Bilang isang mag-aaral, marami kang dapat matutunan na siya mong magagamit sa iyong pang-araw araw na gawain, lalo na sa usaping pang-akademiko. Dahil nagbago na ang sistema ng pagtuturo sa pamamagitan ng online learning, dapat ring mabago ang iyong mga nakaugalian lalo na sa mga tuntunin na dapat mong gawin habang nasa loob ka ng iyong birtwal na klase.
At para bigyan ka ng ideya kung ano ang iyong mga dapat gawin, narito ang ilan sa mga tuntunin na dapat mong isaisip at isagawa habang nasa kalagitnaan ka ng iyong online class.
Maging magalang
Ang pagiging magalang ay isa sa malaking bagay na maaari mong ibahagi sa iyong guro at mga kaklase. Maari mo itong maipakita sa pamamagitan ng pag-off nf iyong mikropono habang may nagsasalita, ito ay upang mabigyan ng atensyon ang taong nagsasalita.
Maipapamalas mo rin ang pagiging magalang sa pamamagitan ng pagiging sensitibo sa iyong mga sasabihin. Iwasan mo ang mga salitang hindi kaaya-ayang pakinggan.
Lagi maging pormal sa iyong salita at gawa
Ang online class ay isang pormal na gawain na nangangailangan din ng pormal na atmospera. Ito ay maaari mong maipakita sa pamamagitan ng paggamit ng tamang ispeling sakaling ikaw ay naatasang magbigay ng opinyon sa pamamagitan ng chat box.
Isa pang paraan ng pagpapakita nito ay ang pagsusuot ng damit na presentable. Normal lang na magsuot ng pambahay ngunit suriin mong mabuti kung ito ba ay nababagay sa konteksto ng inyong online class.
Maging maingat sa iyong mga bibitawang biro at mga uyam
Misan, sa kagustuhan mong maging magaan ang inyong klase ay nakapagbibigay ng mga biro. Normal lamang ang ganitong naisin ngunit gaya ng nabanggit sa unang aytem ay kailangan mong salain kung ang birong ito ay maaaring makasakit sa iyong kaklase.
Tandaan mo na hindi lahat ay may parehong pagtanggap sa iyong mga salita at maaaring pag-uyam ang dating nito sa sino mang makakarinig. Maaring magbigay ng biro na di mo kailangang magbanggit ng pangalan ng kaklase, ito ay para maiwasan ang hindi pagkakaunawaan.
Magbigay ka ng mga makatotohanang impormasyon
Kung sakali mang ikaw ay tinawag upang magbigay ng iyong saloobin sa isyu, responsibilidad mong magbigay ng mga impormasyon na naaayon sa kung ano ang totoo. Maari mo itong gawin sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga datos o mga pag-aaral na nailathala.
Sa ganitong paraan, mabibigyan mo ng hustisya ang iyong opinyon. Isa pa, mas magiging kapani-paniwala ang iyong mga sasabihin kung ito ay gagamitan mo ng mga istatistika. Maari kang magsaliksik sa internet para madagdagan ang iyong kaalaman.
Huwag magpakita ng mga imaheng hindi kaaya-aya
Dahil ang iyong online class ay isang pormal na gawain na kailangang bigyang galang, ingatan na huwag kang makapagpakita ng mga imaheng hindi maganda sa mata. Isipin mo na isang malaking iskandalo ang maaaring harapin ng kahit na sino kung sakali mang gagawa siya ng hindi kaaya aya habang nasa loob birtwal na klasrum.
Tandaan na hindi lahat ng nasa online ay pribado kaya’t maging maingat sa maaari mong maibahagi habang ikaw ay nasa klase.
Gamitin mo ang titulo ng iyong guro
Huwag mong kakalimutang tawagin sa ka niyang titulo ang iyong guro, dahil minsan, nakakalimutang tawagin ng mga estudyante ang kanilang mga guro dahil nakakalimutan nila ito tuwing online class.
Bukod pa sa pagtawag sa kanyang titulo, ingatan mo rin ang iyong mga bibitawang salita at maging magalang sa’yong guro. Tandaan mong sila ay mga nasa awtoridad na dapat mong igalang.
Irespeto mo ang opinyon ng iba
May mga pagkakataong magkakaiba ang opinyon ng bawat isa, at maaari kang makarinig ng opinyon na hindi magtutugma sa iyong pananaw. Hindi mo ito maiiwasan kaya ang tangi mong magagawa ay igalang opinyon ng iba.
Tandaan na sa lahat ng gawain, online class man o ano man yan, obligasyon nating maging magalang sa kahit na sinong tao.