Gaya ng lahat ng mga tao na nasa work from home setup, ang mga online teachers din ay nahihirapang paghiwalayin ang trabaho at personal na buhay. Oo, maraming magandang dulot at pagtatrabaho sa bahay, gaya ng mas mahabang panahon na kasama natin ang ating mga pamilya, wala nang mahabang byahe patungo sa skwelahan o opisina, at mas komportableng lugar ng pagtatrabaho.
Ngunit and hindi inasahan ng karamihan ay dahil dito, mahihirapan din tayong paghiwalayin ang oras ng trabaho at oras ng pahinga. Madalas ang nangyayari ay nawawalan na tayo ng oras para sa ating mga sarili dahil naging lugar na din ng trabaho ang ating mga tanahan.
Sa sitwasyong ito, hindi naiiba ang mga taong nasa larangan ng online teaching. Kung nais mong magturo online at gusto mong makasiguro na hindi ka mabu-burn out, narito ang mga tips para sa iyo.
Gawin lamang ang trabaho sa nakatakdang oras
Napaksimpe lamang ng tip na ito kung pakikinggan, hindi ba? Ngunit anumang simple nito, marami pa rin ang mga taong hindi na halos magawa ang kanilang mga personal na layunin at mga nais gawin dahil tila nilamon na ng trabaho ang kanilang panahon at atensyon.
At kung ikaw nga naman ay dedikado sa iyong trabaho at may tunay na kagustuhan na gampanan nang maayos ang iyong mga tungkulin, talagang ibubuhos mo ang iyong sarili para dito. Ngunit maging ang dedikasyon sa trabaho dapat ay may hangganan, dahil hindi ka lamang isang guro, malamang ay mayroon pang mga bagay na mahalaga din sa iyo, gaya ng iyong pamilya, ang iyong mental health, and iyong kalusugan.
Ugaliin na huminto sa pagtatrabaho kapag tapos na ang oras ng trabaho. I-manage ng maayos ang iyong oras upang maging produktibo ito at hindi mo na kailanganin na mag-overtime.
Gamitin ang rest days para sa mga personal na gawain
Syempre, kahit ikaw ay mag teach online, mayroon ka pa ding karapatan para sa mga rest days. Ang kagandahan ng online teaching ay ikaw ang may hawak ng iyong schedule. Ibig sabihin nito, mayroon kang kakayahan upang magtakda kung aling mga araw sa isang linggo ang iyong gagawing araw ng pahinga.
Kapag naitakda mo na ang mga ito, gamitin mo ang iyong rest days, at huwag gamiting dahilan na nandyan lang naman sa iyong kompyuter ang gagawin, o sandali lang naman, upang hindi puntahan ang iyong lamesa ang gawin pa rin ang iyong trabaho sa mga araw na ito.
Maging strikto sa pagsunod sa iyong sariling mga araw ng pahinga.
Iwasang tumugon sa mga mensaheng hindi urgent kapag labas na sa oras ng trabaho
Isa sa mga bagay na madalas nababanggit bilang dahilan ng stress sa trabaho ay ang pagsagot ng mga komunikasyon sa trabaho sa labas ng oras ng trabaho. Naaalala mo ba ang mga panahon na tinawagan ka ng iyong boss sa kalagitnaan ng iyong personal na lakad sa iyong araw ng pahinga? Hindi ba nakakapagod?
Sa kaso naman ng mga online teachers, dahil madali lamang silang makontak dahil sa Internet, madalas ay nakaktanggap pa rin sila ng mga mensahe mula sa mga estudyante kahit na hindi na oras o araw ng trabaho. May mga pagkakataon na urgent ang mga mensaheng ito at kailangang tugunan. Ngunit kung hindi naman mahalaga, maaari mo itong ipagpaliban hanggang sa araw na magtatrabaho ka na.
Salungat sa iniisip ng iba, hindi ito pagiging makasarili kundi pag-iingat sa iyong sariling isip at kalusugan.
Gumawa ng mga bagay na hindi kailangan ng kompyuter o Internet
Dahil babad ka na sa iyong kompyuter at sa Internet, gumawa ka din ng mga bagay na nakakalibang na hindi kailangang gamitan ng mga ito, gaya na lamang ng paggawa ng munting picnic kasama ang iyong pamilya sa inyong hardin at pagbabasa ng libro.
Gaano man kalaking tulong ang Internet sa atin ngayon, hindi pa rin kailangang dito umikot ang ating mundo.
Mag-skedyul ng pagliban sa trabaho
Kung sa palagay mo ay pagod ka na at kailangan mo ng mahabang pahinga, huwag mag-atubiling gawin ito sa maayos na paraan. I-schedule ito nang maaga, at ipaalam ito sa iyong mga estudyante at mga guro na papalit sa iyo sa panahon ng iyong pagliban.
Alalahanin na ang pagpapahinga ay isang mahalagang aspeto ng pagtatrabaho. Upang maging mabuti ang ating performance, kailangan nating maging seryoso sa pagpapatupad ng ating mga oras ng pahinga.