Tips Upang Mahalin ng Mga Estudyante ang Pagbabasa

Sa panahon kung kailan tila wala na sa uso ang pagbabasa, malaki ang responsibilidad ng mga guro upang mahikayat ang mga kabataan na magkaroon ng pagmamahal sa mga libro at sa pagtuklas ng panibagong kaalaman nang hindi lamang nakuha sa pag-klik sa kompyuter.

Malaking bagay, lalo na sa online teaching (dahil ang mga estudyante ay laging nakatutok sa kanilang mga kompyuter), na maturuan ang mga mag-aaral na magsikap upang makamit ang antas ng kaalaman sa paraan na makakapagturo din sa kanila ng sipag at tiyaga.

Bilang isang guro, anu-ano ang maaaring mong magawa upang malinang ang pagmamahal sa pagbabasa sa inyong mga estudyante?

Magbigay ng Maraming Pagpipilian sa Reading Assignments

Kadalasan, hindi likas ang pagmamahal sa mga libro sa mga bata. Lalo na kung nasanay na sila sa paglikom ng impormasyon mula sa Internet, o mas na-expose sa mga online videos. Wala namang masama sa mga online materials, at di hamak namang malaki ang naitutulong nila sa mga online teachers. Pero hindi sapat ang mga ito.

Kung ang iyong mga estudyante ay hindi natural na palabasa, malaki ang tyansa na hindi nila magugustuhan ang mga reading assignments, ngunit mas malala pa ito kung hindi nila gusto ang libro o ang paksa ng reading assignment.

Dahil dito, mas mainam na tuwing magbibigay ng mga babasahin, magbigay ng iba’t ibang pagpipilian, upang magkaroon sila ng oportunidad na basahin ang mga libro na tunay na magugustuhan nila. Mas magiging madali para sa kanila na simulan ang pagbabasa kung sa simula pa lang ay mayroon na silang kahit maliit na interest sa materyal.

Magbigay ng Sapat na Gabay

Upang magkaroon ng direksyon at makapagbigay ng pinakamalaking tulong ang mga babasahin sa klase o maging sa mga reading assignments, magbigay ng sapat na gabay para sa mga estudyante upang matulungan silang magpokus sa materyal at matuto mula dito.

Ang paggabay na ito ay maaaring gawin sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga panggabay na tanong o mga na tanong ukol sa mga partikular na parte ng libro. Maaari ding magbigay ng mga tips ukol sa napiling genre o mga pang-unang impormasyon ukol sa mga mahahalagang parte ng kanilang babasahin.

Kahit pa ikaw ay nagtuturo online, maaari mo itong gawin. At katunayan, makakatulong ito upang magkaroon ng masiglang diskusyon ang iyong klase, lalo na kung ang lahat ng iyong estudyante ay handa at ginagawa ang kanilang parte.

Bigyan ng Pagkakataon ang Lahat sa Diskusyon

Minsan, kahit pa gaano ka-sigla ng diskusyon o ng klase, maaaring may mga estudyante na hindi nakikilahok at hindi napapansin. Nangyayari ito kapag ang guro ay walang pinaghandaang paraan upang matiyak na lahat ng estudyante ay may pagkakataon upang sagutin ang mga tanong o magbigay ng opinyon.

Isa pa sa mga bagay na magagawa ng mga diskusyon sa klase ay masisiguro nito na bawat estudyante ay magbabasa at maghahanda, dahil alam nilang pagdating ng klase, tatawagin sila upang magsalita. Kapag alam nilang mahalaga at bibigyan ng panahon ang kanilang mga sagot, mas gaganahan silang magsikap na basahin ang libro na tinakda para basahin.

Tandaan na sa pagsasagawa ng mga diskusyon, bigyan ng halaga ang sagot ng bawat isa. Kung mayroon mang magbigay ng mga sagot na hindi akma o hindi tama, bigyang halaga pa rin ang kanilang pagkukusang sumagot, at saka ibigay ang tamang sagot.

Gawing Tuloy-Tuloy ang Pagbabasa

Kahit pa gaano ka-galing o ka-positibo ang naging karanasan ng iyong mga mag-aaral sa reading activities, kung hindi ito ipagpapatuloy, hindi magiging sing-laki ng epekto nito sa kanila.

Mahalaga na hindi maging pag-isang beses lang ang mga gawaing ukol sa pagbabasa sa klase. Kahit pa hindi literature o language ang iyong itinuturo, maaari pa ring gawing ang pagbabasa at ang mga reading activities.

Sa katunayan, mas makakatulong ang mga ito upang ang iyong mga mag-aaral ay magkaroon ng kakayahan upang makabuo ng kanilang mga sariling opinyon at makatuklas ng mga bagay sa sarili nilang sikap.

Upang maging consistent ang iyong reading activities, ihanda ang iyong syllabus o schedule nang mayroong puwang lagi para sa mga reading assignments. Sa gayon, hindi masasayang ang naging progress ng iyong mga estudyante sa simula, at ikaw mismo bilang guro ay hindi mahihirapang gawing masigla ang iyong mga lecture at klase.