Isang nakakalungkot na bagay ang nakikita natin sa larangan ng edukasyon ngayon: Maraming mga bansa ang nakakaranas ng pababa at pababang literacy rate sa mga kabataan.
Iba-iba man ang dahilan at sanhi nito, maaari man nating sisihin ang Internet at social media, iisa lang pa rin ang tunay na kailangan ng atensyon ng mga guro. At ito ay ang itaas ang literacy rate ng kabataan, at kailangan itong gawin sa pamamagitan ng pagtulong sa bawat mag-aaral.
At kung ikaw ay isang online teacher na nahihirapan dahil hindi mo pa alam kung paano ito gagawin sa iyong online classroom, narito ang mga tips na maaaring gamitin ng mga guro, maging sa pisikal man na paaralan o sa virtual classroom.
Linangin ang Pagmamahal sa Pagbabasa
Isa sa mga pinakamalaking aspeto ng pag-aaral ang pagbabasa. Ngunit nakakalungkot dahil wala na halos mga kabataan ngayon na nawiwili sa paghawak ng libro. Katunayan, kung hindi pa required ni teacher ang pagbabasa, marahil halos walang bata ngayon ang hahawak ng libro.
Napakalaking bagay ng pagbabasa upang maitaas ang antas ng pagkatuto ng mga bata. Dito nahuhubog ang kanilang kakayahan na bumuo ng kanilang mga sariling opinyon at pag-iisip, at dito rin sila natutulungan na hindi maging tamad. Nakakatamad ang kultura sa panahon ngayon kung saan lahat ng bagay ay nakahanda na, isang klik lang ay abot-kamay na.
Mayroon itong mga benepisyo, ngunit para sa mga kabataan na kailangan pang hubugin ang pag-iisip at asal, maaaring maging malaki ang negatibong epekto nito.
Upang linangin ang pagmamahal nila sa pagbabasa, magsagawa ng mga reading exercises kung saan maaari silang maturuan ng critical thinking at analysis, comprehension, at iba pa. Maaaring maging mahirap ito para sa iyo bilang guro at sa kanila sa umpisa, dahil karamihan sa mga mag-aaral ay walang interes dito. Ngunit sa pamamagitan ng paggamit ng mga materyal na angkop sa kanilang mga interes, background, at edad, maaaring mapadali ito.
Magbigay ng Incentives sa Kusang Pagbabasa
Upang maitaas ang literacy rate ng mga kabataan, mahalaga na hindi lamang bibigyan ang mga bata ng required na babasahin, kundi tutulungan silang magkaroon ng pagmamahal sa pagbabasa.
Upang magawa ito, mahalaga na hindi maging sobrang strikto ng reading assignments at ng mga kaugnay na gawain, at matiyak na magiging masaya at kawili-wili ito para sa kanila. Maaari itong gawin sa pamamagitan ng pagbibigay ng incentives sa mga estudyante na kusang nagbabasa ng mga libro at iba pang reading materials na hindi kaugnay sa leksyon o sa klase.
Ang pagbibigay ng positibong reinforcement ay isang mabisang paraan upang mahubog ang mga habit na makakatulong sa kanila at na epektibo para sa mabisang pag-aaral. Ang mga incentives na ito ay maaaring ibigay sa kanila sa pamamagitan ng grado o, kung ano man ang angkop sa kanila.
Kailangan lamang na tiyakin na ang incentives na ito ay magugustuhan nilang makamtan, upang sila ay ma-engganyo.
Taasan ang Antas ng Output na Hihingin
Dahil abot-kamay na ng mga mag-aaral ang impormasyon sa Internet, madali na para sa maraming estudyante ang kumuha na lamang ng kaalaman mula sa Internet at kopyahin ito para gawing output sa klase.
Dahil dito, mas nagiging madali na para sa kabataan na magkaroon ng matataas na antas sa skwelahan kahit hindi naman talaga nila lubusang naintaindihan ang mga paksang kanilang pinag-aaralan.
Upang masolusyonan ito, kailangang taasan ng mga guro ang kanilang standards sa pagbibigay ng grado o pagsukat ng kakayahan, sipag, at galing ng mga estudyante. Imbes na maging routine na lamang ang mga output at interaksyon sa klase, kailangang maging mas mabisang sukatan ang mga ito hindi lang ng kanilang performance, kundi pati na ng comprehension.
Magmula sa mga diskusyon, hanggang sa mga takdang-aralin, hanggang sa mga pagsusulit, kailangang makapukaw ang lahat ng gagawin sa klase sa kanilang malalimang pag-intindi at ng kanilang analysis, at hindi lamang sila magsasabi ng mga bagay na madali lang makuha sa Internet.
Upang maitaas ang antas ng karunungan ng mga kabataan ngayon, kailangang maging malinaw ang direksyon na tatahakin ng mga guro, para man sa online classroom o pisikal na klasrum. At para malinaw na makita kung ang mga hakbang na iyong ginagawa ay epektibo, huwag kalimutang magtalaga ng mga metrics na maaaring masukat at makapagbigay ng eksaktong impormasyon.