Teachmint X
Interactive Flat Panel powered by EduAI
Teachmint Connected Classroom
Powered by EduAI
EduAI
AI-Powered Smart and Intelligent Personal Teaching Assistant
Teachpay
One stop fee management & digital payments for education institutes

Mahahalagang Tips Sa Pagsasagawa ng Debate Sa Klase

Ang debate ay isang matalinong diskusyon sa mga paksang may kinalaman sa kasalukuyang kondisyon ng lipunan. Sa pamamagitan ng gawaing ito ay nabubuksan ang kaisipan ng mga mag-aaral tungkol sa mga isyung nagiging balakid sa progreso ng sangkatauhan.

Isa ang debate sa mga gawaing nakakapukaw ng atensyon ng mga mag-aaral. Ito ay dahil nailalabas ng mga estudyante ang kanilang opinyon sa mga naturang isyu. Dito, nabibigyan sila ng kalayaang maging mapanuri sa mga bagay na kailangan ng agarang solusyon.

Maaaring ang paksa ay tumutukoy sa legalisasyon ng diborsyo, aborsyon, death penalty o anuman. Ang mga estudyante ay pipili ng argumentong kanilang paninindigan hanggang huli. Ngunit bago ito isagawa, may mga bagay na dapat isaalang-alang.Narito ang ilan sa mga tips na maaring sundin ng guro:

Ipakilala muna ang paksa

Bago magsimula ang debate, kailangang malaman muna ng mag-aaral ang paksang kanilang pagdedebatihan. Ang mga paksang ito ay kailangang nakaangkla sa mga nangyayari sa ating lipunan. Maaaring pumili ng paksa tungkol sa edukasyon, simbahan gobyerno at iba pa.

Pagkatapos piliin ang paksa ay kailangang magbigay ng kaunting background ng senaryo ang guro upang maunawaan ng mga estudyante ang mga kontekstong nakapaloob sa napiling isyu. Ito ay upang mabigyan din ng tyansang mas maunawaan pa ang laman ng isyu at para rin magkaroon ng direksyon ang diskusyon.

Magtalaga ng grupo para sa affirmative at negative na panig

Pagkatapos nang pagpapakilala sa paksa, susunod naman ay ang pagpili ng panig na pagdedebatihan. Dalawang grupo ang kakailanganin sa isang paksa at isa sa kanila ay tatawaging affirmative, sa kabila naman ay negative. Dito ay bubuo ng argumento ang mga mag-aaral ayon sa panig na kanilang napili. Affirmative ang magiging tawag sa grupo na papanig sa paksang napili, at negative naman kung sila’y hindi pabor sa paksa.

Maaari namang daanin sa toss coin ang pagpili kung sa tingin mo ay hindi magiging patas na ikaw, bilang guro, ang pipili sa panig ng iyong mga estudyante. Kadalasan, ang grupo ay binubuo ng tatlo o apat na miyembro. Ibig sabihin ay hindi lamang isang estudyante ang gagawa ng hakbang sa pagpili ng kanilang argumento, ito ay responsibilidad ng buong grupo.

Mahalagang paalalahanan ang mga kalahok na magkaisa upang maging maganda ang daloy ng bawat argumentong gagamitin nila sa naturang gawain.

Magbigay ng oras para sa pagsasaliksik

Ang debate ay hindi lamang labanan ng opinyon, ito ay labanan din ng ebidensyang ilalatag sa diskusyon. Kung kaya’t mahalaga ang mahabang preparasyon upang makapaghanap ng sapat na mga ebidensya ang mga mag-aaral na kanilang ihahain sa debate.

Paalalahanan din ang mga mag-aaral na maging maingat sa mga gagamitin nilang resources dahil hindi lahat ng nakikita o nababasa nila ay maaring totoo. Kailangang magkaroon ng fact checking bago isabak ang mga ito sa diskusyon. Paalalahahan din sila sa kanilang responsibilidad na sabihin lamang kung ano ang totoo at huwag silang gagamit ng mga gawa-gawa lamang na datos at ebidensya.

Bantayang maigi ang oras ng presentasyon

Iwasang maging matakaw sa oras ang debate. Paalalahanan ang mga mag-aaral na maging sensitibo sa oras ng kanilang presentasyon. Sa pormal na debate, may sinusunod na hanggangan ng oras ang bawat presentasyon. Kadalasan ay may  tig-dalawang minuto lamang ang bawat panig na ipresenta ang kanilang argumento.

Ang unang tagapagsalita mula sa affirmative na panig ay mayroong dalawang minuto lamang upang maibahagi ang kaniyang argumento. Susundan naman ito ng argumento mula sa negative side. Ganitong klase ng presentasyon ang susundin mula sa unang tagapagsalita hanggang sa huli.

Maging Patas sa Pagbibigay ng Hatol

Ang guro ang magsisilbing hurado sa presentasyon. At sa ngalan ng pantay na pagtrato sa mga mag-aaral, kailangang ang iyong desisyon ay hindi dala ng impluwensiya ng iyong damdamin. Kailangang ihiwalay mo ang iyong personal na pananaw sa isyung pinagdedebatehan dahil kung hindi, ay kahit anong ganda at husay ng pagkakapresente ng iyong mga estudyante, mawawalan ito ng saysay kung susundin mo ang iyong sariling pananaw sa isyu.