Paano Isinusulat ang Isang Sanaysay?

Ang sanaysay ay isang uri ng pagsulat kung saan ang mag-aaral ay may pagkakataong maihayag ang kanyang saloobin. Sa pamamagitan ng mga nakasulat na teksto, maihahayag ng isang mag-aaral ang kanyang hinuha sa mga isyu sa ating lipunan.

Hindi basta basta ang pagsulat ng sanaysay. Marami itong mga elemento at istruktura na dapat maipakita sa mismong lamang ng sanaysay. Mainam na matutunan ng mga mag-aaral ang mga istilo at istrukturang ito upang mas maging epektibo ang paghahayag ng kuru-kuro.

Sa sulating ito, ating alamin ang ilan sa mga pamamaraan kung paano sumulat ng isang sanaysay. Kasama rin sa sulating ito ang mga elemento na bumubuo sa istruktura ng isang sanaysay.

Pagsulat ng Panimula (Introduction)

Ang panimula ay may pinakamahalagang ginagampanan sa isang sanaysay. Ito ang nagtatakda kung karapat-dapat nga bang basahin ang iyong sanaysay hanggang sa kahuli-hulihang salita.

Ang panimula ay naglalayong bigyang ideya ang mambabasa sa isyung tatalakayin sa sanaysay. Importanteng  magkaroon ng ideya ang mambabasa sa magiging direksyon ng iyong kuru-kuro, at ito ay magagawa mo sa pamamagitan ng iyong thesis statement.

Ang thesis statement ay ang pagbibigay larawan ng manunulat tungkol sa paninindigan niya sa isang paksa. Maaaring ang manunulat ay sang-ayon o hindi sa isang paksang pinag-uusapan. Kadalasan, ang thesis statement ay nakasulat sa huling parte ng unang talata.

Halimbawa:

Binago ng teknolohiya ang buhay nating mga tao. Hindi na natin gaanong nararamdaman ang bigat ng mga gawain dahil nariyan ang teknolohiya upang umagapay sa ating pang-araw araw na gawain. At sa aking pananaw, isang malaking biyaya ang presensya ng teknolohiya sa ating buhay na mga nilalang.

Ano sa tingin mo ang thesis statement ng panimula sa itaas?

Marahil ay alam mo na ang tamang sagot. At ito ay ang mga letrang nakasulat gamit ang bold na tool. Ipinapakita ng halimbawa ang pagsang-ayon ng manunulat sa presensya ng teknolohiya sa buhay nating mga tao.

Dahil diyan, may ideya na ang mga mambabasa sa magiging direksyon sanaysay

Pagsulat ng katawan ng sanaysay (Body)

Ang katawan ng sanaysay at kadalasang naglalaman ng mga katwiran sa naging pahayag ng manunulat sa kanyang thesis statement. Ito ay naglalaman din ng mga katotohanan gaya ng datos, mga personal na karanasan, pagsasaliksik o anumang mga datos na magbibigay lakas sa katwiran ng manunulat.

Mahalaga ring maging masipag sa paghahanap ng mga datos dahil magiging bentahe ito ng iyong sanaysay. Hindi magiging epektibo ang isang sanaysay kung ito ay naglalaman lamang ng purong mga opinyon. Kailangang maging masigasig ang manunulat sa paghahanap ng mga datos na makakatulong sa pagbibigay ng kanyang katwiran.

Halimbawa:

Walo sa bawat sampung Pilipino ang naniniwala na ang teknolohiya ay nakapagbibigay ng ginhawa sa lahat. Ayon pa sa datos na ito, mas maraming naniniwala na napapadali ng teknolohiya ang lahat ng ating gawain, kung kaya hindi maikakailang umuusbong ang ating sibilisasyon dahil sa patuloy na paglago ng teknolohiya.

Kung susuriin ang ginamit na halimbawa sa itaas, naging mas kapanipaniwala ang binanggit na thesis statement dahil na rin sa paggamit ng datos. Gaya ng naunang nabanggit, ang sanaysay na puro opinyon lamang ay walang puwang sa mata ng mga mababasa.

Pagsulat ng konklusyon

Pagkatapos maitahi ang lahat ng ideya mula panimula hanggang sa katawan ng sanaysay, mahalagang makapagbigay ang manunulat ng isang  naaangkop na konklusyon. Ito ay maaaring gawin sa pamamagitan ng pagbibigay ng suhestiyon sa isyung tinalakay. Maari ring bumalik sa mga naging pahayag sa simula, o maari ring magbigay ng mga dapat gawin ng mga mambabasa upang maresolba ang isang isyu.

Sa pagsulat ng instruksyon, kailangang makapukaw ito ng atensyon ng mambabasa, dahil ika nga sa wikang Ingles, “ First Impression Never Lasts.” Gamitin mo ang kasabihang ito at tiyak maeengganyo kang sumulat ng sanaysay na may epektibong paglalarawan sa mga isyung kinakaharap sa lipunan.