Paano nga ba Mapapabuti ang Iyong Pagkuha ng mga Tala
Ang pagkuha ng tala lalong lalo na sa loob ng klase ay isang nakakatulong na estratehiya upang mapagtagumpayan ng estudyante ang buhay pang-akademiko. Hindi madali ang pagsasaulo ng mga makabuluhang detalye na naibabahagi sa klase kung kaya’t mahalaga na ang isang mag-aaral ay may kakayahang kumuha ng mga tala sa pinakamabisang paraan.
Ayon sa mga pag-aaral, ang pagkuha ng tala ay may malaking ambag sa pagbibigay ng malakas na retention partikular na sa mga paksang inaral sa loob ng klase. Ngunit, dahil na rin sa maraming mga salik na nakakaabala sa atin ay unti-unting nawawala ang sigla ng bawat isa na isabuhay ang mga epektibong paraan ng pagkuha ng mga tala.
Bilang tugon sa problemang ito, ating iisa-isahin ang ilan sa mga mahahalagang tips upang mas lalo pang mapahusay ng isang mag-aaral ang paraan ng kanyang pagkuha ng tala o tinatawag sa ingles na note-taking.
Gumawa ng malinaw at mga tumpak na mga tala
Maging masigasig sa paggawa ng malinaw at tumpak na mga tala. Dahil na rin sa sobrang tiwala, minsan ay ipanagsasawalang bahala ng ilang mag-aaral ang pagkuha ng mga tala. Iniisip nilang madali lamang alalahanin ang mga detalyeng ito, kaya’t sila ay nakadepende lamang sa kanilang stock knowledge.
Subalit, ito ang isa sa mga maling paniniwala dahil hindi sa lahat ng pagkakataon ay naaalala natin ang mga naituro sa’tin. Idagdag pa natin ang katotohanang masiyadong malawak ang saklaw ng diskusyon sa loob ng klase. Kaya’t sa dami nito ay mahihirapan tayong alalahanin ang mga mahahalagang detalye, lalo na kung wala kang record sa mga ito.
Ang paggawa ng malinaw at tumpak na mga tala ay makakatulong upang mabigyan ang mag-aaral ng imahe ng paksang tinalakay. Gamit ang kaniyang tala, mapaghihiwalay niya ang mga paksang kailangang bigyan ng diin mula sa mga paksang hindi dapat gaanong binibigyan ng kaukulang atensyon.
Paghandaan ang pagpasok sa klase
Ang mga mag-aaral na handa sa loob ng klase ay yaong mga estudyanteng may mas epektibong paraan nang pagkuha ng tala, kumpara sa mga mag-aaral na hindi gumagawa nito. Isa sa mga kahandaan na dapat gawin sa klase ay ang pagbabasa ng mga reading assignments, pagsagot sa mga takdang aralin at iba pa.
Ang mga mag-aaral na may sapat na kahandaan sa klase gamit ang pagbabasa ng kanilang tala ay mas mataas ang porsyentong maintindihan ang susunod na leksyon. Idagdag pa rito ang pagkakataong maitatanong niya ang mga paksang hindi niya maunawaan. Ang pagkuha ng tala ay mainam lalo na kung hindi gaano kalakas ang ating memorya na aralin ang mga gabundok na mga paksa sa klase.
Ikumpara ang iyong mga tala
Upang matiyak mong tama at hindi kulang ang iyong mga itinala, subukan mong ikumpara ang iyong notes sa tala ng iyong mga kaklase. Ito ay dahil may pagkakataong hindi lahat ng nasabi sa diskusyon ay maisusulat mo, may mga oras na maaari mong malampasan o makalimutan ito. Kaya magiging bentahe para sayo ang alamin ang laman ng mga tala na mayroon ang iyong mga kaklase.
Para mas lalong maging epektibo ang iyong pagkuha ng tala, aralin mo ang iyong paraan ng pagtatala. Kung sa tingin mo ay mas komportable ka na huwag tingnan ang orasan habang nagsusulat at may diskusyon, pwedeng hindi ka muna titingin sa orasan para hindi ka maabala sa iyong ginagawa.
Sa pagkuha ng tala, mas magiging epektibo ito kung uunawain mo ang mga bagay na nagbibigay sayo ng ginhawa habang ito’y iyong ginagawa.
Gumamit ng mga abbreviation o kaya’y mga simbolo
Ang diskusyon sa klase ay binubuo ng maraming mga konsepto. Kaya’t hindi malayong mahirapan ang mag-aaral na isulat lahat ng nabanggit sa lecture. Ngunit hindi ito ang magiging kaso kung gagamitan mo ng simbolo o abbreviation ang pagkuha ng tala.
Maari kang gumamit ng mga simbulo gaya ng & (and), w/o (without), eg (for example), ie (that is). Gamit ang mga it ay mapapadali ang iyong proseso sa pagkuha ng mga tala.