Ang matutong bumasa ang isa sa pinakamahalagang kasanayan na maituturo ng guro sa isang bata. Hindi lamang ito magagamit sa klase, bagkus ay makakatulong ito sa kanyang hinaharap. Ang pagbabasa ay isa sa mga pundasyon upang mapagtagumpayan ng tao ang hamon sa totoong buhay.
Sa sulating ito, ating bigyang diin ang tatlo sa paraan ng pagtuturo ng pagbasa. Ang mga detalyeng ito ay mga bunga ng pagsasaliksik, kung kaya’t ang paggamit ng mga pamamaraang ito ay magagamit ng guro upang mas mapabilis ang pagkatuto ng mga estudyante sa pagbabasa.
Paggamit ng palabigkasan (The Phonics Method)
Ang paggamit ng palabigkasan o tinatawag sa ingles na Phonics method ay isa mga prominenteng paraan ng pagtuturo kung paano bumasa. Sa pamamaraang ito, ang mag-aaral ay tinuturuan muna ng alpabeto. Kasama sa pag-aaral ng alpabeto ay ang pagtuturo sa kung anong tunog ang kayang taglayin ng bawat letra. Sa madaling salita, hindi lamang ang pisikal na estruktura ang natutunan ng bata, kasama na rin dito ang tunog mayroon ang bawat letra.
Dahil kailangang gradwal ang pagtuturo ng pagbasa, pwedeng pagsamahin ng mga bata ang dalawa o tatlong titik upang makagawa lamang ng mga salita kapag natutunan nila ang mga tunog ng titik. Ayon sa mga pag-aaral, ang pamamaraang ito ang isa sa mga pinakamabisang paraan ng pagtuturo. Ito ay dahil mahalaga na matutunan ng bata ang tunog ng bawat letra bago ito ilapat ng guro sa isang salita.
Maaring gumamit ang guro ng mga aklat nakasulat sa phonological na ayos o yaong mga libro na may regular at kawili-wiling mga salita. Kailangan ring maging maikli at kawi-wili ang prosesong iyong gagamitin dahil maikli lamang ang attention span ng mga mag-aaral partikular na ang mga bata. Tiyakin mo ring naipapaliwanag mo ng husto ang kahulugan ng bawat salita bago mo ito ilipat sa susunod.
Pamamaraan ng Pagtuturo Gamit ang Buong Salita ( The Whole Word Approach)
Kilala sa tawag na “look and say method”, ang whole word approach ay isang estratehiya na naglalayong maituro sa bata ang basa sa isang salita. Dito ay ipapakita ng guro ang salita, bibigkasin niya ito at hihingin nitong ulitin ng mag-aaral ang tunog ng buong salita.
Mainam rin na gumamit ng flashcard na may kawi-wiling larawan upang maengganyo ang iyong estudyante na matutong bumasa. Hindi magiging epektibo ang paraang ito kung hindi gagamitan ng mga larawan. Sa kabilang banda, magiging epektibo ito kung ito ay maisasagawa ng maayos.
Kilala rin ang paraang ito sa tawag na sight-reading. Ayon sa pag-aaral, mas naalala ng bata ang kanyang binabasa kung ito ay paulit-ulit niyang nakikita. Maari mo ring turuan ang isang bata na mabasa ang buong pangungusap gamit ang pamamaraang ito. Umpisahan mo ito sa pamamagitan ng pagbabasa ng buong salita, at hihilingin mong ulitin ng mag-aaral ang kanyang narinig. Pagkatapos ay iisa-isahin niyo pareho ang kahulugan ng bawat salita sa pangungusap.
Karanasan sa Wika bilang Pamamaraan sa Pagtuturo ng Pagbasa
( The Language Experience Approach)
Ang karanasan sa wika o language experience approach ay nakatuon sa paggamit ng sariling salita ng mga bata upang sila ay matutong bumasa. Hindi tulad ng naunang pamamaraan, ang estratehiyang ito ay nakaangkla sa personal na karanasan ng mga bata.
Natututo ang mga bata ng mas maraming salita gamit ang paraang ito dahil pundasyon nito ang mga salitang pamilyar na sa kanila. Ang mga salitang madalas na naririnig sa mga lugar tulad ng paaralan o mga pook pasyalan ay maaring gamitin sa pamamaraang ito. Sa madaling sabi, ang mga direktang karanasan ng mag-aaral ang siyang gagamitin upang sila’y matutong bumasa.
Magiging malawak ang epekto ng paraang ito kung gagamitin siya kasama ng mga naunang estratehiyang nabanggit.