Ang pagtuturo ng sining ng pakikipag debate ay may mga kaakibat na elemento na siyang dapat maihatid ng guro ng buong husay. Hindi sapat na maituro lamang ng guro ang kahulugan ng debate, kinakailangan ang mga estudyante ay maturuan sa tamang paraan ng paggawa ng argumento.
Ang argumento ay ang sentro ng diskurso. Dito umiikot ang talakayan ng magkaibang panig. Ipinapahiwatig sa argumento ang mga halimbawa at rason kung bakit kailangang pumanig ang hurado sa pinaninindigan ng isang grupo.
Nasabi rin lamang na ang argumento ang siyang susi upang makumbinsi ng mga debater ang mga hurado na pumanig sa kanilang pabor, kinakailangang mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga estudyante upang magkaroon sila ng ideya kung paano ang pagpresenta ng isang mahusay at matibay na argumento.
Narito ang ilan sa mga tips kung paano tinatahi ang ideya sa isang argumento:
Sabihin sa simula ng iyong talumpati ang panig ng inyong grupo
Para mabatid ng mga hurado ang paksang iyong pinaglalaban, mahalagang mabigyan mo sila ng ideya sa iyong argumento gamit ang pagpapakilala sa paksang inyong pag-uusapan.
Ito ay maaari mong magawa sa pamamagitan ng pagsasabi ng inyong panig. Halimbawa ay ang sumusunod:
“ Ako, sampu ng aking mga kagrupo sa debateng ito ay naniniwala na ang pagpataw ng parusang kamatayan ay isang aktong imoral. Hindi ito ang solusyon sa krimen at lalong hindi ito makabubuti sa ating mga mamamayan, partikular na ang mga mahihirap.”
Ang naturang halimbawa ay isa lamang sa paraan kung paano maihahatid ng tagapagsalita ang punto ng kanyang grupo. Kung susuriin, ang halimbawang binigay ay naglalaman ng saloobin at direktang dahilan kung bakit hindi sang-ayon ang tagapagsalita na magkaroon ng parusang kamatayan.
Kailangang matutunan ng mga mag-aaral na gumamit ng mga salitang may hataw o mga salitang may dating sa mga tagapakinig.
Ipaliwanag ang dahilan ng iyong panig
Pagkatapos banggitin ang iyong panig, susunod naman sa iyong argumento ay ang pagbibigay ng paliwanag kung bakit ganun na lamang ang iyong atake sa presentasyon ng iyong panig.
Upang magawa ito, kailangan ng presentasyon ng mga paliwanag para palakasin ang iyong argumento. Maaari mong gamitin ang halimbawa sa ibaba bilang iyong gabay:
“Ang pagpataw ng parusang kamatayan ay hindi magiging makatarungan, lalo na kung ating titingnan, ang hustisya sa ating bansa ay pabor lamang sa mga mayayaman. Maaaring may puntong maikulong o maparusahan ang taong walang kasalanan. Hahayaan ba natin na ganitong klase ng hustisya ang ating haharapin sa mga susunod na panahon?”
Ang halimbawa sa itaas ay nagpapakita na ang pagpapaliwanag sa argumento ay isang matalinong hakbang upang mas maging malinaw ang punto nito.
Magbigay ng mga halimbawa
Hindi natatapos sa pagpapaliwanag ang isang argumento. Mahalagang matutunan ng mga mag-aaral ang importansya ng paggamit ng mga pag-aaral, datos o istatistika upang pagtibayin ang mga paliwanag na kanilang binitawan sa umpisa ng debate.
Mahalaga ring malaman ng mag-aaral na magmimistulang tsismis ang kanilang argumento kung ito ay hindi patutunayan gamit ang mga makatotohanang datos.
Halimbawa:
“ Noong taong 1991 ay halos 25% ng mga nahatulan ng parusang kamatayan ay mga inosente. Ibig sabihin, hindi naging malinaw ang proseso ng hustisya para sa mga taong ito. Kung ating bibigyan pa ng pagkakataon ang batas na ito, maaring madagdagan lamang ang bilang ng mga napaparusahan na wala namang mga kasalanan.”
Kung iyong susuriin, naging mas matibay ang argumentong binanggit dahil sa pagdaragdag ng datos na may kinalaman sa mosyong pinagdedebatihan. Ang ganitong istilo ng pagpepresenta ng argumento ay kailangang ituro ng guro sa mga mag-aaral. Ito’y upang mahasa ang kanilang kasanayan sa pagsasaliksik.
Gawing nakakapukaw ng atensyon ang iyong panghuling mga salita
Umpisahan mong malakas ang iyong argumento at tapusin mo ito nang mas malakas. Paano ito ginagawa? Maaari mong banggitin ang argumentong tinalakay mo sa umpisa ng debate.
At dahil ito ang pinakahuling parte ng iyong talumpati, ipakita mong karapat dapat na pumabor ang mga hurado sa inyong panig. Magagawa mo lamang ito sa pamamagitan ng paggamit ng mga salitang may kakayahang umapela sa emosyon ng mga tagapakinig.