Positibong Epekto ng Paggamit ng Differentiated Instruction sa Pagtuturo
Ang klasrum ay binubuo ng mga mag-aaral na may iba’t ibang taglay na kakayahan. May mga magagaling sa musika, ang iba naman ay sa larangan ng pagsasayaw. Nariyan din ang mga mahuhusay sa pagguhit, matematika, pagsasaliksik at iba pa.
Ang iba’t ibang kakayahan mayroon ang mga mag-aaral ay isang salik na dapat bigyang tugon ng guro, lalo na sa desisyong pang-akademiko. Mainam kung ang guro ay may sapat na kaalaman sa kung paano niya bibigyang tugon ang magkakaibang kakayahan mayroon ang kanyang mga estudyante. At sa usaping ito, tinutumbok natin ang teorya tungkol sa magkakaibang talino o multiple intelligence theory.
Si Howard Gardner ang proponent ng naturang teorya. Sinasabi ng teoryang ito na may kanya kanyang paraan ang mag-aaral na matuto, at maaaring ang paraang ito ang siya nilang kalakasan na maaaring gamitin upang maging mas aktibo sila sa klase.
Paano ito mabibigyang tugon ng guro? Simple lamang ang sagot, at ito ay sa pamamagitan ng differentiated instruction.
Ano nga ba differentiated instruction?
Ang differentiated instruction o kilala sa acronym na DI ay isang uri ng estratehiya kung saan nabibigyan tugon ang magkakaibang pangangailangan ng mga estudyante. Sa paraang ito, gagamit ang guro ng mga gawain na naaayon sa hilig o interes ng mag-aaral.
Gaya ng kung ang mag-aaral ay isang musikero, maaaring gumawa ang guro ng gawain na aayon sa kakayahang ito ng mga estudyante.
Mga positibong epekto nito sa academic performance ng mga estudyante
Ayon sa pag-aaral, malaki ang porsyentong mas mas matuto ang mga mag-aaral kung sila’y nabibigyan ng pagkakataong maipakita ang kanilang tunay na potensyal.
Ang differentiated instruction ay isang epektibong paraan upang maipakilala ng estudyante ang kanyang sarili sa klase. Hindi siya magiging dyahe sa pagpresenta ng kaniyang produkto dahil alam niyang galing ito sa kung ano ang kaya niyang gawin.
Kumpara sa gawaing iilan lamang ang may kakayahan, ang differentiated instruction ang magbubukas ng mas malawak na oportunidad sa mga mag-aaral na hasain ang kanilang natural na potensyal. Sa parte naman ng guro, mas nagkaroon siya ng matibay na datos na siya niyang magagamit sa pagpapaunlad ng estratehiya sa pagtuturo.
Isa pang mabuting dulot ng DI sa pagtuturo ay ang kakayahan nitong maging mas inklusibo sa mga mag-aaral. Hindi nakalimita ang galaw ng bawat estudyante dahil sila ay may karapatang maging natural sa gawaing pang-akademiko.
Bukod pa rito, ang pagbibigay ng grado ay nakabase sa indibidwal na mga rubirks na nakaangkla sa performance ng estudyante. Dito, ang guro ay kailangang gumamit ng scoring rubric para sa mga grupong may hilig sa musika. matematika, literatura at marami pang iba.
Sa madaling salita, ang differentiated instruction ay may layong pataasin ang tiwala ng mga mag-aaral sa kanilang mga sarili. Dahil hindi maitatanggi na isang malaking bagay na mabuo ng estudyante ang tiwala sa kanyang sarili.
Kapag ang isang mag-aaral ay may matibay na paniniwala sa kanyang sarili, hindi siya kailanman mag-iisip ng kanyang ikababagsak. Kaya nga’t mainam na maging parte ng diskusyon ang paggamit ng DI dahil na rin sa kakayahan nitong hikayatin ang mga mag-aaral na gamitin ang kanyang kalakasan bilang sangkap sa pagsasakatuparan ng kanilang performance task.
Pakatandaan ng bawat guro na walang dalawang estudyante ang may parehong isip at kakayahan, at ang paggamit ng differentiated instruction ang sagot sa bumabang lebel ng partisipasyon ng mga estudyante. Ang iyong tiyaga bilang guro ay malaking bagay sa pagpapanatili ng masaya at aktibong klase.
Ang mga teoryang pinag-aralan mo noon ay mawawalan ng saysay kung hindi mo ito isasabuhay sa loob ng klasrum. Obligasyon ng bawat guro na alamin ang mga agarang pangangailangan ng mga mag-aaral. At kung ito ay kanyang mapagtatagumpayan, nakasisiguro tayong walang batang maiiwan.