Ang pagkakaroon ng alituntunin sa klasrum ay isang paraan upang mabigyan ng kontrol ang mga hindi inaasahang ganap sa loob ng silid aralan. Ito ay kadalasang iniimplementa upang mabigyan ng direksyon ang galaw ng bawat isa.
Bilang isang guro, ikaw ay may obligasyong alamin ang ilan sa mga mahahalagang bagay na maaaring makatulong sa pag aanalisa ng mga angkop na batas sa loob ng klasrum.
Narito ang limang P’s na dapat tandaan lalo na sa paggawa ng alituntunin sa loob ng klasrum:
1.Prompt
Isa ang pagiging prompt o maagap sa mga dapat sundin na alituntunin sa klase. Halimbawa nito ay ang pagiging maagap sa pagpasok ng guro at estudyante sa klase, o yaong pagiging maagap sa pagsusumite ng requirements sa klase.
Mahalagang masanay ang isa’t-isa sa pagiging maagap dahil isa itong importanteng kakayahan na magagamit ng mag-aaral sa labas ng klasrum. Kailangang sanayin ang mga mag-aaral na maging alerto sa oras na itinakda. Kung ganito ang magiging pagsasanay ay tiyak hindi mahihirapan ang mga mag-aaral na harapin ang kanilang responsibilidad lalo na kung sila ay nasa mundo ng trabaho sa hinaharap.
2. Prepared
Ang pagiging handa sa paggawa ng alituntunin sa silid-aralan ay mahalagang sangkap upang hindi magkaroon ng di pagkakaunawaan sa klase. Importanteng maipaliwanag ng guro ang importansya ng bawat batas sa klase upang ang mga mag-aaral ay magkaroon ng ideya kung bakit nila kailangan sumunod sa isang batas.
Bukod pa rito, bentahe ng guro ang pagiging handa dahil kung sakali mang may katanungan ang kanyang mga estudyante ay kaya niya itong sagutin ng walang halong pag-aalinlangan. Ang pagiging handa ay nangangahulugang dala dala ng guro ang ilang mga rason at paliwanag kung bakit kailangan sumunod ang mag-aaral sa ibinigay na alituntunin.
3.Productive
Makikita ang tagumpay ng isang alituntunin kung hinihimok nito ang mga mag aaral na maging mas produktibo. Ibig sabihin ay kailangan ng alituntunin na magsasaad ng importansya ng pagiging produktibo. Maaring ito ay nakasulat sa bulletin board o verbal na ihahayag ng guro.
Sa madaling salita, kailangang mabigyang diin ang mga batas na naglalayong gawing produktibo ang mga estudyante dahil isa ito sa magdadala sa kanila tungo sa pagiging isang responsableng mamamayan.
4.Polite
Ang pagiging magalang sa guro at sa pagkakaiba ng bawat isa ang siyang dapat na manaig na bertud sa loob ng silid aralan. Kung kaya’t ang alituntunin tungkol sa aspetong ito ay kailangang mabigyan ng sapat na diin.
Laging paalalahanan ng mga guro na hindi magiging maaliwalas ang silid-aralan na walang paggalang sa isa’t isa. Maari ring gawin ang pagpapaala sa loob ng diskusyon sa klase. O di kaya’y gawin itong pang-araw araw na parte ng diskusyon.
Sa ganitong paraan ay hindi magagawang kalimutan ng mga mag-aaral ang importansya ng pagiging magalang, na siya rin naman nilang magagamit sa hinaharap.
5.Positive
Kahit ano pa mang mga negatibong dumaan sa loob ng klase, mahalagang maging positibo pa rin. Ito ay isang mabisang paraan ng pagsasabi na sa anumang dagok na haharapin, mayroon pa ring mga rason kung bakit kailangan itong pagdaanan.
Ito ang dapat na matutunan ng mga mag-aaral dahil sa dami ng mga bagay na mang impluwensya sa kanyang kalusugan pang mental, hindi dapat nila kalimutang may positibo pa ring dahilan kung bakit ang mga negatibong bagay ay kailangan nating pagdaanan.