Ang paggamit ng portfolio ay isa sa mga mabisang estratehiya kung saan nabibigyan ng pagkakataon ang mag-aaral na alamin ang estado niya sa klase. At kapag sinabing estado, hindi lamang nakatuon sa magiging grado sa isang asignatura, bagkus nakasentro din ito sa progreso habang siya ay nasa proseso ng pagkatuto.
Hindi basta-basta ang paghahanda ng portfolio. Kailangan ito nang masusing kahandaan upang malaman ang mga nababagay na konteksto ng portfolio, ayon na rin sa agarang pangangailangan ng mga estudyante.
Sa pamamagitan ng sulating ito, atin namang pagtuunan ng pansin ang ilan sa mga bentahe ng paggamit ng portfolio sa klase. Bibigyan din natin ng kasagutan ang tanong na “Paano matutulungan ng portfolio ang mga estudyante na magkaroon ng tiwala sa kanilang kakayahan?
Narito ang ilan sa mga kasagutan:
Magkaugnay ang paggawa ng portfolio sa tinatawag na “growth mindset”.
Marahil ikaw ay nagtataka kung bakit natin nasabing ang portfolio ay may kakayahang hulmahin ang kaisipan ng isang mag-aaral. Paano nga ba ito nangyayari gayong ito ay isang kapirasong papel o digital na larawan lamang? Tunay ngang ito ay kapiraso lamang na materyal ngunit kung gagamitin ito bilang isang instrumento kung saan nalalaman ng mga mag-aaral ang progreso ng bawat isa, magkakaroon ng “shared learning”, at mangyayari ito sa pamamagitan na rin ng pagbibigay ng ebalwasyon sa progreso ng bawat isa.
Ito ay bukod pa sa magiging feedback ng guro sa awtput ng kanyang estudyante. Mainam na ang lahat nang nasa klase ay may layang matuto sa pananaw ng isa’t isa, at magagawa ito kung bibigyan ng guro ang kaniyang klase ng laya na makipag diskurso, sa malumanay na paraan.
Ang paggawa ng portfolio ay naglalayong maging mas personal ang karanasan ng mga mag-aaral sa teaching-learning process.
Nabanggit sa mga naunang blog na ang portfolio ay may porsyon kung saan maaaring magbahagi ang mag-aaral nang kanilang mga naging pagmumuni-muni tungkol sa kanilang naging karanasan habang natututo sa isang paksa.O mas kilala ito sa tawag na pagsulat ng repleksyon.
Ang pagsulat ng repleksyon ay isang paraan kung saan naibabahagi ng mag-aaral ang kaniyang naging saloobin habang siya ay natututo. Sa paraang ito, mas nabibigyang tugon niya ang mga personal na bagay na nakakaapekto sa kanyang learning progress.
Bukod dito, nakakatulong din ang pagsulat ng repleksyon para maliwanagan ang mag-aaral sa kanyang mga kalakasan at kahinaan. Sa madaling salita, nagkakaroon ng kamalayan ang mag-aaral sa kanyang sarili, na siya niyang magagamit upang mapagtagumpayan ang mga hamon ng akademiks.
Mas natutugunan ng pansin ang kakayahang nabuo kaysa sa sa akto nang pagsunod lamang sa ibinigay na gawain.
Kadalasan, hindi nabibigyan nang hustisya ang paggawa ng portfolio. Ang iba sa atin ay nakikita lamang ito bilang isang “requirement” na kailangan tapusin sa loob ng ibinigay na palugit. Bibigyang grado na lamang ang akto nang naging pagsunod ng mga estudyante sa kanilang takdang aralin.
Kung isasapuso ang paggamit ng portfolio, hindi magiging katulad ng senaryo sa itaas ang mangyayari. Ang paggawa ng portfolio, kapag sinamahan ng sinseridad,ay may kakayahang padaliin ang pagberika ng mga kakayahang ipinapakita ng mag-aaral. Hindi nito tinitingnan ang mababaw na laman bagkus ito ay nagpapatunay sa lalim ng kakayahan na naipapamalas ng mag-aaral habang siya ay natututo.
Ang portfolio ay may mas malalim na layunin at hindi lamang ito isang piraso ng requirement sa klase.
Isinusulong nito ang pantay-pantay na pagbibigay ng grado
May pagkakataong ang isang bata ay makakakuha ng tatlo mula sa kabuuang limang puntos sa kanyang portfolio. Ngunit, hindi dito nagtatapos ang grado ng mag-aaral, dahil habang siya ay nasa proseso ng paggawa ng portfolio, mas nabibigyan siya nang rason na alamin ang mga maaari pa niyang bigyang pansin, mga kakayahan na dapat niyang trabahuhin.
Dahil dito, ang pagbibigay ng grado ay hindi naimpluwensyahan ng “bias” ng guro dahil nakatuon ito sa pantay na pagtingin sa mga mag-aaral, na ang basehan ay ang mismong repleksyon ng mag-aaral sa kanyang progreso sa loob ng silid-aralan.