition sa digital na klasrum mula sa pisikal na klasrum, kung saan kaharap ninyo ang isa’t isa.
Pero hindi dahil malaking pagbabago ito ay imposible na itong magawa nang mabuti. Sa katunayan, dahil ito na ang naging normal sa ngayon, marami na ang umuunlad sa pag teach online, at marami na ding estudyante ang nagkaroon ng panahon na simulang mag-aral ulit.
Para makatulong sa iyong transition, narito ang mga tips kung paano ito magiging madali para sa iyo at epektibo para sa iyong mga estudyante.
Gawing Simple ang Lessons
Marahil hindi lamang ito sa online learning magagamit, kundi sa marami pang bagay sa buhay. Sa halos lahat ng aspeto, mas epektibo at mas madali ang simple. Ganoon din sa pagtuturo online.
Pero paano nga ba gagawing simple ang mga klase online? Maaari itong gawin sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga maikli, klaro, at direktang direksyon tungkol sa paksa, takdang-aralin, o sa mga iba’t ibang activities na gagawin sa lesson o sa labas nito.
Sa pag-deliver ng lesson, maging maingat sa pag-gamit ng mga komplikadong konsepto o salita. Maaaring maging hadlang ang layo ninyo sa isa’t isa, lalo na kapag mas nagiging ramdam ito dahil mahirap maintindihan ang sinasabi ng guro, at hindi madaling maipahayag ang kalituhan o hindi pagkaintindi sa leksyon.
Dahil dito, sikapin na gawing simple ang bawat bahagi ng leksyon, upang masiguro na bawat parte nito ay naususundan.
Gumawa ng Digital Home Room
Kahit pa nagbago na ang konsepto natin sa klasrum, tanda parin natin ang panahon noong mayroon tayong home room, o klasrum kung saan tayo magkakasama ng ating mga kaklase, at may gurong naka-assign sa ating lahat. Dito mayroong struktura na nakakatulong upang magkaroon ng ayos ang klase at mabigyan ng pagkakataon ang lahat na maglahad ng saloobin kung kinakailangan.
Ang konsepto ng home room ay maaari paring gawin online. Depende kung ano ang teaching platform na napili mo, magtakda ng isang virtual na espasyo kung saan mayroong akses ang lahat ng estudyante sa mga learning materials, mga anunsyo, mga exam, at iba pa na kailangan nila para sa kanilang pag-aaral.
Maaari din itong gamitin upang magkaroon ng forum para sa anumang concerns.
I-maximize ang pagkatuto ng mga estudyante gamit ang mga takdang-aralin
Huwag sayangin ang sarili mong oras at ang oras ng iyong estudyante sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga takdang-aralin na hindi naman nakakatulong upang lubos na matuto ang mga mag-aaral o mas maging masaya para sa kanila ang pag-aaral.
Dahil sa mga challenge ng distance learning, mas mainam na gawing mas magaan ang mga takdang aralin at sapat lamang ang dami nito ayon sa kung ano ang makakatulong sa mga estudyante.
Mag-connect sa bawat estudyante
Sa pagnanais na magkaroon ng epektibong online class, huwag kaligtaan na ang iyong mga estudyante ay mga tao na may kanya-kanya ding hinaharap sa mga suliranin sa buhay. Huwag kalimutang kumustahin ang bawat isa, at hindi lamang parating bilang isang grupo o klase.
Mas magiging bukas sila sa pagtuturo kung mayroon silang maayos na emosyonal na koneksyon sa iyo at pinagkakatiwalaan ka nila. Liban pa dito, napakasarap din kasama ang taong may tunay na concern sa iyo, hindi ba? Huwag kalimutan na ganoon din ang nararamdaman ang mga mag-aaral.
Asahan na magiging challenging ang online learning
Oo, mas challenging ang online learning, kaya asahan na ito at paghandaan. At habang ginagawa ito, sikapin na i-enjoy ang pagbabagong ito at tingnan lagi ang mga magagandang bagay na naidudulot din nito.
Malaki man ang kaibahan ng online learning sa pag-aaral sa pisikal na klasrum, hindi kailangang maging hadlang ang pagbabagong ito sa mabisang pagtuturo o pag-aaral.