Naranasan mo na bang mag-aral ng paulit ulit, ngunit kahit ano ang iyong gawin ay tila hindi ka mapalad sa pagkuha ng mataas na grado? Baka kailangan mong tingnan kung ang diskarteng iyong ginagawa ay hindi talaga nakakatulong sa iyong pag-unlad.
Kadalasan, nag-aaral lamang tayo sa tuwing malapit na ang pagsusulit. Halos lahat ng oras natin ay nakalaan sa mga gawaing hindi nakakatulong sa ating tagumpay. Kung kaya sa sulating ito, ating alamin ang ilan sa mga diskarte na maaari mong magamit upang makasabay ka sa mabilis na usad ng inyong klase.
Gamit ang mga diskarteng ito, nakatitiyak kang magiging mas magaan ang pagtanggap mo sa mga nakaatas na gawaing pang-akademiko.
Gawing libangan ang pag-aaral, makakasanayan mo ito sa paglipas ng panahon
Nabanggit sa naunang usapin na madalas nag-aaral lamang tayo tuwing may pagsusulit. Pagkatapos nito’y wala na tayong susunod na hakbangin upang mas matuto pa. Kadalasan ay nawawala agad sa ating isipan ang mga pinag-aaralan dahil hindi ang pagkatuto ang ating intensyon, kundi ang pumasa lamang sa pagsusulit.
Kinakailangan na baguhin ang ganitong sistema, ang pagbabasa ng isa o dalawang oras kada araw ay makatutulong sa pagyakap mo ng kahalagahan ng pag-aaral. Gawin mo itong isang libangan at balang araw ay hindi mo na ito mawawala sa iyong sistema.
Sanayin ang iyong isipan na alalahanin ang mga impormasyon na hindi gumagamit ng nakasanayang materyal
Kadalasan ay ating tinitingnan ang pag-aaral bilang pag-mememorya o pagbabasa lamang ng kung ano ang nasa teksto. At kung dumating man sa oras na wala na sa harap natin ang mga gamit upang matuto, mabilis nating nakakalimutan ang ating mga pinag-aaralan.
Isang mabisang hakbang upang mas maalala natin ang ating pinag-aaralan ay ang pag-alala sa ating pinag-aaralan kahit walang mga pansuportang materyales. Sa paraang ito, sinasanay natin ang ating sarili na maging mas malakas pagdating sa pag-mememorya ng mga mahahalagang paksa sa klase.
Ipaliwanag at ilarawan ang paksa gamit ang mas maraming detalye
Ang paraang ito ay nakasentro sa pagtuturo sa ating sarili kung paano mas matuto ng husto higit pa sa pagmemorya lamang ng mga paksa. Dapat tanungin ng mga mag-aaral ang kanilang sarili ng mga bukas na tanong tungkol sa materyal, sagutin nang detalyado hangga't maaari, pagkatapos ay suriin ang mga materyales upang matiyak na tama ang kanilang pagkaunawa.
Kung ating bibigyan ng mas malawak na pagpapaliwanag ang isang paksa, magiging malaki din ang benepisyo nito sa istilo ng ating pagkatuto. Maaari namang magamit ito ng guro sa pamamagitan ng pagbibigay ng class discussion kung saan limitado lamang ang ibibigay niyang materyal. Iaatang niya sa kanyang mga estudyante ang responsibilidad na maghanap ng mga pinagkakatiwalaan materyal na kanilang ibabahagi naman sa klase.
Sanayin ang paglipat sa isang ideya habang ikaw ay nag-aaral
Isang karawing kaalaman para sa atin na ang pagkatuto ay mabilis na napagtatagumpayan kung ito ay ginagawa nang paulit-ulit. Bagamat isang mahalagang sangkap ang pag-uulit, sinasabi ng ilan sa mga pagsasaliksik na mas magiging makabuluhan ang pagkatuto kung gagamitan natin ito ng bagong kasanayan, bukod sa ating nakagawian.
Halimbawa nito ay kung paulit ulit mong pinag-aaralan kung paano sagutin ang isang math problem na nakatuon sa sukat ng parisukat, maaari ka ring magdagdag o magsaliksik ng mga math problem na may kinalaman sa pagsagot ng haba ng isang parihaba. Sa ganitong pamamaraan ay natututo kang maging “flexible” sakali mang bigyan ka ng guro ng aktibidad na may magkakaibang proseso ng pagsagot.
Maraming mga salik ang maaring makaapekto sa ating pagkatuto. At responsibilidad natin ang itaas ang kalidad ng ating estratehiya upang tayo ay makausad sa anumang hamon na ating kakaharapin. Ika nga ng kasabihan, ang kahandaan ang susi sa kaunlaran.