Paano Mapapalalakas ang Pakikipag-ugnayan ng Isang Mag-aaral sa kanyang Online Learning Environment?
Bilang isang guro, isa sa mga hamon na maaari mong harapin ay ang pag-garantisa na lahat ng iyong estudyante ay nakakasabay at nakikipag-ugnayan sa iyong online class. Ito ay dulot marahil ng kalayaan ng bawat mag-aaral na gawin ang kanilang nais, dahil iniisip nilang wala namang maninita sa kanilang galaw.
Hindi naman sa nilalahat natin, ngunit hindi rin naman maitatanggi na ganito ang mukha ng reyalidad, lalo na sa mga hindi maiiwasan pagkakataong maaring maganap habang nasa online class ang guro at mga estudyante.
Ano nga ba ang dapat gawin ng isang guro upang maging mas masigla ang kaniyang klase? Dapat bang maging mas istrikto siya sa mga alituntunin? Sa sulating ito, ating tuklasin ang mga natatanging paraan upang mabigyan ng malalim na rason ang mga mag-aaral na makipag-ugnayan sa klase.
Bigyang pansin ang partikular na aspeto ng pakikipag-ugnayan ng mga mag-aaral sa loob ng kanilang online learning environment.
Nabanggit sa mga naunang usapin na isang matinding hamon sa mga guro kung paano nila maitataas ang lebel ng pakikipag-ugnayan ng mga estudyante habang nasa kanilang online learning environment. Isa sa mga maaring tugon dito ay ang huwag balewalain ang mga partikular na aspeto na may koneksyon sa kung paano maeengganyo ang mga mag-aaral na makipag-ugnayan sa klase.
Magagawa lamang ng guro ang bagay na ito kung magkakaroon siya ng masinsinang pag-aaral sa mga salik na makaapekto sa akademikong pagganap ng mag-aaral. Ilan sa mga ito ay ang saloobin ng mga mag-aaral sa online distance learning. Pangalawa ay ang obligasyon ng paaralan at guro sa online learning environment.
Kung ikukumpara sa face-to-face learning na nakabatay sa attendance ng mga estudyante ang kanilang partisipasyon sa klase, sa online learning naman ay nasusukat lamang ito sa pamamagitan ng partisipasyon ng mga mag-aaral sa online discussions at mga awtput na kanilang isusumite pagkatapos ng klase.
Sa puntong ito, ang konsepto ng pakikipag-ugnayan ay dapat mas lalong bigyang diin lalo na sa birtwal na klasrum. Ayon kay Duffey at Kirkley, ang online learning ay isang hakbang tungo sa epektibong edukasyong nakasentro sa mag-aaral. Ito ay epektibong mapagkukunan para sa inquiry-based na pag-aaral, na siyang nakatuon sa mga tagumpay ng mga mag-aaral at sa kanilang mga pagsisikap na matuto ng bagong impormasyon at bumuo ng mga bagong kasanayan (Duffy & Kirkley, 2004).
Bilang resulta, ang kahandaan ng mga mag-aaral na matuto sa online learning na set-up ay kailangang maikonekta ng guro sa kakayahan ng isang mag-aaral na makipag-ugnayan sa loob ng klase. Ito ay para mabigyang daan ang mga natatagong potensyal ng mga estudyante sa larangan ng matematika, Ingles, siyensya, kasaysayan at iba pang mga mahalagang kasanayan na dapat matutunan ng bawat mag-aaral.
Ang pakikipag-ugnayan ng mga mag-aaral online learning ay mabibigyang diin kung gagamitan ito ng guro ng mga teaching-learning approaches na siyang magpapalakas sa posibilidad ng isang masiglang birtwal na diskusyon.
Isa sa mga payo ni Sull, dalubhasa sa pag-aaral sa edukasyon, ay ang pagbibigay ng bawat guro ng mga aktibidades na siya ring magbubukas ng pagkakataon sa mga mag-aaral na maging aktibo sa online na pag-aaral. Ang mga aktibidad na ito ay kailangang nakaangkla sa pagtutok sa pagtugon ng nga estudyante sa mga katanungang bibitawan ng guro, pagtalakay sa mga paksa na nakakapukaw sa isipan, paggamit ng mga epektibong materyal sa online classes, at syempre ang aktib na paggamit ng mga online na mga aparato (Sull, 2013).
Bigyang diin din ang malawak na gamit ng mga online class tools. Kinakailangang maturuan ang mga mag-aaral na tuklasin pa ang mga maaring benepisyo ng online class tools. Ito lamang ay magiging posible kung ang guro ay may advance na kaalaman sa tools na kaniyang ginagamit. Ika nga ng sikat na kasabihan sa wikang Ingles, “ You cannot teach, what you do not know.” Ito ay isang paalala na responsibilidad ng isang guro na maging pamilyar sa mga materyales na kanilang kagamitan sa klase kung nais niyang mapagtagumpayan ang hamon na nakakabit sa kaniyang sinumpaang propesyon.