Ang pagdating ng pandemya ay siya ring pagbubukas ng maraming pagbabago sa sistema ng tao. Isa na rito ang naging transisyon ng pagtuturo mula sa tradisyunal tungo sa online na plataporma. Naging malaking hamon ito sa lahat dahil na rin hindi ito ang ating nakasanayan na set-up ng pagtuturo.
Maaring noong una ay nangapa tayo sa mga bagong paraan na ito, ngunit dahil likas sa atin ang pagiging malikhain ay may nabuo at nagamit tayong mga estratehiya upang mapagyabong pa ang ating adhikaing maging mas kapanapanabik ang pagtuturo, lalong lalo na sa online na pamamaraan.
Sa blog na ito, ating tatalakayin ang lima sa mga mabisang estratehiya upang mas maging interaktibo ang iyong klase. Iminumungkahi rin naming gamitin ito upang mas maging substansyal ang iyong pagtuturo, at upang maging mas makahulugan ang pagkatuto sa perspektibo ng mga mag-aaral.
Gumamit ng mga graphical presentations.
Kung ikaw ay nag-pepresenta ng iyong leksyon gamit ang microsoft powerpoint, mabuting gamitan mo ng mga graphical presentations sa halip na puro teksto. Ito ay dahil hindi magiging kaaya-aya ang iyong presentation kung punong-puno ito ng teksto.
Ang paggamit ng graphical presentations ay isang mainam na paraan upang mas madaling maintindihan ng mga mag-aaral ang mga mahihirap na konsepto, kumpara sa paggamit ng mabibigat na teksto na maaaring magbigay kalituhan sa mga mag-aaral.
Ang graphical presentations ang siyang nagbibigay buod sa mga konseptong may komplikadong konteksto. Ika nga ng kasabihan “ A picture paints a thousand words.”
Maaari mong gamitin ang kasanayang ito sa tuwing ikaw ay gagawa ng iyong presentasyon gamit ang google slide, microsoft powerpoint at slideshare.
Gumamit ng virtual whiteboard.
Madalas sa isang leskyon ay nakikinig na lamang ang mga estudyante sa sasabihin ng guro. Ngunit may posibilidad na hindi lahat nang sasabihin ng guro ay maaalala ng estudyante, kung kaya’t kailangan ng guro na gumamit ng materyal na magagamit niya upang maisulat ang laman ng leksyon.
Makabubuting gumamit ng virtual whiteboard para masundan ng mga estudyante ang takbo ng leksyon, lalung lalo na kung ang paksa ay medyo may kahirapan. Sa paraang ito, mas nagiging malinaw sa mga estudyante ang tinalakay na paksa.
Mabisa rin itong paraan upang mas maalala ng mga mag-aaral ang aralin tungkol sa matematika, gramatika at siyensya na ilan sa mga asignaturang may komplikadong konsepto.
Paggamit ng Flipped Classroom
Ang flipped classroom ay isang epektibong paraan upang mapagtagumpayan ang learning delivery sa pamamagitan ng online na platform. Gamit ang technique na ito, maaari kang maglagay ng mga pre-recorded materials o mga file na aaralin ng mga mag-aaral bago sila pumasok sa kaniya-kaniyang klase.
Mapagtitibay nito ang diskusyon sa pamamagitan ng pag-organisa ng mga debate o mga tanong na nakapupukaw sa isip ng mga mag-aaral. Ayon sa isang datos, siyam sa sampung guro ang nagsasabing mabisa diumano ito bilang estratehiya sa pagpapatibay ng pundasyon ng online teaching.
Gawing madalas ang synchronous session
Sa ganitong set-up, dapat ding bigyang tugon ang schedule ng klase. Kailangan hindi ito maisaalang-alang dahil dito nakasalalay ang kalidad ng pagkatuto ng mga mag-aaral. Tandaan na ang madalas na paggawa ng synchronous session ay mabisang paraan din upang mabantayan ang learning progress ng mga estudyante.
Sa pamamagitan nito ay maitatanong din ng guro kung saang konsepto nahihirapan ang mga mag-aaral. Dahil dito ay mas natutukan sila, dahilan din upang mahulma ng guro ang kanyang estratehiya na naaayon sa taglay na potensyal ng mga estudyante.
Gawing isang palagiang gawain ang makahulugang diskusyon sa klase.
Bilang guro, may kakayahan kang gawing kapanapanabik ang klase. At magagawa mo ito sa pamamagitan ng pagbibigay tanong na makakapukaw sa isipan ng mga estudyante.
Himukin mo silang maging kritikal sa kanilang mga argumento sa pamamagitan ng debate o diskusyon sa mga isyung nakakaapekto sa ating pang-araw araw na buhay. Bukod pa dito, kailangan mo ring pumili ng mga online materials na naaayon sa interes ng mga estudyante.
Ang mga pamamaraang ito ay ilan sa libu-libong estratehiya na siyang magagamit upang gawing makahulugan ang teaching -learning process. Malawak ang imahinasyon ng tao, kaya’t anumang paraan ang ginagamit mo ngayon, madagdagan pa ito kung magiging bukas ang iyong isipan sa mga bagong pamamaraan.