Ang kalayaang maipahayag ang saloobin ay isa sa mga biyaya ng dyurnalismo sa kurikulum ng mga mag-aaral. Dito ay nabibigyan sila ng pagkakataong pag-usapan ang mga isyu sa lipunan. At isa ang pagsulat ng balita sa mga paraan upang maturuan silang maging sensitibo sa mga nangyayari sa kanilang komunidad.
Ang pagsulat ng balita ay may kaakibat na proseso. Dito ay kailangang malaman ng mga mag-aaral ang mga natatanging elemento na kailangan taglayin ng isang balita.
Gaano nga ba kahalaga ang mga elementong ito at ano ang dapat gawin ng guro upang maituro ang tamang estratehiya sa pagsulat ng mahusay na balita?
Una, ang balita ay naglalaman ng ilan sa mga mahahalagang rekord ng mga pangyayari kamakailan. Narito ang ilan sa mga bagay na dapat malaman ng mga mag-aaral tungkol sa tamang pagsulat ng balita:
Gamitin ang prinsipyo ng inverted triangle.
Sinasabi ng prinsipyo ng inverted triangle na sa pagsulat ng balita, mahalaga ang ginagampanan ng unang talata. Dito ay kailangang makita ng mga mambabasa ang mga pinakaimportanteng mga elemento gaya ng kung sino ang taong pinag-uusapan, saan naganap ang pangyayari, kailan ito nangyari at sinu-sino ang ilan pa sa mga sangkot.
Ito ay tinatawag na lead sa wikang Ingles. Pagkatapos maisulat ang mga pinakamahalagang bagay ay ilagay naman sa mga sumusunod na mga talata ang mga secondary details. Kinakailangan maging alerto ang mga mag-aaral na malaman ang kaibahan ng importante sa di-gaanong importanteng elemento ng balita.
Narito ang halimbawa ng isang lead sa balita:
Halimbawa:
Dinaluhan ng higit kumulang 40,000 na mga botante ang campaign rally ni Presidentiable Juan Dela Cruz sa Ilagan, Isabela, ngayong araw, Ika-13 ng Marso.
Halos hindi mabilang ang dami nang mga nakilahok dahilan upang magdulot ito ng matinding trapiko.
Pansining mabuti ang halimbawa sa itaas. Sa unang talata ay nabanggit kung ano ang tungkol sa pangyayari, sino ang mga taong sangkot at saan at kailan ito naganap.
Sa madaling salita, nasunod nito ang panuntunan sa pagsulat ng balita. At yun ay ang paglalagay ng mga pinakaimportanteng mga detalye sa unang talata, o tinatawag na lead.
Nakalagay naman sa pangalawang talata ang karagdagan pang mga detalye.
Gawing simple ang lenggwahe, huwag gumamit ng mga salitang matalinghaga
Karamihan sa mga nagbabasa ng balita ay mga taong may mga kanya-kanyang ginagawa. Dahil sa sobrang pokus nila sa trabaho, nakakaligtaan nilang basahin nang patuloy ang balita hanggang sa huling talata nito.
Ito ang dahilan kung bakit kailangan isulat ang pinakamahalagang mga detalye sa unang parte pa lang ng balita. Pangalawa, mahalagang gumagamit rin ng mga salitang simple at hindi mahirap unawain.
Ito ang lenggwahe ng dyurnalismo. Hindi dapat ito ginagawang komplikado dahil iba ito sa istilo ng pagsulat ng panitikan kung saan ang kadalasang paksa ay mga hindi makatotohanang mga pangyayari.
Iwasang malagyan ng bahid ng personal na paghuhukom ang iyong balita
Ang balita ay isinulat upang mabigyan ng tamang impormasyon ang mga tao sa mga nangyayari sa kanilang paligid. Hindi ito isinusulat para kontrolin ang isipan ng mga tao. Kinakailangang hindi ito naglalaman ng mga kontekstong maaring makasira sa reputasyon ng isang tao o nang kahit na sinong sikat na personalidad.
Huwag ring gumamit ng mga pangngalan na tulad ng “ako at kami” dahil bilang manunulat ng balita, tungkulin mong ihiwalay ang iyong sarili sa paksang iyong sinusulat.
Kung gusto mo itong gawin ay maaari kang sumulat ng isang lathalain, ngunit gaya ng unang binanggit ay kailangang masiguro mo bilang isang manunulat na wala kang masisirang pangalan ng tao, bagay o pangyayari.
Ang mga balitang iyong isusulat ay kailangang makatotohanan at hindi gawa gawa lamang.