Nang dumating ang COVID-19 pandemic at napilitan ang buong mundo na mag-shift sa online na meetings at activities, nagkaroon din ng panibagong phenomenon na tila ngayon lang natin nararanasan. Ang mas nakakagulat pa dito ay hindi lang ito nangyayari sa iilang parte ng mundo, kundi nararanasan halos ng buong mundo–tila lahat ng mga bansa na mayroong Internet connection. Kung iisipin, hindi nga ba tayong lahat na iyon?
Ang kakaiabang phenomenon na ito ay ang tinatawag na video call fatigue–ang kakaibang kapaguran na sanhi ng palagihan at walang humpay na pag gamit ng mga video calling apps at pag-attend ng mga online na meeting. At dahil halos lahat, kung hindi lagat, ng mga klase ngayon ay ginagawa online, hindi lang ang mga propesyonal sa corporate world ang nakakaranas nito, kundi pati na ang mga mag-aaral at mga guro.
Sa sunod-sunod na online classes, normal lamang na makaranas ng virtual meeting fatigue. Sa araw-araw na online teaching, paano nga ba ito maiibsan o maiiwasan?
Limitahan ang oras sa harap ng kompyuter
Hindi maiwasan ang pagharap ngayon sa kompyuter o paggamit ng Internet, kahit gaano pa natin gustuhin na hindi ito gawin. Sa panahon ngayon, lahat ng trabaho ay nangangailan na ng kompyuter at Internet. Kaya ang magagawa nalang natin sa ganitiong sitwasyon upang maibsan ang ganitong pagod ay ang pag-limita ng oras na ating ibibigay sa pagharap sa kompyuter.
Sa mga tao na nasanay sa walang tigil na trabaho, o iyong mga matatawag na workaholics, may tyansa na magiging mahirap itong gawin, dahil sa nakasanayan nang routine. Kung nahihirapan kang magtalaga ng limit para sa iyong sarili, mag-set ng personal na alarm upang malaman mo kung hanggang anong oras ka lamang maaaring mag trabaho sa harap ng iyong kompyuter.
Magiging malaking adjustment ito at mahirap gawin sa simula, ngunit kung gagawin na nang paulit-ulit ay unti-unti na itong magiging parte ng iyong normal na routine para magturo online.
Mag-talaga ng lesson breaks
Sa praktikal na salita, magtalaga ng oras ng pahinga kada linggo, at ng mga maikling break sa gitna ng iyong work period. Sa ganitong paraan, masisiguro mo na hindi ka babad sa kompyuter buong araw. Bukod dito, hangga’t kaya, subukang lumabas ng bahay, pumunta sa inyong hardin kung mayroon, o ibaling ang iyong atensyon sa mga bagay na nakaka-relax.
Bukod sa pagtatalaga ng lesson breaks, siguruhin na gagamitin ang mga break na ito sa makabuluhang paraan a i-maximize ang ito. Hindi kailangan na magkaroon ng mahabang breaks sa gitna na bawat lesson period. Ang mahalaga ay hindi maging dire-drecho ang oras ng iyong trabaho.
Kung nasa normal na work environment ka ay malamang nakakapanibago ang suhestyon na ito. Ngunit ngayon, dahil marami sa atin ay nagtatrabaho sa bahay at mahirap magtalaga ng mga break, kinakailangan ito. Mas mainam din ito upang maitaas ang lebel ng iyong productivity, dahil presko ang iyong isipan pagbalik mo sa iyong work desk.
Lumabas ng opisina no kwarto
Mamasyal ka din paminsan-minsan, ngunit syempre kailangang gawin ito nang may pag-iingat lalo na dahil nasa gitna pa rin tayo ng pandemya at mayroon pa ring banta sa ating mga kalusugan. Ngunit dahil kailangan ng ating katawan at isipan ang panibagong environment kapag matagal tayong nanatili sa parehong lugar, maaari mong bigyan ang iyong sarili ng pagkakataon na makakita ng iba namang tanawin.
Sa pagpili ng lugar na pupuntahan, siguruhin na outdoor environment ito, gaya ng mga parke o bundok, may sariwang hangin, at hindi ka maglalagi sa isang espasyo na sarado kasama ang maraming tao. Panatilihin pa rin ang pagsusuot ng mask at pagdala ng disinfectant upang makasiguro na hindi makakakuha ng virus.
Makipag-usap nang personal
Kapag mayroon kang pagkakataon, makipag-usap nang personal sa mga taong malapit sa iyo. Bukod dito, huwag kalimutan na pati ang iyong mga estudyante ay kailangan ng pagkakataon na magkaroon ng human interaction. Kung maaari kang magkaroon ng mga one-on-one sessions sa iyong mga estudyante labas sa oras na kailangan nilang mag-aral online, gawin din ito. Nakabubuti sa lahat ang human connection, at sa panahon ngayon nararamdaman natin kung gaano ito kahalaga.
Higit sa lahat, kung ika ay nakakaramdam ng pagod, huwag madismaya sa iyong sarili o sumuko. Normal lamang na makaramdam tayo ng pagod. Hudyat lamang ito na kailangan natin ng pahinga, at hindi na dapat na tayong huminto.