Lahat tayo ay may kagustuhang maging matagumpay sa bawat larangan na ating tinatahak, anuman ang ating ginagampanang tungkulin. Ang mga guro ay ganoon din, maging nagtuturo man sa mga pisikal na klasrum o sa digital na learning spaces. Ngunit gustuhin man natin, hindi lahat ng nagtuturo ay nagiging matagumpay o magaling dito. Pero ang unang hakbang sa pagbabago patungo sa pagbuti o pagbabago ay ang pagkilala sa mga kahinaan upang mabigyan ng tamang solusyon.
Paano nga ba malalaman kung ikaw mismo ay nagiging matagumpay sa bawat klase na iyong ginagawa? Narito ang mga batayan na ang iyong pagtuturo ay matagumpay.
1.Kita ang partisipasyon ng bawat mag-aaral sa klase
Kapag ang pagtuturo ay sapat na nakakapukaw ng isip, nagkakaroon ng aktibong partisipasyon ang bawat mag-aaral. Sa iyong mga klase, may nagtataas ba ng kamay kapag ikaw ay nagtatanong? Mayroon bang mga estudyante na nagkukusang gawin ang mga exercises at activities sa klase? Kung ganoon ay maaari mong masabi na may sapat na interes ang iyong mga mag-aaral sa iyong klase, at may tunay silang kagustuhan na matuto.
Kung nais mo namang magturo online, hindi ganoon ka kita ang partisipasyon ng mga mag-aaral, dahil hindi mo sila pisikal na kasama sa loob ng isang klasrum. Ngunit maaari mo paring mapansin ang kanilang partisipasyon sa pamamagitan ng kanilang gawa, sa mga ipinapasang paperwork, at sa kanilang attendance sa online class.
2.Nagkakaroon ng mga diskusyon kahit pagkatapos ng klase
Hindi sapat na sa loob lamang ng klasrum nagkakaroon ng aplikasyon ang mga bagay na iyong itinuro, lalo na kung ang mga ito ay may tunay at agarang aplikasyon sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Sa online teaching, mas challenging na makapukaw ng mga diskusyon sa labas ng klasrum ang mga klase, ngunit dahil sa paunti-unti nang nasasanay ang mga tao sa online meetings at digital na mga transaksyon, hindi na ito ganoon ka laking hadlang. Sa katunayan, marahil ay mas madali na ngayong gawin ang mga pakikipag-usap, dahil sa dali at bilis gamitin ng mga online platforms kung saan maaaring makipag-usap sa iba.
Dahil dito, malalaman mo na naging epektibo ang iyong pagtuturo kung ang iyong mga mag-aaral ay kusang nagsasagawa ng mga kaugnay na diskusyon pagkatapos na inyong klase.
3.Bumubuti ang gawa ng mga mag-aaral
Isa din sa mga pinakamadaling makita na basehan ay ang performance o gawa ng mga estudyante. Bumubuti ba ang kanilang scores sa mga pagsusulit? Bumubuti ba ang kanilang performance sa mga gawain sa klase at labas ng klase?
Syempre, may malaking bahagi nito ay ang sipag at talino ng mga mag-aaral. Ngunit kung mayroong malaking pagbabago sa kanilang gawa noon at ngayon, maaari mong sabihin ng ang paraan ng iyong pagtuturo ay naging mainam upang kanilang maintindihan nang maigi ang paksa na pinag-aaralan.
4.Dumarami ang mga nais mag-enroll
Kung nais mong mag teach online, isa pa rin sa mga bagay na magiging malaking konsiderasyon sa iyong propesyon ay ang bilang ng mga taong gustong mag-enroll.
Ngunit kung ikaw ay matagumpay sa bawat klase na iyong ginagawa, hindi mo kakailanganing mag-isip ng matagal o mag-alala tungkol dito, dahil kusang dadami ang mga taong gustong makinig sa iyo. Kung naging maganda ang karanasan ng mga dati at kasalukuyn mong estudyante, makaka-asa kang madadagdagan ang kanilang bilang.
Kung sa palagay mo naman ay wala gaanong may kagustuhan na matuto mula sa iyo, baka hudyat na ito na kailangang may pagbutihin pa sa iyong teaching style o method.
5.Nakakatanggap ka ng magagandang feedback
Tila wala nang mas lilinaw pa sa feedback bilang sukatan ng karanasan ng isang tao. Kung ikaw ay madalas makatanggap ng mga positibong komento o feedback mula sa iyong mga estudyante at maging sa ibang mga guro, hindi mahirap isipin na naging maganda ang iyong impact sa kanila, at dapat mong ipagpatuloy kung anuman ang kanilang nagustuhan sa iyo.
Ngunit kahit pa maganda ang iyong performance, hindi sa lahat ng bagay ay positibo ang feedback na iyong matatanggap. Huwang paghinaan ng loob. Kung mas marami pa rin ang magagandang komento sa hindi, walang dapat ipag-alala. Pagbutihin lamang ang mga hindi maganda, at ipagpatuloy ang mga nagagawa mo nang maayos.
Kung nakikita mo ang mga senyales na ito sa iyong sariling pagtuturo, congratulations! Sana ay lalo mo pang pagbutihin ang iyong pagtuturo upang mas marami pang matuto at masiyahan sa pag-aaral dahil sa iyo.